Ulat ni: Kurt Ivan Angeles
Ibinahagi ng isang botante sa Twitter ang kanyang pagkadismaya dahil hindi pa rin napapalitan ang nasirang Vote Counting Machine (VCM) sa isa sa mga polling precincts ng Langgam Elementary School, Langgam, San Pedro, Laguna.
Ayon sa tweet ni “ron” (@ronxgodi), hindi pa ganoong katagal ang paghihintay niya sa pagdating ng bagong makina ngunit may nakasabay siyang isa pang botante na mula pa umaga at hindi bababa sa anim na oras ang kaniyang paghihintay na mapalitan ang nasabing VCM.
Ang hindi paglabas ng resibo matapos ipasok ang balota ang siyang naging dahilan ng pagpasiya ng mga nagbabantay sa polling precinct na pansamantalang ihinto ang paggamit ng Vote Counting Machine.
Ani ni Ron ay sa kabila ng pagkasira ng VCM ay patuloy na pinapaboto ng naturang paaralan ang mga botante na naka-talaga sa presinto kung nasaan ang sirang makina. Subalit dagdag niya ay ayon sa pinakahuling update ay nasa warehouse pa ang ipapalit na VCM, ngunit maaari ring ipagamit ang makina mula sa ibang presinto. Tanging ang presinto kung saan naka-talaga si Ron ang nagkaroon ng aberya sa Vote Counting Machine sa Langgam ES. Ayon rin sa kanya, halos walang botante ang piniling hintayin na sila ang magpasok ng balota sa paparating na bagong VCM.
Makalipas ang higit isang oras, nakakalap siya ng update na hihintayin nila ang VCM na magmumula sa ibang bayan, na inaasahan na dumating pagkatapos ng botohan. Sa ngayon, lahat ng balota na hindi naipasok sa makina ay nakalagay sa isang kahon at ang mga electoral staff ang magpapasok ng mga nasabing balota.