Ulat ni Paul John Lazaga
Si Gov. Ramil L. Hernandez ay nangakong ipagpapatuloy ang kanyang “Serbisyong Tama” para sa lalawigan ng Laguna nang siya ay manumpa sa katungkulan noong Hunyo 27 sa Cultural Center of Laguna para sa kanyang pangatlo at huling termino bilang.
Ang agenda ng kanyang administrasyon ay nakasentro sa walong isyu ng health, social welfare services, education, employment, agriculture and food security, infrastructure, peace and order, at transformative and professionalized bureaucracy.
Sa Facebook page ni Gov. Hernandez ay nagpaabot siya ng pasasalamat sa mga Lagunense sa muling pagbibigay sa kanya ng tiwala at suporta upang ipagpatuloy nang buong puso at may katapatan ang kanyang serbisyo.
Kasama niyang nanumpa ang kagaya niyang muling halal na si Vice Governor Katherine “Karen” C. Agapay pati na rin ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Pinangunahan ni Executive Judge Divina Gracia Bustos Ongkeko ang panunumpa sa katungkulan ng mga nasabing opisyal.
Sa kaparehas na araw ay isinagawa rin ang isang turnover ceremony sa pangunguna ni SP Sec. Francisco R. Macabuhay para sa mga bagong miyembro ng ika-11 na Sangguniang Panlalawigan sa Sagguniang Panlalawigan Session Hall sa Sta. Cruz, Laguna.
Ipinakilala ni Macabuhay ang mga bagong halal na bokal na sina Wilfredo Jr. “Bongbejasa” I. Bejasa, Magtangol Jose III “JM” C.Carait at Danzel Rafter Y. Fernandez para sa unang distrito, Tito Fortunato II “Tutti” A. Caringal, Christian Niño S. Lajara at Peewee P. Perez para sa pangalawang distrito, Karla Monica C. Adajar at Alejandro “Abi Yu” Y. Yu para sa ikatlong distrito, at sa ikaapat na distrito naman ay sina Joseph Kris Benjamin “Benjo” B. Agarao at Francisco Joseph “Milo” L. San Luis.
Samantala ibinahagi ni Agapay ang kahalagahan na ituring bilang pamilya ang bawat kasapi at empleyado ng Sangguniang Panlalawigan sapagkat ito ay nagreresulta sa kaayusan at prudoktibong pamamalakad sa lalawigan.