Ulat ni: Demi Z. Laborte
Makamahirap, may paninindigan at pursigido na makatulong sa masa si Vice President Leni Robredo, ayon kay Rowena Tolentino, presidente ng Samahan ng mga Bangkero’t Bangkera ng Lawa ng Pandin.
“Sa pananaw ko, kailangan ng [bansa ng lider na] mayroon talagang paninindigan…kapag sinabi niya yun ang matutupad. Karamihan sa mga namumuno sa atin, walang pagbabago[ng nagagawa]. Kaya sabi ko para naman maiba, siguro kailangan natin si Leni,” sabi ni Tolentino sa isang panayam noong ika-25 ng Abril.
Sa kabi-kabilang pangangampanya ng kandidato, hindi pinalampas ng marami sa mga bangkero ng Pandin ang mga aktibidad ni Robredo sa San Pablo City, Laguna. Sabi ni Tolentino, mahalaga para sa kanyang ipakita ang tahasang pagsuporta sa kanyang kandidato.
Dagdag niya, tuwing hindi siya makadalo sa mga programa at pangangampanya ni Robredo, nagpapadala na lamang siya ng mga kinatawan ng samahan para ipaabot pa rin ang pagsuporta.
Isa sa mga rason ni Tolentino sa labis na pagsuporta kay Robredo ang plataporma nitong, “Hanapbuhay Para sa Lahat”. Aniya kumbinsido siya sa mga ipinahayag ng kandidato ukol sa sustainable livelihood.
Sa isang dayalogo ni Robredo kasama ang mga Miyembro ng United Boatmen Association of Pagsanjan (UBAP) noong ika-29 ng Abril, ipinaliwanag niya ang saklaw ng programang binanggit ni Tolentino at ang nais niya pang magawa sa hinaharap. Dito, tinukoy ng Bise Presidente bilang solusyon sa problemang pangkabuhayan ng mga bangkero ang pagpapaunlad ng turismo. Sa harap ng mga bangkero ng Pagsanjan, ipinangako ng kandidatong bubuhusan ng kanyang administrasyon ng tulong pan-turismo ang buong Laguna.
Pabor ito sa kahilingan ng mga bangkero ng Pandin na suportahan ang turismo na syang pangunahin nilang pangkabuhayan. Ani Tolentino, nais niyang lubhang mabago ang mukha ng pangkabuhayan at turismo ng susunod na administrasyon.
Paliwanag niya, isa sa una at lubhang naapektuhan ang turismo dala ng banta ng COVID-19. Dahil sa mga sunod-sunod na lockdowns, nawalan ng trabaho at nalugmok sa hindi siguradong mapagkukunan ng kita ang mga bangkero ng Pandin. Kaugnay nito, inilalapit niyang masuportahan ng gobyerno ang maliit na negosyo gaya ng mga sari-sari store na maaaring alternatibong pangkabuhayan ng mga gaya nyang bangkero.
Sinusugan ng isa pang kasapi ng samahan ang kahilingang ito ukol sa susunod na administrasyon. Ayon kay Mang Bern*, marapat na pagtuunan ng pansin ang mga nasa laylayan ng mananalong kandidato. Para sa kanya, ito ang tanda ng isang mahusay na pamumuno.
Matatandaang ang Bise Presidente ay mayroong programang tinatawag na Ahon Laylayan Koalisyon na naglalayong solusyunan ang problema ng mga nasa laylayan at labanan ang kahirapan. Sa parehong dayalogo ng kandidato kasama ang UBAP, binaggit rin ni Robredo ang laylayan at ipinahayag pang ang uri ng pamahalaang kanyang itataguyod ay “Laylayan ang magiging bagong sentro”.
Tiwala si Tolentino na matutupad ng kanyang kandidato ang mga pangako nito sa mga mahihirap. Iniugnay niya si Robredo sa “pagbabago” laban sa korap at mga “hindi bukal sa loob tumulong” na mga pulitiko.
“Yung napipili ko [si Leni] talagang alam kong siya yung makamahirap at saka talagang pursigido siyang tulungan ang mga tao. Alam niya na yung mga tao na mahihirap, yun yung kaniyang pini-point eh, yung mga taong walang kakayahan, yun yung una niyang tutulungan,” ani Tolentino.
Sigurado siyang mahihirap ang uunahin ng kandidato kaya’t ganon na lamang ang kanyang pagmumungkahi ng pagkakaisa sa kandidatong iboboto ng sektor ng pamamangka.
“Kung maaari sana, kung talagang gusto niyong tulungan ang mga tao, yung bukal sa kalooban, yun ang talagang kailangan lang naming iboto. Kailangan talaga may pagkakaisa, may pagkilos tapos, may pagtupad, ” pag-uudyok niya.
Ilan sa mga organisadong kampanyang sinamahan ng mga bangkero ay ang pagsalubong sa Leni-Kiko tandem sa San Pablo Cathedral noong ika-11 ng Pebrero, at ang Leni-Kiko Caravan noong ika-12 ng Marso na ginanap sa Sampaloc Lake. Nagpaabot rin ng pagsuporta ang mga bangkero ng Pandin sa isinagawang martsa noong ika-25 ng Abril ng mga Sumilao Farmers mula San pablo hanggang Calauan para sa dalawang kandidato.