Ulat nina Paul John Lazaga at Samantha Gwyneth Bonsol
Binuksan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) noong Hulyo 5 ang ika-15 na Intellectual Property Satellite Office (IPSO) nito para sa Calabarzon kung saan maraming mananaliksik, negosyante, industriya, at iba pang mga manlilikha ang maaaring maging benepisyaro ng opisina.
Ayon sa IPOPHL, mainam ang pagtatayo ng IPSO sa rehiyon sapagkat marami itong mga industriya ng pagmamanupaktura at mga Higher Education Institutions (HEIs) na nagsasagawa ng Research and Development (R&D), partikular sa Laguna at Cavite.
Dagdag pa nito, noong 2020, mayroon sa rehiyon na kabuuang 139,363 na Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na mga potensyal na benepisyaryo ng IPSO.
Ang nasabing Intellectual Property Satellite Office (IPSO) ay matatagpuan sa 4th floor ng Marcelita Building, DTI 4A Regional Office, Barangay Real sa Calamba City kung saan ginanap ang inagurasyon nito.
Ito ay opisyal na binuksan ni OIC Provincial Director of Cavite Revelyn A. Cortez, sa ngalan ni OIC Assistant Regional Director Marissa C. Argente, na nagpasalamat sa oportunidad na ibinigay ng IPOPHL para magkaroon ng sariling pasilidad ang Calabarzon upang maprotektahan ang Intellectual Property (IP) rights ng mga nasasakupan nito.
Nagsilbi ring pangunahing tagapagsalita ang Director-General ng IPOPHL na si Rowel S. Barba. Ayon sa kanya, ang pagtatayo ng IPSO sa Calabarzon ay makakatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya ng rehiyon.
Aniya, “This, in turn, would spur home-grown innovations and give [Micro, Small and Medium Enterprises] and [Higher Education Institutions] a range of competitive business tools to help drive their success.”
Layunin din ng bagong tayong IPSO na isulong ang RA 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Dinaluhan rin ng iba’t-ibang regional director ng mga opisina ng gobyerno sa Calabarzon ang inagurasyon para magbigay ng mga mensahe ng pagsuporta. Kasama rito sina Toni June A. Tamayo (Technical Education and Skills Development Authority), Emelita P. Bagsit (Department of Science and Technology), at PB General Antonio C. Yarra (PNP Regional Office).