Ulat nina Anne Janine Ayapana at Desiree Mindanao
“Mahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman ng mamamayan sa tungkulin at responsibilidad ng bawat opisyal sa munisipyo upang matiyak na mayroon talaga silang nagagawa para sa aming munisipalidad.” sambit ni Maria Alonte, 22, isang estudyante sa kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños na tatlong taon nang naninirahan sa Los Baños, Laguna tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa lokal na pamahalaan, at sa mga opisyal na nakaluklok sa pwesto.
Ngayong isang araw na lang at eleksyon na, ating alamin ang mga dapat asahan sa isang mayor (punong-bayan), bise-mayor (pangalawang punong-bayan), at konsehal ng(isang) bayan.
Kwalipikasyon ng Mayor, Bise-Mayor, at Konsehal
Ang mga kakandidato sa lokal na pamahalaan bilang mayor, bise-mayor, at konsehal ay kinakailangang nagtataglay ng mga sumusunod na katangian: (1) isang mamamayang Pilipino, (2) rehistradong botante sa lugar na nais mahalal, (3) may kakayahang bumasa at sumulat sa wikang Filipino o ibang lokal na diyalekto, (4) at may edad na 21 anyos para sa tatakbong mayor at bise-mayor samantalang 18 anyos sa tatakbong konsehal. Pagdating naman sa kanilang termino, sila ay mayroong tatlong taon upang magsilbi sa kani-kanilang posisyon at maaaring mahalal hanggang tatlong magkakasunod na termino.
Bilang mga tagapagpamuno ng lokal na pamahalaan, malaki ang gampanin nila sa kapakanan at sistema sa lungsod. Ang bawat opisyales ay may kanya-kanyang proyekto, papeles, at programa na pinangangasiwaan. Sentimento ni Maria, “Ang kawalan ng kaalaman ng taumbayan sa tungkuling dapat na ginagampanan ng mga opisyal ay maaaring magmitsa ng kapabayaan at kalituhan sa mga tao sa kung sinong opisyal ang dapat na lapitan para sa mga proyekto o prosesong kailangan nilang lakarin sa munisipyo.” aniya. Kung kaya’t ang kaalaman ng bawat mamamayan ukol sa lokal na pamahalaan ay makakatulong upang masiyasat ang pagsasagawa ng trabaho ng bawat opisyal.
Mayor
Bilang pinakamataas na posisyon sa lokal na pamahalaan, sila ang laging nasa harap at kilala ng mga tao sa siyudad. Base sa kaalaman ni Maria, “ang mayor ang siyang namumuno sa bayan ng Los Banos at siyang pangunahing tagapagpatupad ng mga batas at ordinansa sa aming munisipalidad.”. Ito ay isa at pinakaunang gampanin ng isang Mayor ayon sa 1991 Government Code ng Pilipinas. Bukod sa kanyang nabanggit, isa rin sa responsibilidad ng isang mayor ang pangasiwaan ang mga programa at proyekto ng munisipyo. Siya rin ang nangangasiwa sa paggamit ng mga resources ng lungsod at pangangalap ng pondo at buwis. Trabaho rin ng isang mayor ang siguraduhin na nailalaan nang maayos at sapat ang serbisyo ng pamahalaan.
Bise-Mayor
Karamihan sa atin ay iniisip lang ang bise mayor o pangalawang punong-bayan bilang tagahalili sa isang mayor kapag nabakante ang posisyon natin sa anumang kadahilanan. Ngunit, malaki ang gampanin ng isang bise-mayor bilang tagapamuno sa sangguniang bayan (municipal council) sa paglalagda ng mga warrant at dokumento sa pag-usad sa operasyon nito. Nasa kanya rin ang kapangyarihang magtalaga ng mga opisyal na bubuo ng sangguniang bayan alinsunod sa Kodigo ng Lokal na Pamahalaan. Ang mga gampanin at responsibilidad ng Sangguniang Bayan ay mas ilalahad sa susunod na talata.
