Isinulat ni Pamela Hornilla
Ang bagyo o tropical cyclone ay isang uri ng lagay ng panahon na nagdadala ng mabilis na hangin at malakas na pagbuhos ng ulan. Maaari itong maging sanhi ng pagbaha, pagguho ng mga kalupaan, at pagkasira ng mga ari-arian.
Sa Pilipinas, inaasahang nasa 20 bagyo ang pumapasok o nabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Kasalukuyan ay mayroon itong limang klasipikasyon: (1) tropical depression, (2) tropical storm, (3) severe tropical storm, (4) typhoon, at (5) super typhoon. Ang tropical depression ay may lakas ng hangin na umaabot hanggang 61 kph malapit sa gitna. Samantala, mayroong 62 kph hanggang 88 kph na lakas ng hangin ang tropical storm at 89 hanggang 117 kph naman ang sa severe tropical storm. Umaabot sa 118 hanggang 220 kph naman ang dalang hangin ng typhoon, habang ‘di naman bababa sa 220 kph ang hanging dala ng super typhoon.
Sa opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa, narito ang mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng isang bagyo.
Mga dapat gawin bago ang bagyo
- Alamin ang mga balita tungkol sa lagay ng panahon.
- Alamin ang evacuation plan ng iyong komunidad.
- Tukuyin ang evacuation center at ang mga contact number ng awtoridad sa iyong lugar.
- Suriin ang kalagayan ng iyong bahay. Maaring kumpunihin ang mga sira nito.
- Ilikas ang mga alagang hayop sa ligtas na lugar.
- Ihanda ang GO BAG ng iyong pamilya. Siguraduhin na laman nito ang lahat ng inyong kakailanganin sakaling lumikas.
- Lumikas at magtungo sa ligtas na lugar kapag inabisuhan ng awtoridad.
Mga dapat gawin habang may bagyo
- Manatili sa loob ng bahay o evacuation center.
- Manatiling updated sa mga balita.
- Magtipid ng baterya ng cellphone sakaling mawalan ng kuryente.
- Gumamit ng flashlight o emergency lamp.
- Maging maingat sa paggamit ng kandila. Ilayo ito sa abot ng mga bata.
- Umiwas sa mga salaming bintana lalo na kapag malakas ang hangin.
Mga dapat gawin pagkatapos ng bagyo
- Umiwas sa mga natumbang puno, poste ng kuryente, at gusali.
- Hintayin ang abiso ng awtoridad tungkol sa pagbalik sa mga tahanan.
- Maging maingat sa pagkumpuni ng mga nasirang bahagi ng tahanan.
- Tiyakin na walang basang outlet o kagamitan bago isaksak ang kuryente.
- Itapon ang mga tubig-ulan na naipon sa mga lata at paso na maaaring pamahayan ng lamok.
Mga Sanggunian
Civil Defense PH. (2020, May 13). Maging handa sa anumang sakuna. Alamin ang mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng bagyo. Please like and share to spread awareness. #AmboPH #Resilience PH You can download this tropical cyclone poster here: http://bit.ly/35c2UHQ. Facebook.
https://facebook.com/civildefensePH/photos/maging-handa-sa-anumang-sakuna-alamin-ang-mga-dapat-gawin-bago-habang-at-pagkata/2888640107898466/
PAGASA. (n.d.). Frequently Asked Questions (FAQ) / Trivia. https://www.pagasa.dost.gov.ph/learnings/faqs-and-trivias
Ready.gov. (n.d.). Mga Bagyo. https://www.ready.gov/tl/hurricanes