Ulat nina Vanessa Martinez, Justine Olaes, at Michie Anne Katimbang
(Ang lathalang ito ay pangatlo sa limang parteng serye ng Kwentong F2F na nagbibigay-konteksto sa kalagayan ng mga estudyante, guro, mga magulang, at paaralan ngayong pagbabalik-eskwela)
“Kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot.”
Ilan sa mga nagpapatunay sa salawikaing ito ang mga estudyante na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay kumakayod para kumita ng pera kasabay ng kanilang pag-aaral. Para sa mga mag-aaral na ito, isang oportunidad at hindi isang balakid ang pagiging birtwal ng mga klase upang sila’y makapagtrabaho habang nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral.
Subalit sa pagbabalik ng face-to-face (F2F) classes, kung noon ay nangapa ang mga working students kung paano nila pagsasabayin ang online classes at ang kanilang trabaho, ngayon naman ay naging hamon sa kanila kung paano isasabay ang kanilang trabaho sa limited face-to-face classes.
Sa muling pagtungtong ng mga estudyante sa paaralan, ilang mga working students mula Laguna ang nagbahagi ng kanilang mga karanasan at mga hamon na kinaharap o kinakaharap pa lamang sa pagsisimula ng limitadong pagbabalik sa paaralan.
Tuloy ang Laban
Isa sa pinakamahalagang bagay sa buhay ni John Person Manahan ang kaniyang tinatawag na contingency plan dahil bilang isang working student, importante sa kaniya na may plano siya para sa mga gawain niya sa trabaho man o sa kaniyang pag-aaral para mabalanse niya ng tama ang dalawang ito.
Mahirap mang magtrabaho habang nag-aaral, nagpupursigi pa rin si Person dahil nais niyang kumita ng pera para sa kaniyang pamilya at upang matustusan na rin ang ilang mga pangangailangan sa kaniyang pag-aaral. Ayon sa kaniya, medyo magastos ang kurso na Bachelor of Science in Tourism Management na kaniyang kinukuha ngayon sa Laguna University.
Idinagdag din niya na nagtrabaho siya dahil ayaw na niyang iasa sa kaniyang mga magulang ang gastos sa kaniyang pag-aaral ngayong siya ay 23 anyos na at ikalawang kurso na niya ito.
“Siyempre, ayoko na rin umasa sa magulang ko, second course ko na kasi ‘to. Before, Information Technology kasi ako so nag-decide ako na mag-shift ng course then do’n sa pag-shift ko ng course, siyempre, responsibility ko na rin ‘yon, expenses ko na rin ‘yon, ayoko na ring umasa sa magulang ko.”
Siya ay kadalasang naglalaan ng walo hanggang sampung oras sa kaniyang trabaho. Samantala, sa pag-aaral naman ay nakadepende sa dami ng kaniyang mga gawain ang oras na inilalaan niya para rito. Aniya, pinakamadalas na ang tatlo hanggang apat na oras.
Ngunit ang buhay ng isang tao ay hindi perpekto, at may mga pagkakataon na hindi umaayon sa kaniya ang oras. Bilang isang graduating student na nagbabanat ng buto sa pagtatrabaho, isa sa kaniyang naranasang problema sa pagkakaroon muli ng face-to-face classes ay ang paglalaan ng oras sa kaniyang undergraduate thesis.
Ayon sa kaniya, may mga pagkakataon na habang naka-duty siya sa trabaho ay nakakatanggap siya ng text message mula sa kaniyang mga kagrupo sa thesis dahil kailangan siya sa unibersidad bilang siya ang may hawak ng kanilang activity sheets. May mga pagkakataon din na kinailangan siya sa unibersidad para sa pagre-revise ng nasabing thesis.
Sa kasamaang palad, may mga pagkakataon na hindi agarang nakakaalis sa trabaho si Person upang makapunta agad sa kaniyang unibersidad. “May commitment din ako dun sa trabaho, hindi rin agad-agad makakapagpaalam,” aniya. Kaya, tanging pag-intindi na lamang ang ginagawa ni Person sa mga pagkakataong hindi siya napapayagan na umalis sa trabaho dahil aniya ay normal lamang iyon bilang isang taong nagtatrabaho at nag-aaral ng sabay.
Payo niya sa mga katulad niyang working student ay magkaroon ng tamang disiplina sa oras at sa sarili, maglista ng mga dapat gawin sa araw-araw, at gumawa ng timeline of activities upang magkaroon ng gabay sa pagsisimula ng mga nais gawin at makita ang mga gawain na dapat unahin.
“Kailangan lang natin ng proper discipline sa sarili at saka do’n sa oras, kailangan natin i-set yung mga priorities natin kung ano yung dapat unahin,” paalala niya sa mga working student.
