Ulat nina Gerald Pesigan, Karen Amarilla, at Shaina Ariane Masangkay
(Ang lathalang ito ay pang-huli sa limang parteng serye ng Kwentong F2F na nagbibigay-konteksto sa kalagayan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at paaralan ngayong pagbabalik-eskwela)
Isang malaking hamon sa mga pamunuan ng paaralan ang muling pagbubukas ng kanilang pinto para sa mga estudyante makalipas ang dalawang taong pagsasara ng mga ito dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa panayam sa tatlong school administrators na sina G. Mel Anthony Liboon, punong-guro mula sa Los Baños Bayog Senior High School, Gng. Mayie Aragon, Guidance Advocate sa Colegio de Los Baños, at Gng. Pedrita Navales na isang Head Teacher 1 sa Los Baños Integrated School, alamin ang mga naging paghahanda at mga hamon na kanilang kinakaharap sa muling pagbubukas ng kanilang eskwelahan.
Ligtas na pagbabalik-eskwela
Halos dalawa hanggang tatlong buwan ang inilaan ng Los Baños Bayog Senior High School para sa pisikal na pagbabalik ng mga klase sa paaralan.
Ayon kay Liboon, nagbukas ang kanilang paaralan para sa progressive limited face-to-face set up noong ika-28 ng Marso. Ngunit bago ang pagbubukas ng pinto ng paaralan, naging mabusisi ang mga hakbang na kanilang isinagawa upang masiguro ang ligtas na balik-eskwela.
Una, kinailangang makapasa ng paaralan sa SSAT (School Safety and Assessment Tool) ng DepED kung saan inalam ang kahandaan nila upang maging parte ng progressive expansion ng face-to-face.
Ikalawa, nagkaroon din ng konsultasyon at oryentasyon sa mga magulang at estudyanteng nagnanais na makibahagi sa pagbabalik eskwela.
Ayon kay Liboon, kinakailangan din na magkaroon ng pahintulot o endorsement mula sa Sangguniang Barangay upang magkaroon ng face-to-face classes. “Si kapitan naman ay hindi magbibigay ng pahintulot hangga’t walang resolution na ipinapasa ang barangay na pwede na kami magbukas,” dagdag pa nya.
Matapos makakuha ng endorsement galing sa barangay, ito ay kanilang idudulog sa munisipyo. Ang mayor na ang magdedesisyon, alinsunod sa rekomendasyon ng barangay at IATF, kung papayagan ba ang eskwelahan na muling buksan ang paaralan. “So pagkatapos sa munisipyo, makakaroon na ng visitation at inspection sila sa amin,” pahayag pa nya.
Kuwento pa ni Liboon na kailangan din nilang sumunod sa safety measures ng DILG upang mabigyan ang paaralan ng safety seal. Matapos gawaran nito, doon palang nila makukuha ang detalyadong proseso para sa balidasyon naman ng kanilang DepEd regional director.
“After validation nila, at pumasa kami (dun). Doon palang kami magkakaroon ng simulation, piloting at tsaka magbubukas ng klase,” saad pa nya.
Pagdating naman sa mga hakbang na ginawa upang masigurong ligtas ang kanilang mga guro at estudyante, patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at social distancing. Dagdag pa ni G. Liboon na hindi muna pinapapasok ang mga guro o estudyanteng makikitaan ng sintomas ng Covid-19 sa eskwelahan.
“Nagkakaroon din ng regular inspection ang DOH at may regular reporting kami doon,” ani Liboon.
Sa kabilang banda, tanging vaccination status at parental consent form ng mga bata ang hinihingi ng paaralan upang masiguro at mapag-aralan nila kung maaari na bang bumalik o hindi sa eskwelahan ang mga estudyante.
Alinsunod sa joint memorandum ng DOH at DepEd, hanggang dalawampu (20) lang ang bilang ng mga estudyante sa bawat silid-aralan. Kung kaya’t piling-pili lang ang pwedeng sumailalim sa face-to-face classes.
