Ulat ni Raizza Acuzar
Ipinagdiwang ng bayan ng Los Baños ang ika-48 na Buwan ng Nutrisyon sa pagsasagawa ng Nutri Run for Fun na pinangunahan ng Municipal Nutrition Office (MNO) noong Hulyo 23.
May temang New normal na nutrisyon, sama-samang gawan ng solusyon!, ang nasabing fun run ay isinagawa kasama ang Association of Municipal Employees of Los Baños-Laguna (AMELBA-UNA) Inc., Local Youth Development Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang isulong ang kahalagahan ng kalusugan. Ito ay nilahukan ng mga kawani ng munisipyo.
Nagsimula ang pagpaparehistro para sa aktibidad sa ganap na alas-singko ng umaga sa Munisipyo ng Los Baños. Ang ruta na itinakbo ng mga kalahok sa 3K Run ay nagsimula sa munical parking lot, patungo sa Magnetic Road, at pabalik sa municipal parking lot. Ang 5K Run naman ay may rutang nagmumula sa municipal parking lot, patungo sa Boy Scouts of the Philippines Camp Arc, at pabalik sa municipal parking lot.
Kasunod nito ay ang pagasasagawa ng Zumba sa pangunguna ng Special Program for Employment of Students (SPES) ng MNO upang maibsan ang pagod ng mga kalahok sa fun run.
Nagpamigay rin ng papremyo para sa mga nanalo ng unang tatlong puwesto sa bawat kategorya ng fun run. Sa 5K na kategorya, nagwagi sina Harvey M. Hemphill, Reginald Boyles, at Victor Farr. Samantala, sa 3K na kategorya ay nagwagi sina Erwin Villanueva, Municipal Councilor Mark Lester Dizon, at Patrick Caraan.
Bukod dito ay namigay din ng mga singlet sa unang 75 na nagparehistro at parangal sa may pinakamahusay na sports attire.
Ang mga nakilhahok na mga opisina ng Los Baños ay ang Mayor’s Office, Vice Mayor’s Office, Sangguniang Bayan, Public Information Office, General Services Office, Transportation Regulation Office, Action Center, Los Baños Traffic Management Office (LBTMO), Sangguniang Barangay Timugan, at Municipal Health Office, kabilang na ang personal na pakikilahok nina Mayor Anthony Genuino, Vice Mayor Josephine Sumangil Evangelista, at Municipal Councilor Mark Lester Dizon.
Ang buwan ng Hulyo ang Pambansang Buwan ng Nutrisyon sa Pilipinas. Ang taunang pagdiriwang nito ay pinangungunahan ng National Nutrition Council (NNC) alinsunod sa Presidential Decree 491 noong Hunyo 1974 upang mas lalong itaas ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa pag-iwas sa malnutrisyon at ang kahalagahan ng malusog na gawi sa pagkain.