Kung saka-sakali naman na ipatupad na ang F2F classes sa kabuuan ng semestre, mas pipiliin daw ni Person na unahin ang kaniyang pag-aaral lalo na’t siya ay graduating student na.
Diskarte at tamang pagpaplano, ayon sa kaniya, ang mga mahahalagang bagay na dapat magkaroon ang isang working student para maipagpatuloy ang pag-aaral habang nagtatrabaho.
Ang mensahe naman niya para sa mga kapwa nya working students ay, “Laban lang, makakagraduate tayong lahat.”
‘Pag may hirap, may gantimpala
Hindi pa man nagsisimula ang pandemya ay hindi na bago si Mark Angelo Soriano, isang bumabalik na irregular freshman student mula sa CARD-MRI Development Institute (CMDI) sa pagiging isang working student. Aniya, bago pa man magsimula ang pandemya ay tatlong taon siyang nakapagtrabaho bilang isang service crew sa isang sikat na restawran.
Sa kabila ng bugso ng mga gawaing pang-eskwela, pinili ni Mark na magbanat ng buto kasabay ng pag-aaral dahil malalim ang kaniyang pinaghuhugutan—nais niyang kumita ng pera upang makatulong sa pinansiyal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. “Kapag minsan nasho-short po. Sa pagkain, [tuwing] tanghali lang kami kakain at sa gabi. Wala nang umagahan, ganon po,” aniya.
Sa kasamaang palad, pumanaw ang haligi ng kanilang tahanan kung kaya’t napagdesisyonan niya na lumipat ng trabaho sa isang food service business bilang isang service coordinator para kumita ng mas malaking pera. Bilang isang panganay, at dahil sa dagok na naranasan ng kanilang pamilya, mas batid niya na kailangan niyang kumilos upang matugunan ang pang araw-araw na gastusin sa kanilang tahanan.
Ngayong nagbabalik na ang limited face-to-face classes, ikinuwento niya ang kaniyang mga naranasan bilang isang working student. Aniya, isa sa mga hamong kinakaharap niya ay ang pagbabalanse ng oras niya para sa pag-aaral at pagtatrabaho.
Bunsod ng katotohanang hindi niya hawak ang sarili niyang oras, may mga pagkakataon na nagkakasabay ang duty niya sa trabaho at ang kaniyang mga klase. Ikinuwento niya na may ilang mga pagkakataon kung saan tumatawag ang boss niya sa trabaho habang siya ay nasa gitna ng pag-aaral. May mga pagkakataon din na nakakalimutan niyang gawin ang ilang school works niya.
Ngunit bilang isang panganay, hindi siya basta-basta sumusuko. Isa sa kaniyang solusyon para rito ay ang pag-alis sa trabaho upang makapunta sa kaniyang paaralan. Dahil naging estudyante muna siya bago maging isang working student, mas matimbang sa kaniya ang kaniyang pag-aaral.
“Kailangan may iwan ka munang isa…Kailangan naba-balance ko siya. Sasabihin ko dito sa office o sa operations manager namin na need ko pong magpunta sa school,” aniya. Nagpapasalamat naman siya dahil ayon sa kaniya ay napaka-maunawain ng kaniyang mga kasamahan sa opisina basta’t siya lamang ay maayos na magpapaalam sa mga ito.
Sa mga panahon naman na mas kailangan siya sa kaniyang trabaho kaysa sa paaralan, inilalaan na lamang niya ang kaniyang oras sa gabi para tapusin ang kaniyang mga naiwang gawain sa paaralan.
Kahit na ibang-iba ang kaniyang nararanasan ngayon kumpara sa karanasan niya noong online classes, kung saan tanghali siya gumigising at nagsasagot ng mga modules, nananatili siyang matatag hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para na rin sa kaniyang pamilya.
Mensahe ni Mark para sa mga working student na nagnanais ding lumahok sa limitadong pagbabalik sa paaralan, “Laban lang kasi mahirap talaga. Kailangan n’yong magtiyaga habang nagtatrabaho at nag-aaral kasi mayroon namang balik ‘to. Lahat ng paghihirap ay mayroon namang kapalit na gantimpala.”
Parehong Pagsubok sa Magkaibang Mundo
Kaiba naman sa mga naunang working students ang residente ng Brgy. Tagumpay, Bay, Laguna na si Bryan Bawit sapagkat hindi lamang siya isang estudyante, isa rin siyang guro!
