Ulat ni Suzanne Gabrielle Borja
Iniimbitahan ng Seven Lakes Aquaculture Operators and Fisherfolks Association (SLAOFA) ang mga nais magboluntir at makiisa sa kanilang lingguhang proyektong Linis Lawa sa bayan ng San Pablo.
Pumunta lamang ang mga nais makilahok na indibidwal at miyembro ng iba pang organisasyon sa Lawa ng Sampalok, tuwing Linggo, 6:00 AM, para sa mas malawakang paglilinis ng lawa at kapaligiran nito.
Para sa karagdagang detalye, maaari kontakin si Dennis D. Enriquez, pangulo ng SLAOFA, sa numerong 0998-883-6531, o sa kanyang Facebook Messenger na may parehong pangalan.
Sinimulan noong Oktubre 7, ang Linis Lawa ay may layuning linisin at panatilihing malinis ang lawa para sa pag-unlad nito (sustainable use and development).
Pagbabahagi ni Enriquez, “Mula sa maraming lumot at masukal na tabi ng lawa, nabawasan, kung ‘di man naubos, ang mga lumot, at gayundin ay natabasan ang mga damo sa pamamagitan ng mower. Ang mga basurang dulot ng mga nagsisipasyal sa lawa ay nalinis at naitapon din sa tamang tapunan.”
Makikiisa sa Linis Lawa ngayong araw at sa Nobyembre 27 ang mga mag-aaral ng National Service Training Program (NSTP) mula sa Laguna College, isang paaralang malapit sa Lawa ng Sampalok.
Sa pangkalahatan, pangunahing layunin ng SLAOFA ng protektahan at isulong ang interes ng produksyon ng tilapia sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, patuloy ang pagtulong ng asosasyon sa mga miyembro nitong may kinakaharap na suliranin tungkol sa pagproprodyus at pagmamarket ng mga pinapalaking isda.
“Sa ngayon ay natutulungan ang mga miyembro nito na magkaroon ng merkado at mabilis na maibenta ang mga produktong tilapya sa palengke. Sa tulong ng mga nagkakaisang ahente, sila ay sama-samang kumukuha ng mga isda sa araw-araw, kung kaya’t 800-1000 kilo ang nadadala sa palengke araw araw,” ani Enriquez.
Naorganisa ang SLAOFA noong Agosto 1 ng kasalukuyang taon, na sinundan ng courtesy call kasama si San Pablo City Mayor Vicente Amante nitong Oktubre 4.
Sa ngayon, nakapokus ang asosasyon sa mga proyekto na magpapaunlad ng Lawa ng San Pablo. “May mga programang maaring gawin din sa iba pang mga lawa sa darating na panahon,” pagtitiyak ni Enriquez.