“Sa twenty (20) na ‘yon, sila lang yung talagang nangangailangan ng assistance ng teacher. At kung hindi naman nila kailangan, pwede nilang ituloy ang modular modality,” paliwanag ni Liboon. “Kumbaga, yung mga walang umaalalay sa kanila, ang pinaka priority sa twenty (20) na yon,” dagdag pa niya.
Ang mga estudyanteng nasa technical o vocational track ang siyang naging pangunahing prayoridad ng paaralan. Ayon kay Liboon, nahihirapan ang mga estudyanteng walang sapat na kagamitan sa bahay upang gawin ang mga praktikal na gawain nila sa eskwelahan.
“Kasi mahirap naman magturo kung papaano… halimbawa, (tuturo) yung fish processing sa bahay. Wala silang (sapat na) equipment, (at) materials para doon. Kaya pinaparioritize sila,” giit nya.
Bukod dito, ipinapatupad rin ng paaralan ang blended learning kung saan ang mga batang naka modular ay pinadadalhan na ng link upang sila’y makasabay sa diskusyon ng kanilang klase. “So merong nagfaface-to-face classes, at pumapasok lang sila every Tuesday at Thursday. At meron ding mga estudyanteng nag momodular at blended learning,” pahayag ni Liboon.
Kasalukuyang unti-unting pinapalawig ng paraalan ang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante. Ayon sa pamunuan, kada dalawang linggo ay nagdadagdag sila ng mga seksyon at bilang ng mga estudyanteng gustong mag face-to-face classes. Mula sa dalawampu (20) ay naging singkwenta (50) pataas na ang kanilang tinatanggap sa ngayon.
Nagsagawa naman ang Colegio de Los Baños ng isang sarbey at namigay ng parent’s consent form sa mga estudyanteng nais makilahok sa limitadong pisikal na klase. Dahil ang paaralan ng CDLB ay malapit sa paligid ng Brgy. Batong Malake, mga mag-aaral na mula sa barangay na iyon muna ang kanilang prayoridad.
Ayon kay Aragon, kung sino lamang ang sumang-ayon sa ginanap na sarbey at nag-abot ng permiso mula sa mga magulang ang siyang pinayagan ng pamunuan upang makapasok sa face-to-face. Isa itong katunayan na ang pakikilahok sa face-to-face ay boluntaryo lamang at hindi sapilitan.
Samantala, ika-28 din ng Marso ang naging petsa ng pagbubukas eskwela ng Los Baños Integrated School.
Ayon kay Navales, meron lamang dalawampung estudyante kada seksyon sa bawat grade level, alinsunod sa ipinatupad ng DepEd. Bukod dito ay nitong Abril lamang ay tumanggap sila ng mga second batches ng mga mag-aaral. Kung saan nagdagdag sila ng 20 pang estudyante para sa Grade 9, at anim na seksyon naman para sa grade 10.
Ikinuwento rin ni Navales ang mga prosesong pinagdaanan ng paaralan upang sila’y payagang magbalik eskwela. Una na rito ay ang pagkakaroon dapat ng mababang kaso ng Covid-19 sa barangay.
Pangalawa, pinapayagan pa lamang na lumahok sa face-to-face classes ay ang mga batang malapit o residente mismo ng barangay. “Pero sa kaso namin since nasa gitna kami ng Mayondon at Bayog. Nagpa-prioritize kami na hati sila, sampu (mula) sa Bayog at sampu (naman) para sa Mayondon. For each grade level and section (sya),” pahayag ni Navales.
Sa kabilang banda, may mga signages din sa loob at labas ng eskwelahan na inihanda ng paaralan. Ito’y upang masiguro ang kaayusan ng paaralan at hindi magdulot ng pagkalito sa mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Navales na bago pumasok ang mga estudyante ay kinukuhanan na sila ng temperatura, at pinapapunta kaagad sa washing area nila upang maghugas ng kamay. Pinapanatili rin ng paaralan ang kalinisan ng bawat silid-aralan, at sinisigurong may maayos na bentilasyon ang lahat ng ito.
Mga Hamong Kinakaharap
Isang mahalagang aspeto ng pagbubukas ng mga paaralan ang kahandaan ng mga pamunuan para dito. Ang ibayong paghahanda ay nakatutulong upang mabawasan ang mga hamong kakaharapin ng mga administrasyon sa paaralan.
