“Makibeki, ‘Wag Mashokot!” – ST PRIDE MARCH 2022

Ulat nina Samantha Gwyneth Bonsol at Paul John Lazaga

“Makibeki, Wag Mashokot!”

Iyan ang panawagan ng mga kalahok sa Southern Tagalog Pride March 2022 alinsunod sa tema nitong LGBT of Southern Tagalog: SPEAK NOW! RAMPA Para sa Kinabukasan, Kalayaan, at Katotohanan. Sa pangunguna ng Southern Tagalog Pride Alliance, ito ay ginanap noong Hunyo 28 sa Carabao Park ng UP Los Baños.

Ito ay nilahukan ng iba’t-ibang organisasyon mula sa Timog Katagalugan tulad ng LAKAPATI, Gabriella Youth, Bahaghari Batangas, Panday Sining Cavite, UPLB University Student Council, at marami pang iba.

Sa isang talumpati ay ibinahagi ni Lakapati Laguna chairperson Lau Reyes ang kahalagahan ng pakikiisa sa ganitong programa at kilusan upang ipahayag ang sigaw ng mga miyembro ng komunidad na pagbabago.

Aniya, “Idinidiin ng mga Lagunenseng LGBT ang importansya ng paglahok ng sangkabaklaan sa mas malawak na pambansa demokratikong kilusan ng mamamayan para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Bakla, ang lugar mo ay sa pakikibaka!”

Naging parte ng programa ang kultural na pagtatanghal nina Slaytina at Miss Chronicles kabilang ang mga grupong Panday Sining UPLB, MAKATA, SIKKAD, Malayang Kababaihan ng Tanghalan, KLASIK, at Drag Kolors na tumatalakay sa mga isyung panlipunan, partikular na ang karapatan ng LGBT community at gender-based violence.

Maliban dito, nagsilbi ring plataporma ang aktibidad upang talakayin ang mga napapanahong mga isyu ngayong magkakaroon ng pagbabago sa administrasyon. Kasama sa mga isyung ito ang lumalalang ekonomiya ng bansa, karapatan ng mga manggagawa, karapatang pantao, pagkalat ng maling impormasyon, at marami pang iba.

Nagtapos ang programa sa pagmartsa ng delegasyon mula sa UPLB main gate hanggang sa Agapita Road.

Samantala nagkaroon din ng serye ng mga aktibidad ang Southern Tagalog Pride Alliance na nagsimula noong Hunyo 11 hanggang 27 tulad ng ST Pride Fair, donational drives at educational series na naglalayong mapalawig ang kaalaman patungkol sa mga isyu at sinusolong na karapatan ng mga miyembro ng LGBT Community.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.