Takipsilim: Ang Kasalukuyang Sitwasyon ng mga Magsasakang Pilipino

Ulat ni Danica Azur

Litrato ni Danica Azur/LB Times.

“Wala akong ibang pinagkukunan kundi ang pagsasaka. Mula noon hanggang ngayon, ito na ang aking pangunahing ginagawa,” sambit ni Crisogono Avila, 87, isang smallholder farmer ng Iriga City, Camarines Sur.

Sa murang edad pa lamang, sumabak na sa pagtatanim ng palay si Tatay Crisogono. Bitbit ang mga pangaral at pamanang kahusayan ng kanyang ama sa pagsasaka, ito ay mga nagsisilbing gabay sa kanya upang buhayin ang kanyang pamilya .

Ayon din kay Arnold Natividad, isang 46 taong gulang na smallholder farmer mula sa Cordon, Isabela, “Isa ako sa mga magsasakang ang tanging pinagkakakitaan lamang ay ang agrikultura kaya kahit mababa ang kita kumpara sa pagod na nararanasan hindi ako pwedeng sumuko dahil magugutom ang pamilya ko.”

Kahit hindi tanaw ang pag-asa, kayod-kalabaw pa rin sila upang may maihanda sa hapag-kainan ng pamilya.

Kabilang sina Tatay Crisogono at Arnold sa 88% na mga magsasaka sa bansa na mayroong lupang sakahang nasa tatlong ektarya pababa. Sa pinakahuling Census of Agriculture ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2012, sinasabing ang Pilipinas ay mayroong 5.56 milyong agricultural holdings na sumasaklaw sa 7.19 milyong ektaryang lupang sakahan.

Bagaman sila man ay may malaking ambag sa hapagkainan ng bawat Pilipino, marami pa rin ang tulad nilang kabilang sa malawak na hanay ng mga magsasakang nasasadlak sa kahirapan.

Batay sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, tinatayang 70% hanggang 80% ng pagkain sa buong mundo, ang mula sa pagsisikap ng mga magsasakang ang kabuhayan ay nakaasa sa maliit na sakahan tulad ni Arnold at Tatay Crisogono.

Sa kabila ng kanilang pagod sa pagbubungkal ng lupa at pagsisikap sa ilalim ng tirik na sikat ng araw, tila ba ang kanilang kasipagan ay walang ambag na pag-usad sa kanilang katayuan sa buhay.

Dagok sa Realidad

Sambit ni Arnold, “Bumababa ang kita. Ngayong covid tumaas ang mga gamot pang agrikultura kumpara sa presyo ng palay tuwing ibebenta lalo na kapag kaunti lang ang ani ay maliit lang ang kita o kung minsan ay lugi pa.”

Sa First Quarter ng 2022, naitala ng Philippines Statistics Authority (PSA) sa ulat nito na bumaba ang agricultural output ng Pilipinas sa 0.3% kumpara sa first quarter ng nakaraang taon.

Bunsod ng mga suliraning dulot ng kalamidad at patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon— presyo ng mga fertilizers, pasahod sa manggagawa, at petrolyo, bumaba ang lebel ng produksyon ng agrikultura sa bansa, hudyat ng kadiliman sa buhay ng mga magsasakang Pilipino.

Ayon kay Tatay Crisogono, “Ngayon, napakamura ng palay pero ang abono ang mahal. Mabigat na sa bulsa, na hindi na kaya ng mga magsasakang tulad ko.”

Maliban sa mga ito, pansin din ang banta ng “food crisis” sa bansa, na pinapatindi nang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng digmaan sa pagitan ng

Russia at Ukraine.

Sa kasalukuyang sitwasyon ng agrikultura, tila katambal ng salitang kasipagan ang kahirapan para sa mga manggagawa nito. Sa gitna ng pandemya, ang walang katapusang hamon ng gutom at kahirapan ay pasan araw-araw ng bawat magsasakang Pilipino.

