Maayos na sistema ng Halalan sa Siranglupa Elementary school, naisakatuparan

Ulat ni: ANNIELYN EUGENIO

Bagama’t patuloy ang pagdagsa ng mga botante, napanatili pa rin ang maayos at malinis na daloy ng pila sa maliit na espasyo ng paaralan sa Siranglupa, Calamba, Laguna.
Sa tulong ng mga barangay officials, nasunod ng mga botante sa Siranglupa Elementary School ang social distancing na siyang naging dahilan sa paghaba ng pila sa lugar.
Dulot ng mahabang pila, marami sa mga botante ang nababad sa init ng araw kung kaya’t muling pinaalalahanan ng mga kawani ng paaralan na magdala ng tubig at payong ang mga darating pang botante.
Ayon sa isang nakapilang botante, hindi raw alintana ang init ng panahon sa kakaunting oras kung ang kapalit naman nito ay anim na taong pagtamasa sa malinis at tapat na pamamahala ng gobyerno.
Makikitang naging maayos ang paghahanda at tugon ng mga kawani at opisyales ng paaralan sapagkat nasunod din ang mga priority lanes para sa mga senior citizen, PWD, at mga buntis.
Bukod sa priority lanes, mayroon ding Voter’s Assistance Desk (VAD) na maaaring pagtanungan ng mga botante kung hindi nila alam ang kanilang mga precinct numbers. Gayundin ang Police Help Desk na nakatayo sa labas ng paaralan na maaaring puntahan para sa mga hindi inaasahang kaganapan.
Sa tulong ng mga boluntaryo sa iba’t ibang organisasyon, kasalukuyang naisasakatuparan ang maayos na sistema ng halalan sa Siranglupa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.