Pangatlong artikulong Lathalang Labas-LB
Ulat nina Amiel Earl Malabanan at Marjorie Delos Reyes
Hindi maipagkakaila na ang isang de kalidad na lider ng bayan ay iba’t iba para sa bawat mamamayan base sa kani-kanilang opinyon at pagtanaw sa kung ano dapat ang katangian ng isang lingkod bayan.
Batay sa pagsusuri ni Murcia (2016) noong 2016 Presidential Elections, lumabas na pinakamahalaga para sa Millennial voters (mga botante na may edad 25-40 taong gulang) ang karanasan ng isang kandidato sa pamumuno. Pumapangalawa naman ang antas ng edukasyon habang ang personalidad ng isang kandidato ay pangatlo sa mahahalagang katangian na hinahanap ng mga botante. Mahalaga rin para sa mga Millenials ang mga nakahaing plataporma ng isang kandidato at ang propesyon o trabaho nito.
Maaari namang ipakita ng mga kandidato ang kanilang kalidad bilang isang lider ng bayan sa iba’t ibang paraan. Isa na rito ang pagpapahayag ng mga plano sa pamamagitan ng pagdalo sa mga debate. Dito mapag-uusapan ang kani-kanilang solusyon sa mga isyung kinakaharap ng bansa o ng bayang paglilingkuran. Pangalawa ay ang paglabas nila ng kanilang mga kredensyal, kasama ang educational background, kasaysayan ng pamilya, Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at iba pang pwedeng makapagbigay konteksto sa kanilang pagkatao tulad ng criminal history.
Nagpahayag naman ng mga saloobin sina Jonah Kiel Calucin (30) na isang Youth Leader ng Victory in Christ Christian Fellowship, Stephen Crisostomo (20) na estudyante ng Laguna University at pangalawang beses na boboto ngayong eleksyon, Edrick Dy (22) na estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños at first-time voter, at si Adela Zapata (61) na isang retiradong empleyado ng gobyerno.
Para sa Isang Kabataang Manlalaro
Para kay Stephen, isang varsity player ng Laguna University, inaasahan niyang mas bibigyang pansin ng susunod na government leader ang larangan ng sports sa bansa. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng sports activities, mas lalawak ang oportunidad ng mga kabataan na matuto at mahikayat na lumahok sa mga larong pampalakasan. “Ang epektibong lider ay nakatutulong sa aming mga kabataan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga aktibidad tulad ng basketball at iba pa. Nagsisilbing modelo rin ang isang lider ng bayan sa pamamagitan ng paggawa n’ya ng mabuti; nahihikayat n’ya ang mga kabataan na tularan siya,” pahayag nito.
Para sa Isang Lider ng Simbahan
Ibinahagi naman ni Jonah ang kahalagahan ng espiritwal na paniniwala bilang batayan ng pagkatao ng isang lider ng bayan. Nagbahagi siya ng isang Bible verse kung saan ang pagkakaroon ng isang matuwid na lider ay nagdala sa Israel tungo sa pag-unlad. Binigyang diin niya na mahalaga ang espiritwal na paniniwala ng isang kandidato dahil sinasalamin nito ang kanyang values o mga prinsipyo na siyang kinakailangan sa paggawa ng mga desisyon. ”Nabanggit din siya sa Bible, sa Book of Proverbs, na righteousness exalts a nation. So when a person has a goal to glorify the Lord kasi may personal siyang pagkakaunawa dun sa word ng God, naniniwala ako na it will result to good decision-making and good governance,” aniya.
Nang tanungin naman si Jonah ukol sa pagkakaroon ng ugnayan ng simbahan at ng estado, sinabi niya na importante ang koneksyon ng dalawang panig sapagkat kahit may kanya-kanyang paniniwala ang bawat Pilipino, mayroong kolektibong layunin na mapabuti ang ating bansa sa usapin ng pagpili ng isang lider ng bayan. ”Actually mahalaga talaga na may ugnayan kasi sabi ko nga kanina, religion creates division, but since we live in one country— citizens tayo ng one country na ang goal natin is talagang umangat, maayos yung country natin; so even though magkakaiba tayo ng religion, I believe na napakahalaga ‘yung ugnayan sa state kasi kung magkasalungat sila, that will also wreck the nation and the country,” pahayag niya.
Para sa Isang Iskolar ng Bayan
Ayon naman kay Edrick, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños, mahalagang kakayahan ng isang lider na magbigay inspirasyon at pag-asa sa taumbayan. “It manifests itself [pagiging mahusay na lider] sa mismong citizens ng country… ‘yung mismong taong bayan ‘yung may initiative to do good.” Ipinahayag din ni Edrick ang importansya ng pagkakaroon ng lider na may kalidad, kung saan may kakayahan itong sagutin ang mga pangangailangan ng bayan lalo na ang mga taong nasa laylayan ng lipunan. “Kasi ang pagiging leader or President, public servant s’ya [sila] talaga so they should know the needs of the people. They should know how to improve the quality of life of the people, especially ‘yung mga marginalized,” dagdag niya.
Masasabi rin umano na huwaran ang isang pinuno kung kusang loob itong nakikisangkot sa mga sakunang nararanasan ng kaniyang mga nasasakupan. Sa pamamagitan nito, nararamdaman ng mga mamamayan ang pag-asa at pag-angat ng kanilang buhay. “Sa context ng President, kapag nakikita ka ng tao na pinagsisilbihan sila, it uplifts them eh, parang ‘yun nga… it gives the people hope. Mai-improve ‘yung quality of life nila kasi yung leader mo handang magserbisyo talaga para sayo— not for their personal gains.”