Ayon kay Liboon, kahit na ipinapatupad na ang limited face-to-face classes ay hindi pa rin nawawala ang paggamit ng module bilang mode of instruction. “Alam naman natin na ang nakapaloob lang sa module ay yung most essential learning. Ibig sabihin hindi pa lahat ng dapat (nilang) matutunan ay nandoon. Hindi sya buo, yun lang most essential ang nakapaloob,” giit nya. Kaya naman malaking hamon sa kanila kung paano nila mapupunan sa ibang paraan ang kaalaman ng kanilang mga estudyante.
Hamon din para sa pamunuan at mga guro ang pagsasagawa ng mga extracurricular activities. Giit ni Liboon na kulang ang kanilang pagtuturo sa kanilang mga estudyante kung wala ang mga ito.
Pagdating naman sa mga kakailanganing kagamitan sa pagtuturo, naging malaking hamon para sa kanila ang kawalan ng malakas na internet. “Kung pwede nga lang na magkaroon tayo ng smart classroom kung saan nakakasabay ang lahat,” dagdag pa niya. Bukod dito, kahit na may mga ipinamahagi silang mga tablet para sa kanilang mga estudyante, hindi pa rin ito sapat dahil mababa lang ang specification ng mga ito na kaya nilang ibigay.
Dagdag pa niya na wala pang mga kantina ang maaari nang magbukas kaya naman kanya-kanyang dala ng pagkain ang mga mag-aaral.
Bukod dito, naging hamon din ang mga estudyanteng mula sa malalayong barangay na gustong mag-aral sa kanilang eskwelahan. Matatandaang mas binigyang prayoridad nila upang magbalik eskwela ay ang mga batang malapit lamang sa kanilang barangay o mga estudyanteng hindi na kinakailangang bumiyahe.
“Priority kasi sa limited f2f yung mga batang hindi magtratravel o magcocommute kasi baka may transmission na mangyari. Kung maaari lang ay yung mga taga barangay lang ang ihahatid sundo at malapit lang,” pahayag nya.
Sa kabilang banda, naging hamon din sa kanila ang stress at anxiety ng mga bata. Naninibago raw ang mga ito sa kondisyon at sistema ng kanilang eskwelahan. “Yung mental health nila inaalala namin, kasi baka bigla silang ma shock at mawalan ng gana sa pag-aaral,” saad niya.
Samantala, noong nagsisimula pa lang ang face-to-face classes, aminado si Liboon na kulang sila sa human resource, tulad ng mga guro na maaaring magturo sa loob ng eskwelahan. Pangalawa, kulang sila sa personal protective equipments (PPEs), face masks, at mga kagamitang kailangan para sa disinfection ng kanilang paaralan.
Halimbawa na lang ng air purifier at aircon sa bawat silid-aralan. Giit pa nya na hindi sila basta-bastang nakakapagbigay at nakakakuha nito kaya nman kinakailangan pa nilang lumapit at humingi ng tulong mula sa lokal na DOH at DepEd.
Samantala, ayon kay Aragon, “Siguro wala namang problema kasi ready naman talaga ang Colegio de Los Baños to have the limited face-to-face”. Dagdag pa niya ay wala pang naitatalang kaso ng Covid-19 sa kanilang paaralan magmula nang ito ay magbukas muli.
Ang sektor ng edukasyon ang isa mga labis na naapektuhan ng pandemya. Hindi naging biro ang pinagdaanan ng mga pribado at pampublikong paaralan, mula sa pagpapatupad ng modular learning hanggang magbalik sa pisikal na klase, upang masigurong natututo pa rin ang mga kabataan sa gitna ng krisis pangkalusugan.
Ang iba’t ibang kwento ng mga estudyante, magulang, guro, at ng pamunuan ng mga paaralan ay nagpapakita ng kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon sa lalawigan. Ngayong unti-unti nang nagbabalik sa eskwelahan panibagong hamon ang kanilang kakaharapin upang masigurong ligtas at natututo ang bawat estudyante.