Ulat ni: Marvs Kaye Q. Rosario
Ilang oras bago matapos ang eleksyon, patuloy pa ring dumarami ang ulat ng aberya at election offenses na nagaganap sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong Halalan 2022.
Ayon sa datos ng Vote Report PH, isang organisasyong naglalayong labanan ang pandaraya tuwing eleksyon, 1,349 na ang kabuuang bilang ng kanilang natatanggap na ulat ng paglabag sa mga mga regulasyon sa eleksyon kaninang alas singko ng hapon, at 291 nito ang napatunayan naganap. Ang tatlong pinakamalaking kategorya ng mga ulat ay binubuo ng 37.4% na Vote Counting Machine (VCM) errors, 15.2% na electioneering, at 9.5% na vote buying.
Ayon din sa Kontra Daya – Southern Tagalog, 55 sa 115 na kanilang natanggap at napatunayang kaso ay VCM errors tulad na lamang ng paper jams, rejected ballots, problema sa pag-imprenta ng resibo, at iba pa na naging sanhi ng mahabang pila sa polling precincts at pagkaantala sa daloy ng halalan. Dagdag pa nito, may mga ulat na sinasabihan ang ibang botante na iwan na lamang ang kanilang balota sa miyembro ng Electoral Board na siyang magpapasok nito sa VCM matapos maayos ang machine, na labag sa rules at guidelines ng eleksyon.
Dulot ng malaking bilang ng VCM errors, inaasahang nasa higit isang milyon o 2% ng kabuuang bilang ng inaasahang bumoto ang maaaring hindi makaboto, saad ng Kontra Daya sa kanilang panawagan na i-extend ang nakalaang oras para sa halalan upang bigyang oportunidad ang marami pang Pilipino na makaboto.
Patuloy naman ang panawagan ng mga nabanggit na organisasyon sa mga botante na ipagbigay alam ang anumang makikita, mababasa, o mapapanood na anomalya at kaduda-dudang aktibidad ngayong eleksyon, at gamitin ang hashtags na #VoteReportPH at #KontraDaya.
Heto ang link sa panawagan ng Kontra Daya: https://www.facebook.com/VoteReportPH/posts/333548692182993
https://www.facebook.com/kontra.daya/posts/4558486510917512