Dagdag pa ni Edrick, ang pagkakaroon ng mabuting pamamahala ay naisasalamin ng mga mamamayan ng isang bayan, “So let’s say as simple as the citizens following the policies doon sa municipality na ‘yon. ‘Yung mga simple acts like how well the policies are implemented… doon mo makikita ‘yung good governance,” aniya. Mahalaga rin para sa kabataang botante na magtakda ng polisiya na angkop at makatwiran para sa mga tao. “‘Yung namumuno… dapat alam ‘yung mga kailangan ‘nung mga nasa lugar na ‘yon, dapat angkop ‘yung mga batas na nai-implement doon sa lugar.” pahayag ni Edrick.
Ibinahagi rin ni Edrick na ang pagiging bukas ng mga lider sa iba’t-ibang isyu ay lubos na nakakaimpluwensya sa mga kabataang gaya niya. “A good leader should have a good moral compass… It’s a good way to influence the youth.” Nang tanungin naman siya kung paano nakakaimpluwensya ang isang lider ng bayan sa mga kabataan, ito ang naging tugon ni Edrick: “A good leader sets an example or leads by example.”
“I think it [ang pagiging modelo ng isang lider] has something to do with the leader being vocal about their stances on things at kung ano man ‘yung ginagawa nilang action para doon, “ dagdag niya.
“[Sa tingin ko, ang pagiging modelo ng isang lider, ay may kinalaman sa pagiging vocal sa mga paninindigan nila sa mga bagay bagay at kung ano man ‘yung ginagawa nilang action para doon.]”
Sa huli, naniniwala ang kabataang botante na ang kakayahan ng mga lider na talakayin ang iba’t ibang isyung panlipunan ay sumasalamin sa kanilang pagkatao. Kaya naman mahalaga na magkaroon ng magandang dulot ang mga lider ng bayan, dahil ayon kay Edrick, “…youth looks up to the leader.”
Para sa Isang Dating Lingkod Bayan
Para naman kay Adela, ang isang de kalidad na lider ng bayan ay tapat sa pagsisilbi, mayroong pagkalinga sa kapwa, at marunong tumimbang sa bawat tao. “Kailangan trustworthy ka sa pagsisilbi sa bayan para ‘yung tiwala ng tao hindi masira. Kasi ‘yung bayan ‘yung dala mo. [Dala mo] lahat ng tao… ikaw ang inaasahan sa huling sandali, [ikaw] [a]ng kanilang pag-asa,” aniya.
Nang tanungin si Adela ayon sa kahulugan ng pagkakaroon ng mabuting pamamahala, binigyang diin niya ang kahalagahan ng magaling na paghahati ng pondo ng bayan.”’Yung mga taxes na pinopondo dapat nasa tamang paglalagyan, hindi binubulsa. [A]ng mga tao dapat mas matulungan ‘yung mas nangangailangan, hindi ‘yung kamag-anak lamang.”
Taong 1978 nagsimulang bomoto si Adela, at sa halos 45 taong bumoboto, nabanggit niyang wala pa siyang nakikitang umupong lider na pasok sa kaniyang imahe ng isang huwarang pinuno ng bayan. “Consistent ‘yun [mga pangako], pagkatapos nangako, hanggang pangako na lang— “pangakong nagkalaon ay napako,” aniya.
Kolektibong Pag-asa ng Bayan
Sa artikulong ito, makikita ang kanya-kanyang pamantayan ukol sa isang lider ng bayan, ngunit mayroon ding pagkakapareho sa pahayag ng mga kinapanayam. Ang isang pamantayan na umusbong sa pakikipanayam ay ang pakikisangkot ng isang kandidato sa mga taong kaniyang paglilingkuran. Ayon sa mga kinapanayam, sa pakikilahok nalalaman ng isang kandidato ang mga isyung dapat tugunan sa isang bayan. Dahil dito, umuusbong ang mga aktibidad o polisiya na na siyang nakaangkla sa mga pangangailangan ng mga mamamayan. Isa pang pamantayan na mayroon ang bawat isa ay ang pagkakaroon ng accountability ng isang lider ng bayan sa kanyang tungkulin. Batay sa mga tumugon, mahalagang malaman ng isang lider ng bayan ang lalim ng kanyang tungkulin sapagkat nakasalalay dito ang estado ng mga mamamayang kanyang paglilingkuran. Panghuli, mahalaga umano ang pagiging huwaran ng isang lider ng bayan dahil siya ay isang lingkod bayan na may kakayahang mag impluwensya ng mga tao.
Sa pahayag ni Edrick, binigyang diin ang kahalagahan ng pagbuo ng mga polisiya sa pagsulong ng isang mabuting pamamahala. “[K]ailangan ng tao ng assurance na may tumutulong sa kanila and hangga’t wala silang policy for that o law na ini-implement, hindi s’ya mangyayari…” aniya.
Iginiit din ni Jonah na kahit magkakaiba ng relihiyon o paniniwala ang bawat Pilipino, kinakailangan pa rin ng pagkakaisa sa pagboto ng isang lider ng bayan. “I believe na each person, kung magkakaroon kayo ng decision to support your leaders or government, kahit maliit diba– it will create an impact kapag nagsama sama sila.” pahayag nito.
Sa huli, nais linawin ng mga manunulat na hindi kinakatawan ng mga taong nakapanayam sa artikulong ito ang bawat sektor na kanilang kinabibilangan. Gayunpaman, marapat na pahalagahan ang boses ng bawat Pilipinong botante sa pagpapahayag ng kanilang pamantayan sa pagpili ng mga bagong lider ng bayan sapagkat ito ay gabay sa pagbuo ng isang lipunang may kakayahang humusga at magluklok ng mga bagong lider ng bayan para sa ikauunlad ng kinabukasan ng mga Pilipino.
Related Article