Ulat ni Cyber Gem Biasbas
Binuksan na muli ng Los Baños Local Youth Development Office (LYDO) ang Municipal Scholarship Program nito noong July 21.
Naglalayon itong bigyan ng tulong ang mga mag-aaral ng high school at college sa Los Baños ng pinansyal na tulong upang makapag-aral.
Dinaluhan ni Mayor Anthony Genuino ang unang orientation na ginanap noong umaga kung saan kinausap niya ang mga magulang ng mga interesadong mag-aaral mula sa high school.
Si Mayor Genuino ang tumatayong chairperson ng komite ng pipili ng mga iskolar. Ayon sa kanya, mas paiigtingin pa ng munisipyo ang pagbibigay ng scholarship upang dumami ang benepisiyaryo nito.
Ang makukuhang college students ay makakatanggap ng hanggang 5,000 pesos ang mga nasa kolehiyo. Kalahati nito ay ibibigay ng pamahalaan sa paaralan kung mayroong binabayaran na tuition fee. Kung wala naman ay ito ay direktang mapupunta sa mag-aaral.
Mayroon ring cash incentive sa bawat katapusan ng semestre na 1,000 pesos kung ang grado ng mag-aaral ay nasa 1-point-24 hanggang flat uno at 700 pesos naman kung grado nila ay nasa 1-point-49 hanggang 1-point-25.
Makakatanggap naman ng 1,500 pesos taon-taon ang mga Junior High School at 2,500 pesos sa mga Senior High School. Mayroon ring cash award na 1,000 pesos sa katapusan ng school year kung ang kanilang final grade ay nasa 97% hanggang 100%, at 700 pesos naman kung ito ay nasa 94% hanggang 97%.
Naghayag naman ang mga magulang at aplikante ng kanilang pag-aaala sa Facebook page ng LYDO dahil sa tila-umanoy palakasan system na nangyayari.
Nagtaka sila kung bakit daw mabilis na naubos ang slot para sa nasabing orientation. Giit ng iba, resulta daw ito ng palakasan system na nagaganap dahil sa mga kamag anak ng mga empleyado o opisyales ng lungsod.
Bigyan na lang daw ng exam ang mga bata upang ito ay maging patas.
Ayon sa LYDO, pinangungunahan ng Municipal Administrator na si Roberto Rañola Junior ang Selection Committee na pipili ng mga iskolar.
Ang komite ay gagawa at magbibigay ng exam para sa mga interesadong aplikante.
Kung mataas ang Alert Level ng lungsod, tatanggapin na nila ang grado ng mga bata mula sa nakaraang school year. Base sa criteria 50% ang halaga exam o grado. Ang natitirang kalahati ay base sa ibang mga dokumentong isusumite gaya ng proof of income.
Tatanggap ng aplikasyon ang LYDO hanggang sa August 7. Nakalagay sa kanilang Facebook page ang mga requirement at application form.
Maari rin namang personal na pumunta sa kanilang opisina para sa mga katanungan at pagsusumite ng application.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, umaasa ang mga magulang at mga mag-aaral na matanggap sa scholarship program upang mabawasan ang kanilang gastusin. Ngunit hiling nila, sana maging patas sa pagpili.