Noong Nobyembre 2020, sinimulan ng Municipal Nutrition Office (MNO) ng Los Baños ang Nutribun Project upang tugunan ang malnutrisyon sa bayan at tiyakin na ang lahat ng bata ay may access sa isang sapat na pagkaing mapagkukunan ng nutrisyon. Ang munisipyo ng Los Baños ang nagkaroon ng kauna-unahang Nutribun bakery project sa Laguna at tinawag itong Nutribaños.
Ito ay tinapay na tumutulong na labanan ang undernutrition at malnutrisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang enerhiya at sustansya para sa pagtaas ng timbang at pagbuti ng kalusugan ng kabataan.
Ang Nutribaños ay may micronutrient powder–Vitamin A na pampalinaw ng mata, Vitamin D na pampalakas ng muscles, Vitamin C na pamapatibay ng resistensiya, at marami pang sustansiya.
Mayroon din itong iba’t ibang flavors tulad ng ube, chocolate, pandan, at malunggay upang mas ma-engganyo ang mga bata na kumain nito.
Ang mga batang nakakaranas ng malnutrisyon at nakitaan ng sintomas ng undernutrition ang mga benepisyaryo ng Nutribaños. Ang mga ito ay mga may hindi angkop na timbang o taas para sa edad, may kawalan ng gana sa pagkain, may mabilis na pagkapagod, at mabilis dapuan ng sakit.
Ang bawat bata na kabilang sa programa ng Nutribaños ay nakatatanggap ng nutribuns tatlong beses kada linggo. Sa ngayon ay hindi pa bukas ang Nutribaños para sa panlahatang distribusyon sa publiko, at naka pokus muna sila sa kanilang mga benepisyaryo.
May tatlong pangunahing sukatan ang malnutrisyon sa mga bata.
Una ang stunting o pagkabansot. Ito ang pagiging masyadong maliit o kulang sa tangkad para sa edad. Ikalawa namang ang wasting o ang pagiging lubhang payat ng bata. Ito ay isang senyales ng mabilis na pagbaba ng timbang ng mga bata at nauugnay ito sa diyeta at nutrisyon ng bata. Ikatlo naman ang underweight kung saan kulang ang timbang ng bata para sa kanyang edad. Ang kaalaman sa mga sukatang ito ay may malaking epekto sa paglaki at pansariling kaunlaran ng mga kabataan.
Dagdag pa rito, ang malnutrisyon ay maaaring humantong sa madalas na pagkakasakit, pagkaantala sa pagtangkad ng bata, pagbagal ng paglaki, sakit sa puso, at maging ang pagkabulag.
Ayon sa World Health Organization o WHO, noong 2020, 149 milyong batang wala pang 5 taong gulang sa buong mundo ang tinatayang nabansot o masyadong maikli para sa edad. Nasa 45 milyon naman ang tinatayang wasted o masyadong payat para sa taas, at 38.9 milyon ang sobra sa timbang o napakataba.
Ang mga epekto sa pag-unlad, pang-ekonomiya, panlipunan, at medikal ng pandaigdigang pasanin ng malnutrisyon ay seryoso at tumatagal. Ang malnutrisyon ay mapanganib kaya importante na matugunan ang mga karagdagang pangangailangan ng mga bata pagdating sa nutrisyon at pagkakaroon ng mabuting kalusugan.
Ang kahirapan ay isa rin sa nagpapalaki sa panganib ng malnutrisyon. Ang mga taong mahihirap ay mas malamang na maapektuhan ng iba’t ibang anyo ng malnutrisyon. Gayundin, pinatataas ng malnutrisyon ang mga gastusin sa kalusugan at binabawasan ang pagiging produktibo ng isang tao, na maaaring magpatuloy sa isang siklo ng kahirapan at masamang kalusugan.
Kung kayo ay nakikinig at nag-aalala sa inyong mga anak, maiging kumonsulta sa doktor, sa mga klinika sa barangay, lumapit sa Barangay Nutrition Scholar, o bumisita sa Facebook Page ng Municipal Nutrition Office ng Los Baños upang matukoy kung ang timbang ba ng iyong anak ay tama sa kanyang edad, kasarian, at taas.
Tandaan, ang malnutrisyon sa mga bata ay magkakaiba at walang iisang itsura. Ang mahinang nutrisyon ay makabuluhang hadlang na maaaring magdulot ng mga panganib sa kalusugan ng mga bata.
Magandang isipin na darating ang araw na walang bulilit ang maliit para sa kanyang edad, at wala nang problema sa isyu ng suplay at pagkaing panseguridad.
Ngunit ating tandaan na ang mga programang pandagdag sa nutrisyon tulad ng Nutribun ay pansamantalang solusyon lamang. Bagamat makakatulong ito upang maibsan ang problema ng malnutrisyon, kailangan pa rin ng mas malalim at malawak na mga programa upang lubos na matugunan ang mga isyung panlipunan, pampulitika, at pang-ekonomiya na nagiging sanhi ng malnutrisyon ng mga bata.