Ulat nina Blessy Lyn M. Espenilla at Cherry G. Platero
Gaya ng maraming manggagawa, ang mga maglalambanog ng Liliw, Laguna ay lubos ding naapektuhan ng pandemya. Galon-galong lambanog ang nakaimbak at halos hindi na nila mapakinabangan. Upang makabawi, naging solusyon sa kawalan nila ng kita ang paggawa ng ethyl alcohol mula sa lambanog.
Sa inobasyong dala ng lambanog, ano nga ba ang mga hamong dulot nito sa mga magsasaka ng niyog sa bayan ng Liliw?
Produksyon ng ethyl alcohol bago at pagkatapos ng skills training
Nang matigil ang bentahan ng lambanog, isa ang Esmeris Coconut Farm sa Liliw, Laguna na lubos na naapektuhan. Katuwang ang Coconut Lambanog Distiller’s Association of Laguna (COCOLAMBDA), naisip nilang solusyon ang paggawa ng coco ethyl alcohol mula sa nakaimbak na lambanog. Subalit ayon kay Mhon Lord Lombo, isa sa tatlong mangangarit ng Esmeris, matagal na proseso ang paggawa ng coco ethyl alcohol. Kailangan kasing lutuin ang tuba nang dalawang beses upang makuha ang 70% na alcohol content. Gamit ang distilerya sa pagluluto ng lambanog, maghapon at magdamag na pagbabantay ang kaakibat nito.
Ayon kay Kuya Mhon, bukod sa napupuyat sila, mahirap din para sa mga mangangarit ang pagkuha ng panggatong at pagbabantay ng mismong pagluluto. “‘Pag isa lang (ang magbabantay), ah hirap. Tapos mangunguha pa ng panggatong, kailangan talagang naka-prepare na gawa nang hindi naman pwedeng iwan. Kaya dalawa kaming nagluluto.”
Ngunit sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA) at ni Dr. Neil Melencion ng Zamboanga Research Center, naisakatuparan ang Skills Training on Coconut Ethanol Sanitizer and Vinegar Production sa Esmeris Coconut Farm. Layunin nito na matulungan ang mga maglalambanog sa paggamit ng ethanol distiller na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sa pamamagitan ng bagong distilerya, mapapabilis ang produksyon ng ethyl alcohol at maaari ring gawing suka ang parásan (tirang likido na may mababang alcohol content) nito. “Mabilis na la’ang paglutuan ‘yon, baka hindi na rin abutin ng maghapon,” giit pa ni Kuya Mhon.
Sa usapin ng matrabahong produksyon at presyuhan para sa merkado
Sa kabila nito, hindi pa rin natatapos ang hamon sa produksyon ng coco ethyl alcohol. “Masyadong labor intensive (ang paggawa ng ethyl alcohol),” ayon kay Architect Victor Esmeris, may-ari ng Esmeri Coconut Farm.
Dagdag pa ni Arch. Esmeris, hindi rin ganoon kalaki ang distilerya para sa paggawa ng ethyl alcohol; nangangahulugan na hindi rin malaki ang produksyon nito. Kaugnay naman nito ay ang problema sa price ceiling ng Department of Trade and Industry (DTI).
“‘Pag inilagay mo (ang pricing) sa maintenance, sa tao, sa gathering, sa magkakarit, at saka sa distilling process, talagang mataas ang presyong aabutin. Sobra-sobra sa minimum ng DTI.”
Pahayag ni Arch. Esmeris hinggil sa dahilan kung bakit isa ang price ceiling sa pumipigil sa tuloy-tuloy sanang produksyon ng coco ethyl alcohol. Saad pa niya, “Hindi kami makapag-produce dahil lugi naman kami, bakit kami magpo-produce pa?”
Nang tanungin naman si Dr. Melencion tungkol sa mungkahing presyo ng DTI, batid din niya na isa ito sa kailangan nilang pagtuunan ng pansin. Wika niya, “I think ‘yon ‘yong pinaka-crucial part kung papasok tayo sa marketing.”
“Ang hirap i-market, sobrang dami ng kakumpitensiya at ang lalaking company pa”—ito naman ang naging pahayag ni Arch. Esmeris tungkol sa pagbebenta ng coco ethyl alcohol at suka sa merkado. Ayon pa sa kanya, hindi madaling makipagsabayan sa mga kilala nang brand ng ethyl alcohol. Sa isang bayan kung saan sandamakmak ang produktong gawa sa niyog, kahit ang suka na maaari ring gawin sa distilerya ay mahirap ibenta.
Mga plano sa hinaharap para sa produksyon ng coco ethyl alcohol
Sa kabila ng lahat ng balakid, sinigurado ni Arch. Esmeris na gagamitin pa rin nila ang ethanol distiller na ibinigay sa kanila. Sa patuloy na pakikipagtulungan sa DOST-PCAARRD at PCA-ZRC, susubok sila ng iba pang produkto na gawa sa niyog. “May plano kami (sa distiller) kasi nag-e-explore pa kami ng market na pwede mong itaas (ang presyo),” sambit ni Arch. Esmeris. Ngunit sa ngayon, ang produksyon pa lang ng lambanog ang kaya nilang ipagpapatuloy. “Balik kami sa standard na lambanog na lang ang ibebenta.”
Hindi rin alintana ng mga magkakarit ang produksyon ng coco ethyl alcohol kahit pa kailangan nilang aralin ang pasikot-sikot ng bagong distilerya. “Okay lang po kahit mag-alcohol kami, wala pong problema,” pahayag ni Kuya Mhon.
Ibinahagi rin ni Dr. Neil na balak nilang magdagdag ng mga produktong gawa sa niyog gaya ng pabango at iba pang pampabango. Bukod rito, plano rin nilang pasukin ang produksyon ng high quality lambanog na pwede ring i-export sa ibang bansa.