Tulong Agraryo

Sa kabila ng mga suliraning pang agrikultura na patuloy na kinakaharap ng bawat Pilipinong magsasaka, may mga programang nakalatag ang pamahalaan bilang tugon sa mga ito.

Ayon kay William D. Dar, Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, higit na sinubok ng pandemya ang sektor ng agrikultura na siyang nagbigay daan upang mas lumala ang mga matagal nang umiiral na suliraning pang agrikultura sa bansa. Kaya naman, layunin ng departamento na bigyang pokus sa kanilang mga programa ang pagtitiyak sa sapat na suplay ng pagkain at pagtaas ng produksyon sa mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, hayop, manok, mais, gulay, at niyog.

Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), nakapagbigay ang kagawaran ng inbred seeds, credit facility, capacity-building, at mga programa sa pagsasanay sa mga magsasaka ng palay.

Samantala, sa pamamagitan naman ng mga programa tulad ng Financial Subsidy to Rice Farmers (FSRF) at Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) patuloy din ang pag-abot ng tulong ng gobyerno sa mga magsasaka saan man sulok ng bansa.

Binigyan diin ni dating Senador Kiko Pangilinan na mahalaga ang pamimigay ng cash assistance at fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisda ng bayan, upang mapanatili ang mababang presyo ng pagkain bilang tugon sa dobleng pagtaas sa presyo ng pataba at langis sa merkado ngayon .

Silip sa Katiwalian

Bagaman mayroong mga programa ang gobyerno alinsunod sa kanilang mandato na paglingkuran ang sambayanang Pilipino, hindi pa rin maiwasan ang mga anomalya pagdating ng ayuda sa masa.

“Ako ngani diri ako nababayaran kadtong napalista ako kadto. Nguwan, uda man baga nagbabayad kanako kin nadidistroso.” (Nagpalista ako noon, ngunit wala akong natanggap na tulong. Hanggang ngayon, wala talaga akong natatanggap sa pagkasira ng aking mga pananim na palay dala ng bagyo.”) sabi ni Tatay Crisologo.

Mayroon mang mga programa ang gobyerno, ngunit hindi alintana na marami pa ring magsasaka ang apektado ng matinding katiwalian gayundin ng mga hindi makatarungang batas tulad ng Rice Tariffication Law.

Kamakailan lamang nang iminungkahi rin ni Pangilinan ang kahalagahan ng maayos na pag-implementa ng mga batas tulad ng Sagip Saka Act of 2019 na naglalayong mabigyang tugon ang mga pangangailangan ng mga mangingisda at magsasaka.

Reporma para sa Masa

Isang malaking pagsubok din sa mga magsasakang Pilipino ang matinding pagbabago bunsod ng pag-upo ng bagong administrasyon. Matatandaan na isa sa mga naging plataporma ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa Php 20.00 kada kilo.

Sambit ni Tatay Crisologo, “Si Marcos, ata diri pa ngani inuula sa pagka Presidente, nagkuwa-kuwa na na pabababaon ana bugas. Maapektuhan kami. Apektado a para uma.” (Kaya ‘yung sinabi ni Marcos noong hindi pa siya nakaupo bilang Presidente ng Pilipinas na papababain niya ang presyo ng bigas sa bansa, maaapektuhan kami noon. Kami ang higit na maaapektuhan.) Para sa kanila, ang mga magsasaka at ang kanilang pamumuhay araw-araw ang higit na maaapektuhan ng matinding pagbabago.

Hiling ni Tatay Arnold, “Sana ngayon sa bagong administrasyon, maglaan sila ng malaking pera para sa agrikultura at babaan ang presyo ng mga gamot pang palay.”

Nananatiling malaking hamon para sa susunod na administrasyon ang problema ng kagutuman sa bansa. Kaya naman, nararapat na tutukan ang mga problemang pang agrikultura upang masiguro na ang lahat ng Pilipino kabilang na ang mga magsasaka ay may makakain araw-araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.