Ulat ni: Alex Dela Cruz
Isang oras bago matapos ang Halalan 2022, nanatiling mahaba ang pila sa San Ramon Elementary School sa Canlubang, Calamba City, kabilang ang clustered precinct 154 kung saan nakapaloob ang mga presinto na 0277A, 0277B, 0278A, at 294P9.
Ayon sa isang botante na si Angela Gonzales na nakapila na bago pa sumapit ang ika-5 ng hapon, higit isang oras na siyang nakapila sa nasabing presinto dahil mahaba na ang pila pagdating niya sa botohan at paisa-isa lamang ang pagpapapasok sa mga botante.
Nabanggit ng chairperson ng clustered precinct 154 na si Alberto Remoroza na puno ng senior citizen ang kanilang presinto na pinauuna sa pagboto. Ani niya, apat lamang silang electoral staff sa presinto at walang chaperone upang alalayan ang mga senior citizens. Sinikap man ng mga staff na humingi ng dagdag na support personnel sa DESO, kinapos ang nasabing paaralan sa tao at ginahol na sa oras.
Ilang minuto makalipas ang alas-siyete ng gabi ay wala nang pila sa naturang presinto at kasalukuyang nagsasagawa ng close voting.