Isinulat ni Pamela Hornilla
Ilang araw na lamang at muli nang magsisimula ang panibagong school year. Alinsunod sa DepEd Order No. 034, ang klase ay magsisimula sa Agosto 22 at magtatapos sa Hulyo 7 ng susunod na taon. Bago ito, ating balikan ang kwento ng isang estudyanteng nagsipagbalik-eskwela matapos ang dalawang taon ng online at distance learning dulot ng pandemya.
Pagbabalik face-to-face classes
Isa si Rhian Joyce Gunio mula sa Nicholas L. Galvez Memorial Integrated National High School (NLGMINHS) sa Bay, Laguna sa libo-libong mga mag-aaral ng bansa na nag balik-eskwela noong nakaraang school year. Matatandaan na noong Nobyembre 2021 nagsimula ang pilot face-to-face classes sa mga lugar na wala at mababa ang kaso ng COVID-19. Samantala, nagsimula naman ang expanded face-to-face classes sa elementarya at sekundarya noong Pebrero 14 kasabay ng pagsisimula ng ikatlong quarter.
Wika ni Rhian, nasa kalagitnaan ng ikatlong quarter nang magbukas ng pinto ang kanilang paaralan para sa limited face-to-face classes. Sa kagustuhan na makabalik sa tradisyunal na setup, agad siyang naghanda para rito. Bilang paghahanda, nagpasa si Rhian ng mga kinakailangan katulad ng parental consent at vaccination certificate. Dagdag pa rito, bumili rin siya ng school supplies, alcohol, masks, hand sanitizer, at tissue upang masiguro ang kanyang kaligtasan.
Blended learning vs. limited face-to-face classes
Sa kanyang pagbabahagi, nabanggit ni Rhian ang malaking pagkakaiba ng blended learning at limited face-to-face classes. Saad niya, nakaka-drain ang blended learning kahit nasa kani-kanilang mga tahanan lamang ang mga estudyante. Dagdag niya pa, pakiramdam niya ay hindi talaga siya nag-aaral sa ilalim ng modang ito.
Pagpapaliwanag niya, “Kapag po may online class, puwede mong tulugan. Kapag modular [naman], puwede mo siyang gawin lang kapag malapit na [ang] deadline. Kaya noong nasa modular o blended learning po ako, feeling ko hindi na ako nag-aaral.”
Kung kaya’t labis na saya ang naramdaman niya noong magbukas na ng pinto ang kanilang paaralan para sa limited face-to-face classes. Bagama’t limitado at may ilang pagbabago at protocol na kailangan sundin gaya ng paglagda ng health declaration card, pagpapalit ng masks, at pagsa-sanitize bago pumasok ng paaralan, mas epektibo para kay Rhian ang face-to-face classes. Pagpapatuloy niya, “Na-enjoy ko po [ang F2F classes], sobra! Namotivate po ako kasi may boardworks and recitations. Siyempre, nafe-feel din po namin ‘yung presence ng teacher. Mas effective po ‘yung F2F, bumalik po ‘yung kagustuhan kong mag-aral noong nag-F2F kami.”
Para sa darating na school year
Sa papalapit na pagbubukas muli ng mga paaralan, mayroon lamang hiling si Rhian: sana ay mas mapaigting ang kaligtasan ng mga mag-aaral at masunod ang mga protocol na kinakailangan.
Wika niya, “Kasi dito po sa Galvez, may ibang section na nagdidikit-dikit na. Tsaka, sana may magbantay na rin po sa mga station [katulad ng sa] handwashing, alcohol, pagpapalit ng mask and sa pag-fill up po ng health declaration card.”
Ang pagpapabuti at pag-obserba sa mga bagay na ito ay makapagsisiguro na ligtas ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral.
Mga Sanggunian:
Department of Education. (2022, February 2). On the expansion phase of limited
face-to-face classes.
https://www.deped.gov.ph/2022/02/02/on-the-expansion-phase-of-limited-face-to-
face-classes/
Department of Education. (2022, July 12). DepEd releases guidelines for School Year
2022-2023.
https://www.deped.gov.ph/2022/07/12/deped-releases-guidelines-for-school-year
-2022-2023/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=deped-release
s-guidelines-for-school-year-2022-2023#:~:text=Signed%20by%20Vice%20Presi
dent%20and,end%20on%20July%207%2C%202023.
Hernando-Malipot, M. (2021, December 2). DepEd: 177 more schools to participate in
pilot run of limited face-to-face classes. Manila Bulletin.
https://mb.com.ph/2021/12/02/deped-177-more-schools-to-participate-in-pilot-run
-of-limited-face-to-face-classes/