Nagtuturo si Sir Bryan ng mga asignaturang Music, Physical Education, at Filipino sa mga estudyanteng nasa Grade 7, 9 at 11 sa kaniyang alma mater, ang Colegio de San Juan de Letran sa Calamba, Laguna. Samantala, siya naman ay kapwa estudyante rin na kasalukuyang kumukuha ng masters degree sa kursong Physical Education sa Laguna State Polytechnic University, Los Baños campus.
Ngunit ano nga ba ang rason ng pagiging working student ni Sir Bryan?
May mga pagkakataon na maaaring dumaloy ng mapait ang buhay, at nangyari ito sa buhay ni Sir Bryan ng isang dagok ang nangyari sa pamilya Bawit—noong taong 2018, taon bago siya maka-graduate, ay pumanaw ang haligi ng kanilang tahanan.
“Kaya imbes na magpahinga para ma-enjoy muna [ang buhay], ‘wag munang magtrabaho, ‘wag munang mag-aral, kailangan nang pumunta sa pagtatrabaho dahil ako na ang magiging means of living ng family [namin],” aniya.
Hindi naman isang malaking hamon para sa kaniya ang pag-aaral habang nagtatrabaho dahil bago pa man makapag-trabaho bilang isang guro ay naging student assistant siya noong siya ay kolehiyo pa lamang. Ang kaibahan lamang ngayon ay mayroon na siyang fixed na oras sa kaniyang trabaho.
Karamihan sa mga kabataan ngayon ay nahihirapang pagsabayin ang kanilang mga gawain ngunit hindi para kay Sir Bryan. Time management ang naging solusyon niya para hindi siya malito sa kaniyang mga gawain. Ayon sa kaniya ay mas madali sa kaniya na unahin ang isang gawain bago gumawa ng panibago.
Idinagdag din niya na nakatulong din sa kaniyang pagbabalanse ng oras ang pagkakaroon ng kakaunting mga aktibidades sa klase niya sa masters dahil bukod sa kakasimula pa lamang nila dito ay tuwing araw lamang ng Sabado ito nagaganap.
Isang kapakinabangan din sa kaniyang pagbabalanse ng oras ang hindi pa muna pagkakaroon ng limitadong pagbabalik eskwela sa paaralan kung saan siya nagtuturo. Dahil dito, pumupunta lamang siya sa mga klase niya sa masters at hindi muna sa kaniyang pagtuturo.
Kahit babad sa trabaho at gawaing pang-eskwela ay sinisigurado pa rin naman ni Sir Bryan na magkaroon pa rin siya ng oras para sa kaniyang sarili bilang tao. Para sa kaniya ay importante pa rin na mayroong pahinga upang maka-proseso ng maayos ang pangagatawan. Tuwing araw ng Sabado, pagkatapos ng kaniyang masters class ay sinisimulan na niya ang pagsasagot ng mga gawain niya sa kaniyang klase ngunit hindi niya muna tinatapos ang mga ito ng sa gayon ay magkaroon siya ng oras para sa kaniyang sarili.
Hindi kaila sa karamihan na mahirap mag-aral ng masters degree kaya sinisigurado ni Sir Bryan na makakapag-plano siya ng maaga oras na magkasabay ang kaniyang face-to-face classes bilang isang estudyante at bilang isang guro.
Ayon sa kaniya, sa pagbabalik niya sa eskwelahan bilang isang guro ay inaasahan niya na madadalian siya at mahihirapan—madadalian dahil maaari na niyang makita ng personal ang mga estudyante at malaman kung natututo ang mga ito. At sa kabilang banda naman ay mahihirapan siya sa pag-aadjust dahil nasanay na siya na nasa bahay lang kapag nagtuturo.
“Kung may plano ang isang tao na mag-aral [and] at the same time ay mag-trabaho, i-push through mo kasi may matutunan kang skills…Aside from time management, you can work under pressure, you’ll know how to organize things,” panghihikayat niya sa mga estudyanteng nag-paplanong pasukin ang mundo ng mga working students. “Makakatulong ka sa family mo at matututo kang maging independent,” dagdag pa niya.
Binigyang diin din ni Bryan ang positibong kapakinabangan ng pagiging isang working student. “Hindi na sila [employers] mag-ddwell na ikaw ay fresh grad [graduate]…bagkus ay doon sa nakapagtrabaho ka na, may alam ka nang work ethics na pwede mong madala san ka man dalhin,” pahayag niya.
Bagamat mahirap, si Sir Bryan, kasama ang iba pang mga working students ay patuloy na nagsisikap para sa kanilang kinabukasan. Sipag, tiyaga, at disiplina sa sarili lamang ang kanilang pangunahing puhunan. Gaano man karami ang bawat pawis na kanilang ibinubuhos sa pagtatrabaho, nakatitiyak sila na kapalit naman nito’y isang matamis na tagumpay.