Ulat ni: Merilyn Rubin
Eksaktong alas-syete ngayong gabi ay opisyal nang tinapos ang botohan sa Bagong Pook Elementary School, Santa Maria, Laguna at kasalukuyang nagbibilangan na at pinangungunahan ng mga gurong nakatalaga sa bawat presinto.
Ang magandang balita ay walang aberyang naganap ngayong araw sa tatlong vote counting machines dito. Kapansin-pansin sa paligid ng bawat presinto ang naghihintay at nagmamasid na mga mamamayan ng Brgy. Bagong Pook na nasasabik na sa magiging resulta ng halalan.
Para kay Philip Maderazo, 19, isang first-time voter at student volunteer ng election coverage ay nakaramdam siya ng pangamba noong una dahil kinakabahan siyang baka magkamali sya sa pagboto tulad ng pagbilog o pagshe-shade. Dagdag pa niya ay naging masaya rin sya dahil naging bahagi rin sya ng pagbabago sa bansa.
Ngayong idineklara nang tapos ang botohan, binanggit din nya na dapat talagang magamit ang karapatan para bumoto dahil ang bawat boto ng isang tao ay napakahalaga para sa isang pagbabago.