Monkeypox 101

Isinulat ni Raizza Acuzar

Ang Monkeypox ay isang bihira at nakakahawang sakit na dulot ng impeksyon ng Monkeypox Virus. Ang unang kaso ng Monkeypox sa tao ay naitala taong 1970 sa gitna at kanlurang bahagi ng bansang Africa bago ang outbreak ngayong 2022.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Monkeypox  ay mula sa pamilya ng mga virus na gaya ng Variola Virus na nagdudulot ng bulutong-tubig.  Ang mga sintomas ng Monkeypox ay katulad ng sa bulutong, ngunit kadalasan ay hindi ito gaanong malala at mapanganib, ngunit maaari itong maging sanhi ng pagkamatay kung hindi kaagad ito mabibigyang pansin. Kahit sino ay maaaring mahawa at makahawa ng Monkeypox.

Pagkalat ng Monkeypox

Ang Monkeypox Virus ay kumakalat at naipapasa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pisikal na contact sa virus mula sa isang hayop, tao, o isang kontaminadong bagay. 

Hindi ito airborne katulad ng COVID-19 na kumakalat at naipapasa sa hangin.  

Ang virus ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pagdikit sa mga taong may pantal o bukas na mga sugat. Hindi ito katulad ng COVID-19 na karaniwang kumakalat at naipapasa sa pamamagitan ng hangin.

Maaaring maipasa ang Monkeypox  sa iba’t ibang paraan, tulad ng:

  • Direktang pagkadikit sa mga sugat, pantal, langib, laway, at iba pang likido ng katawan
  • Pagkalmot o pagkagat ng infected ng tao o hayop
  • Paggamit ng mga bagay nadikitan ng pantal o likido mula sa infected na tao o hayop
  • Malapitang pisikal na contact nang balat-sa-balat gaya ng halikan, yakapan, o pakikipagkamay 
  • Pagkain ng karne ng isang nahawaang hayop
  • Pagpasa ng virus ng buntis sa kanyang sanggol sa sinapupunan

Maaari bang magkaroon ng Monkey Pox ang mga alagang hayop? Wala pang opisyal na datos ng hanay ng mga species na maaaring mahawaan ng Monkeypox virus. Ngunit ang mga daga, vole, squirrel, prairie dog, at kuneho ay kilala na madaling kapitan ng impeksyon. Ang iba pang mga ligaw at alagang hayop, tulad ng mga aso at pusa, ay maaaring din kapitan ng virus lalo na kung ang iyong alagang hayop na-expose sa isang tao o isang hayop na infected ng Monkeypox.

Mga Sintomas

Ang mga sumusunod ang karaniwang sintomas ng Monkeypox: 

  • Lagnat
  • Pananakit ng ulo
  • Hirap sa paghinga
  • Pananakit ng lalamunan
  • Panginginig ng katawan
  • Pagkapagod o pagkahina
  • Pananakit ng kalamnan at likod
  • Pagkakaroon ng pantal na mauumbok
  • Namamagang mga lymph node o kulani

Ang ilang mga tao ay nagkakaroon muna ng pantal o paltos at maaaring lumitaw sa mukha, bibig, bago kumalat sa iba pang bahagi ng katawan, tulad ng mga kamay, paa, dibdib, ari, at anus. Ang mga senyales at sintomas ng Monkeypox ay karaniwang tumatagal ng mga dalawa hanggang apat na linggo at nawawala nang kusa.

Kadalasan ay hindi na kailangan ng paggamot ngunit maiiging kumonsulta sa doktor upang makasigurado sa nararamdaman. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang incubation period ng Monkeypox ay karaniwang pito hanggang 14 na araw, o lima hanggang 21 araw.  

Ang mga taong may Monkeypox ay dapat uminom ng sapat na tubig, kumain ng masustansiyang pagkain, at magkaroon ng sapat na pahinga. Sa panahon ng isolation, importante na nakikipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay upang mapangalagaan ang mental health.

Pag-iwas

Mga hakbang upang maiwasan ang pagkakaroon ng Monkeypox:

  • Iwasan ang paghawak sa pantal, sugat, dugo, o langib ng tao o hayop, may sintomas man ng Monkeypox  o wala.
  • Iwasan ang pisikal na contact sa taong may  sintomas ng Monkeypox .
  • Iwasan ang close contact sa may sakit o patay na mga hayop at mga bagay na kanilang nadikitan.
  • Iwasan ang pagpapahiram ng mga kubyertos o mga personal na gamit, katulad ng damit o tuwalya, sa mga taong may sintomas ng Monkeypox.
  • Hugasan nang madalas ang mga kamay gamit ang sabon at tubig o gumamit ng alcohol-based na hand sanitizer.
  • Magsuot ng face mask at guwantes lalo na kapag nag-aalaga ng mga taong may sakit.

Nagpahayag ang World Health Organization na naaprubahan na ang bakuna para sa Monkeypox. Ayon sa Department of Health (DOH), kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa gobyerno ng US para makakuha ng bakuna sa Monkeypox, ngunit hindi inirerekomenda ang mass vaccination sa Pilipinas. 

Mga Sanggunian:

Department of Health
Centers for Disease Control and Prevention (CDC)
Center for Food Security and Public Health
World Health Organization

Litrato mula Cynthia S. Goldsmith ; Russell Regnery, CDC