Bakunahan sa Los Baños patuloy ngayong Hulyo

COVID-19 VACCINATION MOBILE. Isang batang mamamayan na tinuturukan ng isang nurse ng MHO sa Mayondon Elementary School na ginawang vaccination hub. (Amiel Malabanan/LB Times).

Ulat ni Amiel Earl E. Malabanan

Patuloy pa rin sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang bayan ng Los Baños sa pangunguna ng Municipal Health Office (MHO) na nagsagawa ng Vaccination Mobile sa bawat barangay kada Biyernes ngayong buwan ng Hulyo.

Ang COVID-19 Vaccination Mobile o Resbakuna sa Barangay ay isang pagsisikap ng MHO na naglalayong maglagay ng vaccination hubs sa bawat barangay upang mas mapadali ang pagbabakuna ng mga mamamayan dito.

Ayon sa panayam ni Jonas Madrigal, Nurse II ng MHO, nakadepende ang protocols at guidelines nila sa Department of Health (DOH) kung saan ipinapa-aprubahan ang mga vaccination hub.

Ayon naman sa panayam ni Dr. Maria Carlin Fabian, Medical Officer IV ng MHO, parehas ang proseso ng pagbabakuna sa mga magiging vaccination hub mula noong unang kasagsagan ng pandemya kung saan may bawat station na kailangan puntahan ang mga mamamayan mula sa pag-register hanggang pag-monitor pagkatapos mabakunahan.  

Maaaring magpabakuna ang mga sumusunod:

  • Wala pang unang bakuna o first dose na edad 5 yrs old pataas 
  • Kailangan ng second dose o booster dose
  • Wala pang first booster na edad 18 pataas (3 buwan mula second dose)
  • Wala pang second boosterHealthcare workers, senior citizens at immunocompromised

Ukol naman sa kung anong brand ng bakuna ang maaaring ibakuna sa vaccination hub ng barangay at kung saan ang vaccination hub ng inyong barangay, maaaring bisitahin ang Facebook Page ng inyong barangay upang makita ang mga ito.

Maaaring walk-in ang pag-register sa vaccination hub ng barangay at pinaaalalahanang dalhin ang vaccination card kung may dose na at medical certificate para sa mga immunocompromised. Striktong pinapatupad ang hindi pagbabakuna sa may mga ubo, sipon, at iba pang sintomas. 

Mga Kaso ng COVID-19 Sa Los Baños

Sa linggo ng Hulyo 18 hanggang Hulyo 22, mayroong naitalang 56 na kabuaang kaso ng COVID-19 sa municipalidad ng Los Baños. (SURIIN: Los Baños COVID-19 Cases Weekly Monitoring Report).

Ang bilang na ito ay kapansin-pansing mas mataas kaysa noong nakaraang buwan ng Hunyo na may pinakamataas na kabuaang naitala lamang na 19 sa lingo ng Hunyo 23 hanggang Hulyo 1. 

Sa kasalukuyan, patuloy na sinusubaybayan ang bilang ng mga kaso sa Los Baños ng MHO at ng Municipal Epidimiological Surveillance Unit (MESU). Makikita ang update ng bawat kaso ng COVID-19 ng Los Baños sa Facebook page ng Municipal Government of Los Baños.

Mga Paalala

Ang COVID-19 Vaccination Mobile ay parte ng pagsisikap ng MHO upang pataasin ang bilang ng mga nababakunahan sa municipalidad. Dala nito ang pag-agap sa paglala ng mga sintomas dulot ng nasabing virus.

“Syempre added protection…kasi pag vaccinated less likely magiging severe yung COVID[-19 symptoms].” ani Dr. Fabian. 

Pinapaalalahanan din ni Dr. Fabian na patuloy pa rin na ipinapatupad ang minimum health protocols sa Los Baños, katulad ng pagsusuot ng mask, maghuhugas ng kamay, at social distancing. Dagdag pa niya, maaari pa ring magpabakuna sa evacuation site ng Los Baños ng Lunes hanggang Huwebes.

“Magpa-first dose simula 5 [years old] and up, and [mag-]quarantine kung may symptoms [ng COVID-19],” aniya.

Ayon sa Discharge and Recovery Criteria para sa mga COVID-19 patients na inilabas ng DOH, kailangang sundin ang mga sumusunod para madeklarang recovered ang mga nagkaroon ng COVID-19:

Para sa mga may sintomas:

  • Nakumpleto ang 14 araw na self-isolation sa bahay simula paglabas ng sintomas
  • Wala nang lagnat ng 3 araw
  • Wala nang sintomas o bumuti na ang kondisyon ng pasyente

Para sa mga asymptomatic o walang sintomas ngunit nagpositibo sa RT-PCR test:

  • Nanatiling walang sintomas sa loob ng 14 na araw
  • Nakumpleto ang 14 araw na self-isolation sa bahay simula ng pagpositibo

Pinaaalalahanan ang bawat mamamayan na gamiting patnubay ang BIDA SOLUSYON sa COVID-19:

  • Bawal walang mask, 
  • I-sanitize ang mga kamay, Iwas hawak sa mga bagay,
  • Dumistansya ng isang metro, at
  • Alamin ang totoong impormasyon. 

Mga Sanggunian: 

Discharge and Recovery Criteria para sa mga Pasyenteng Nagkaroon ng COVID-19 | Department of Health website. (n.d.). DOH. Retrieved July 2022, from https://doh.gov.ph/Discharge-and-Recovery-Criteria-para-sa-mga-Pasyenteng-Nagkaroon-ng-COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.