Ulat ni Paul John Lazaga
Pinangunahan ni Mayor-elect Anthony “Ton” F. Genuino ang isinagawang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng bayan ng Los Baños sa Los Baños Centtro Convention Center noong Hunyo 21, 2022.
Kasama ni Genuino sina Vice Mayor-elect Josephine Sumangil-Evangelista at Municipal Councilors-elect na sina Benedicto S. Alborida, Leren Mae M. Bautista, Mike Dexter “Dex” A. Concio, Mark Lester “Mac” B. Dizon, Julius A. Moliñawe, Jonathan Bryan “Jonsi” S. Siytiap, Councilor Marlo PJ A. Alipon, Miko C. Pelegrina.
Sa kanyang Facebook page ay ipinahayag niya na gagawin niya ang kanyang buong makakaya upang paglingkuran ng tapat, bukas, at may malasakit ang bayan ng Los Baños sa tulong na rin ng kolektibong partisipasyon ng mga mamamayan nito.
Ang plataporma ni Genuino ay nakasentro sa siyam na mga isyu ng kalusugan, ‘bayan development’, kabataan at senior citizen, turismo, agrikultura at kabuhayan, imprastraktura, edukasyon, kapayapaan at kaayusan, at kalikasan.
Samantala, dumalo rin sa oath-taking ang kasalukuyang mayor na si Antonio Kalaw na naluklok sa pwesto noong 2020 nang pumanaw ang dating mayor na si Caesar Perez.
Ang termino ng bagong halal na mga opisyal ay magsisimula sa Hulyo 1.