Konsehal
Isa sa may pinakamalaking gampanin upang mapanatili ang isang mahusay at mabisang lokal na pamahalaan ay ang mga Konsehal. Ngunit, hindi masyadong nakikilala at naalam ang kanilang mga gampanin. Aniya ni Cristina Marie Mercado, isang estudyante sa kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños na may kursong Agriculture and Applied Economics, “Gusto ko malaman yung sa konsehal, ano ba talaga yung ginagawa nila? Alam ko yung role ng konsehal na sila yung nagsusulat ng mga ordinances pero ano pang iba.”. Ganito rin ang sentimo ni Maria na mas nakikita ang mga mayor at bise-mayor. Aniya, “…bukod sa aming mayor at barangay captain, hindi ako halos pamilyar sa ibang mga namamahala sa aming bayan sapagkat mas madalas kong makita ang pangalan at litrato ng aming mayor at barangay captain sa mga proyekto at gawaing nakapaskil sa mga facebook page at group.”
Bilang mga Konsehal, sila ang itinalaga ng bise mayor na bubuo sa Sangguniang Bayan. Nakapaloob dito ang namumuno sa bawat distrito ng lungsod, Presidente ng Liga ng mga Barangay, Presidente ng pambayang pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan, at tatlong kinatawan sa sektoral: isa mula sa kababaihan, isa sa agrikultura, at isa sa ibang sektor (maralitang tagalungsod, mga katutubong pamayanan, at may kapansanan). Ang kanilang mga gampanin ay nakasentro sa pagpapaunlad ng kanilang lokal na pamahalaan tulad ng (1) pag-apruba at pagpasa ng mga resolusyon at ordinansa para sa mabuting pagtatakbo ng lokal na pamahalaan; (2) paggamit ng buwis at ibang likhang yaman upang mapaunlad ang lungsod; (3) pagsagawa ng ordinansa sa pag-aabruba ng mga permiso at lisensya ng kalakalan at iba pang operasyon sa lungsod; (4) pag-apruba sa mga ordinansang magtitiyak ng mabisang batayang serbisyo at pasilidad; at (5) pangangasiwa at pagsasaayos ng mga aktibidad na may kinalaman sa paggamit ng lupa, imprastraktura, at gusali sa lungsod.
Lokal na Pamahalaan sa Pandemya
Ngayong pandemya, malaki ang naging kontribusyon at responsibilidad ng mga opisyales ng local na pamahalaan lalo na ang Municipal Health Officer. Ayon kay Cristina,, “Nitong COVID-19 [pandemic] sa tingin ko naging important yung role ng municipal health officer sa paggawa ng system kung paano yung vaccination.”. Sa lungsod ng Laguna, nangunguna ang Municipal Health Office, sa ilalim ng superbiso ng Mayor, sa pag-aasikaso sa pamimigay ng mga ayuda, pagbabahagi ng mga importanteng impormasyon tungkol sa COVID-19, at pagpapatupad ng mga kautusan at pagrerestrikto para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Hindi lang dapat bigyang prayoridad ang mga tumatakbo sa pambansang halalan kung hindi pati na rin ang mga tumatakbo sa lokal na pamahalaan. Responsibilidad ng bawat botante ang pagiging aktibo at mapagmatyag sa eleksyon dahil ang bawat boto ay mahalaga para sa kapakanan at kinabukasan ng bansa. Ayon kay Cristina “…bawat vote naman nagccount at responsibility mo yun as a citizen sa local area mo at even sa kabuuan [on a national-level]”.
Hindi lang isang responsibilidad, binanggit din ni Maria ang importansya nito sa ating bansa, “Ang pagkakaroon ng kaalaman ng taumbayan ay mahalaga upang matiyak na talagang nagagampanan ng mga opisyal ang kanilang tungkulin at responsibilidad ayon sa mandato ng batas.”. Diniin niya na ngayong papalapit na ang halalaan, dapat din nating alamin ang mga karanasan at plataporma ng bawat kandidato pati na rin maging mapanuri sa mga kaganapan sa ating sariling lalawigan at siyudad para sa kinabukasan ng ating bansa.
Mga Kaugnay na Artikulo:
Powers and Duties: Municipal Mayor, Vice Mayor, Councilor in the Philippines
LIST: Who is running in Laguna in the 2022 Philippine elections?