Kauna-unahang Anos PWD Got Talent Idinaos

Ulat ni Pamela Hornilla

PWDs MAABILIDAD. Si Christian Paul Catilo ang nagwaging Kampeon ng Anos PWD Got Talent. (Litrato mula sa Barangay Anos/Facebook).

“Ang layunin talaga [ng Anos PWD Got Talent ay] maipakita [at] mapatunayan na kahit may kapansanan ka, mayroon ka pa ring bahagi sa lipunan.” 

Iyan ang mga salitang ibinahagi ni Leoniza Macaldo, ang pangulo ng Samahan ng mga Persons with Disabilities (PWD) ng Brgy. Anos, nang idaos nila ang kauna-unahang Anos PWD Got Talent sa Makiling Covered Court noong Hulyo 23 bilang obserbasyon ng ika-44 na National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week.

Dagdag pa niya, ang mga programa na gaya nito ay nagsisilbing espasyo upang maipakita ang kakayahan at talento ng mga PWD na nagsilbing inspirasyon upang maisakatuparan ang nasabing programa.

Mayroong 11 na kalahok ang patimpalak na nagpakita ng kanilang mga talento, katulad ng pagsayaw, pag-awit, at paglikha ng biswal na sining.

Ang mga sumusunod ang mga nagwagi:

  • Christian Paul Catilo – Champion
  • Lestat Clarence Rudio – 2nd Place
  • Ricky Calagos – 3rd Place
  • July Lyn Osalla – Judge Bryan Choice Award
  • Rolando Alvarez – Best in Costume
Mga litrato mula sa Barangay Anos/Facebook.

Ang programa ay dinaluhan rin ni Municipal Councilor Miko Pelegrina.

Ang Samahan ng PWD ng Brgy. Anos ay parte ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities, Inc.

Ang National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week ay isang taunang selebrasyon alinsunod sa Proclamation No. 1870 na pinagtibay noong Hunyo 22, 1979 upang pasiglahin ang kamalayan ng publiko sa mga isyung kinakaharap ng mga may kapansanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.