Ulat ni Guien Eidrefson Garma
Nagharap ang pamunuan ng Laguna Water District Aquatech Resources Corporation (LARC) at isang concerned citizen noong Sabado, Nobyembre 5, kaugnay sa matagal na panunumbalik ng serbisyo ng tubig sa bayan ng Los Baños pagkatapos ng pananalasa ng bagyong Paeng. Ito ay ayon sa ulat ng DZLB News ngayong araw, Nobyembre 7.
Ang concerned citizen ay si Likha Cuevas na naglikom ng mga reklamo mula sa iba pang mga konsumidor ng LARC at isinumite ang mga ito sa isang pormal na reklamo sa tanggapan ng nasabing water provider pati na rin sa Laguna Water District (LWD), National Water Resources Board (NWRB), at Local Water Utilities Administration (LWUA).
Ilan sa mga inihain niyang reklamo ay ang umano’y malimit na pagkawala ng tubig at huling pabatid sa mga konsumidor patungkol dito, maruming tubig, mga lumang tubo, at ang paraan ng pakikipag-ugnayan ng water provider sa mga konsyumer nito sa social media.
Pormal na Reklamo ni Cuevas
“September, October, there’s the documentation there na how many times na nagda-down tapos laging walang tubig sa [Barangay] Putho-Tuntungin. Nandiyan lahat. As far back as 2021 merong putik [na] lumalabas [kasama ng tubig]. When it comes to water pressure, nanidyan din, well documented din, ‘yung kaya [lang] ng pump [ay] ‘yung normal pressure, but the problem is yung mga tubo. Because [they’re] so old hindi niyo na na-uupdate… na pag finull ay puputok,” pahayag ni Cuevas sa pagpupulong kasama ng LARC.
Nakakuha ang DZLB News ng kopya ng pormal na reklamong isinumite ni Cuevas.
Ayon sa liham niya ay hindi umano ganap na ginagampanan ng LARC ang kanilang tungkulin bilang water service provider magmula noong 2016. Aniya, kapansin-pansin ang madalas na water interruptions nitong Setyembre at Oktubre 2022.
Iginiit din niya sa liham na lumala ang lahat matapos ang bagyong Paeng. Halos 5 hanggang 6 na araw na nawalan ng tubig sa bayan ng Los Baños.
Nakatanggap din si Cuevas ng 24 na emails na nagdedetalye ng mga reklamo ng mga ibang konsumidor ng LARC.
Marami ang naggigiit na magmula nang pinamahalaan ng LARC ang suplay ng tubig sa Los Baños, humina ang suplay ng tubig. Ayon sa ilang mga reklamong natanggap ni Cuevas, saka lamang nagkakaroon ng tubig sa ilang mga lugar tuwing gabi o madaling araw, at maging tuwing weekend.
Ayon din sa mga nagpadala ng reklamo, wala raw nakarating sa kanila na rasyon ng tubig mula sa LARC kapag nawalan ng serbisyo ng tubig.
Ilan din ang nagreklamo sa huling pasabi ng mga water service interruptions. May ilan din na nagpadala ng screenshots ng kanilang mga mensahe sa Facebook page ng LARC. Giit ng isang nagpadala ng screenshots ng mga mensahe nila sa LARC, paulit-ulit lang din naman umano ang sagot na binibigay sa kanila.
Samantala, isang residente naman ang nagreklamo na marumi ang suplay ng tubig na nagmumula sa LARC. Anang nagreklamo, nagkakaroon ng manilaw-nilaw at ‘slimy’ na mantsa sa kanilang mga timba at lababo.
Isang residente naman ang nakapaglikom ng 18 anunsyo ng emergency water service interruptions ng LARC ngayong taon. Anang residente, ang dami ng inaanunsyong water service interruptions at ang mga hindi naa-anunsyong mga pagkawala ng serbisyo ng tubig ay patunay raw na hindi sapat ang serbisyong binibigay ng LARC sa mga konsumidor.
Iginiit din ni Cuevas na dapat bukas sa publiko ang joint venture agreement sa pagitan ng Laguna Water District (LWD), Equi-Parco Construction Company, TwinPeak Hydro Resources Corporation, at MetroPac Water Investments Corporation, na nagresulta sa pagkakatatag ng LARC.
Tugon ng LARC
Ayon naman sa General Manager ng LARC na si Emil Puerto ay sasagutin nila punto por punto ang mga reklamo kapag natanggap na nila ang opisyal na kopya ng pormal na reklamo mula sa mga ahensya ng pamahalaang nakakasakop sa kanila.
Ngunit ayon sa ekslusibong panayam ng DZLB News sa kanya ay nanindigan siya na stable ang suplay ng tubig na binibigay ng LARC sa mga sakop nitong bayan sa lalawigan ng Laguna. Aniya ay sa ilalim ng mga normal na kondisyon, nasa 98 porsyento ang water availability habang nasa 96 porsyento naman ang water pressure na naibibigay ng LARC sa mga konsyumer. Sakop ng LARC ang mga bayan ng Los Baños, Bay, Calauan, at Victoria.
Dagdag pa niya ay naisaayos na ang lahat ng mga water pump stations na nasira sa kasagsagan ng bagyong Paeng.
Ayon din sa update ng LARC sa kanilang Facebook page nitong weekend, tapos na ang pagsasa-ayos sa Bitin Narvaez station sa bayan ng Bay.
Hindi Pa Tapos ang Laban
Naniniwala si Puerto na naging produktibo ang pagpupulong noong Sabado. Ngunit para kay Cuevas, hindi sapat ang mga naging sagot ng LARC at sisikapin niyang kausapin ang iba pang shareholders ng LARC.