Bagong UP academic policies, inulan ng batikos ng UPLB students

Ulat nina Gian Andrew Mendoza, Neil Andrew Tallayo, Arianne Joy de Torres, Charlie Centeno, at Eunice Bianca Bonifacio

PARA SA MAKAMASANG EDUKASYON. Inilahad ng ika-39 na rehente ng mag- aaral na si Siegfred Severino ang saloobin ng sangkaestudyantehan ng UPLB patungkol sa mga bagong akademikong polisiya ng UP. (Litrato ni Dan Alexandro Abas; Teksto ni Gian Andrew Mendoza)

Inulan ng batikos ng mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang bagong labas na mga akademikong polisiya ng UP para sa darating na AY 2022-2023. Sila ay nag-organisa ng isang pagkilos, na dinaluhan ng bagong upong rehente ng sangkaestudyantehan ng UP na si Siegfred Severino, noong Agosto 30 sa Carabao Park upang kondenahin ang nasabing mga polisiya. Si Student Regent Severino ay estudyante ng UPLB.

Ayon sa Memorandum No. 127, Series of 2022 na inilabas ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) noong Lunes, ang UP ay binubuwag na ang mga akademikong polisiya nito na ipinatupad simula noong AY 2019-2020 bilang konsiderasyon sa mga estudyante dahil sa sakunang dulot ng pandemya. Kasama rito ang No Fail Policy o ang hindi pagbibigay ng grado na 4 o 5 sa mga estudyante. Ibinalik na rin ang 15 units na minimum academic load mula sa dating 12 units.

Ayon kay Severino, windang ang naramdaman ng mga estudyante sa biglaang pagsasapubliko ng nasabing memorandum.

“Ang naging kasunduan ay maggagawa ng second draft to be reviewed for the last time ng student regent. However, ang second draft ay hindi nagmanifest,” inihayag ni Severino.

Dagdag pa niya ay hindi na rin umano nasunod ang mga suhestiyong inilatag sapagkat agarang inanunsyo ang pagbabago ng ilang polisiya.

“Hindi na nga nasunod ang suggestions, hindi pa sila nag follow through doon sa kasunduan na hindi pa to be released agad,” hinaing niya. “Iyang mga pagkilos na ‘yan, testament ‘yan na ‘yung student body, willing naman makipagcooperate… We partake in giving alternative policies pero hindi natin matatanggap na nagpaparticipate na nga tayo, hindi pa tayo napapakinggan.”

Sinabi din niya na ang pagkilos ay umpisa pa lamang ng laban tungo sa mas maayos at mas inklusibong edukasyon sa paaralan, kaya dapat nang asahan ng administrasyon ng UP ang mas marami at mas pinaigting na pagkilos ng mga mag-aaral kasunod ng pagsasapubliko ng nasabing anunsiyo.

This slideshow requires JavaScript.

ISKOLAR NG BAYAN PARA SA BAYAN. Nagtipon-tipon ang mga progresibong grupo at estudyante ng UPLB upang tumutol sa bagong akademikong polisiya ng UP para sa taong panuruan 2022-2023. (Mga Litrato ni Dan Alexander Abas; Teksto ni Gian Andrew Mendoza)

Ilan lamang ang panawagang “Ligtas na Balik-Eskwela” at pagkakaroon ng de-kalidad at makamasang edukasyon sa mga isinusulong ni Severino.

Ang Student Regent ay ang natatanging kinatawan ng mga estudyante sa Board of Regents (BOR), ang pinakamataas na kagawarang bumubuo ng mga desisyon ng UP.

Nakatakdang magsimula ang klase sa UPLB sa Setyembre 5, isang linggo matapos ang paglalabas ng memo.

Samantala, sa sektor naman ng kaguruan, sinabi ng All UP Academic Employees Union – Los Baños sa opisyal na pahayag nito na ang panibagong mga akademikong polisiya ay “lubhang makakaapekto sa preparasyon ng mga guro” at dapat naglalaan ng sapat na panahon upang mapag-aralan ang mga polisiya ng unibersidad.