Ulat ni: Amiel Ortega
Sa ganap na alas siyete ng umaga ay nagdagsaan na ang mga residente ng Brgy. Antipolo dito sa Antipolo Sulsugin Elementary School.
Sa kabila ng pagdami ng bilang ng mga tao, napanatili pa rin ng mga volunteers, security officers at task force ang striktong health and safety protocols sa lugar. Naging maayos ang daloy ng pila mula sa labas ng eskuwelahan, patungo sa holding area hanggang sa pagpasok sa mga voting precinct.
Isang grupo ng mga volunteers mula sa isang partido ang nagsaayos ng isang inquiry table sa labas ng paaralan upang makatulong sa organisadong pagpapapasok ng mga tao. Dahil dito, ang mga residenteng hindi alam ang kanilang mga precinct number ay nabibigyang assistance o gabay bago makarating sa holding area.
Kapansin-pansin ang inisyatibo ng mga kabataan sa bolunterismo para sa Halalan 2022, mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), mga poll watchers at iba pang mga volunteer groups.
Ayon sa Department of Education DESO Head, malaking pasasalamat niya sa mga responsableng volunteer groups at mga kapulisan. Kung hindi dahil sa tulong nila, hindi magiging matiwasay ang proseso ng botohan dito sa Antipolo Sulsugin Elementary School.