PAGKAMPAY SA LAOT NA LUSAK: Pangangalaga sa Lawa ng Laguna

Ulat nina John Warren Tamor, Neisel Lyca Petiza, at Justine Alcantara

ITO ANG HULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT

TILAPIA. Isa sa mga paboritong ulam ng mga Pinoy ang Tilapia kaya naman isa rin itong pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda.

BASAHIN ANG UNANG BAHAGI NG ULAT

Ang bioaccumulation ay ang onti-onting pagkaipon ng mga mapanganib na elemento sa loob ng isang organismo, ayon kay Mercado. Dagdag pa niya, hindi mabilis mawala ang heavy metals kaya namumuo ito sa katawan ng mga tilapia sa paglipas ng panahon.

Ang tilapia ang ginamit nilang uri ng isda sa pag-aaral nila dahil ayon sa Food and Nutrition Research Institute of the Philippines, ang tilapia ang isa sa mga mabentang uri ng isda sa merkado. Dagdag rito, ito rin ang pinaka-dominanteng isdang tubig-tabang sa industriya ng pangingisda sa Gitna at Timog Katagalugang Luzon.

Bukod pa rito, ang tilapia ay maaaring magsilbing tagapagpahiwatig ng kalagayan ng Lawa. Kung mataas ang lebel ng heavy metals ng mga ito, ibig sabihin ay mataas na ang posibilidad na madumi na ang lawa.

Tatlong aspeto ang siniyasat nila.

Una, upang malaman ang potensyal na panganib sa kalusugan ng tao ng heavy metals sa Lawa ng Laguna, ang pag-aaral ay sinukat ang konsentrasyon ng lead (Pb), cadmium (Cd), at chromium (Cr) sa ulo, tiyan, at kalamnan ng Nile Tilapia (Oreochromis niloticu) at Blackchin Tilapia (Sarotherodon melanotheron) mula sa timog na bahagi ng Lawa sa Calamba, Los Baños, Bay.

Sa pamamagitan ng flame atomic absorption spectrophotometry (AAS), inalam ang konsentrasyon ng mga heavy metals sa bawat muwestra at lumabas na ang mga tilapia mula sa Los Baños ang may pinakamataas na lebel ng bioaccumulation sa tatlong heavy metal. Tinatayang 1.546 mg kg-1 ang lebel ng lead (Pb), 0.177 mg kg-1 ang lebel ng cadmium (Cd), at  0.051 mg kg-1 naman ang lebel ng chromium (Cr) sa mga tilapiang nagmula sa Los Baños. Nakita rin na mas mataas ang akumulasyon nito sa ulong bahagi ng tilapia.

Pangalawa ay ikinumpara rin ang magiging resulta kapag ang mga tilapia ay pinakuluan o hindi. Nalaman nilang mas mababa ang dami ng mga heavy metals sa mga tilapiang pinakuluan kumpara sa mga hindi.

Ikatlo naman ay kinalkula nila ang Total Hazard Quotient (THQ) o ang kabuuang health risk mula sa kontaminasyon ng kemikal na maaring makuha sa pagkonsumo ng tilapia na nanggaling sa Lawa.

Base sa karaniwang bilang ng tilapiang nakokonsumo ng isang Pilipino sa isang araw, nagsagawa ang mga mananaliksik ng health risk assessment. Ito ang naging basehan nila upang masabi kung mataas na ba ang posibilidad na magkaroon ng mga karamdamang hindi cancerous mula sa pang-araw-araw na pagkain ng isdang ito.

Ayon sa resulta ay cadmium lang ang lumagpas sa rekomendadong bilang ng pagkonsumo at hindi ang lead at chromium. Kaya para sa kanilang mga mananaliksik, mababa pa ang potensyal na panganib mula sa pagkonsumo ng mga tilapiang ito. “…wala pa namang risk and hindi pa rin po dito na-consider yung ibang heavy metals,” ayon kay Mercado.

Dagdag nila’y, bagamat dapat nang mabatid ng publiko ang maaaring dulot nito sa kanilang kalusugan, hindi pa ito dapat lubos na katakutan dahil kinakailangan pa ng mas maraming pag-aaral tungkol dito.

Gayunpaman, babala nina Mercado na mahalagang malaman na ang pagkakaroon ng mataas na lebel ng lead sa katawan ay maaaring makaapekto sa dugo, utak, bato, tiyan, puso at imyunidad ng tao laban sa sakit. Ang cadmium ay maaring maging sanhi ng pagkabuo ng kidney stone, paghina ng buto, at osteoporosis. Samantalang ang chromium naman ay maaaring magdulot ng sakit sa bato, tiyan, at pagdurugo at  pagsusuka.

DUMI SA LAWA. Bakas sa baybayin ng Los Baños ang polusyon sa Laguna de Bay na sanhi ng pagbaba ng kalidad ng iba’t ibang uri ng isda. Ayon kay Kada (2014), maaaring nagmumula ito sa mga kabahayan, establisyementong komersiyal at industriyal, minahan, at mga sakahan.

Pangangalaga sa Lawa

“Nawawalan na ang dating sigla ng lawa….ang aming [panawagan] lang sa gobyerno, suporta po para sa mga mangingisda at saka buhayin ang lawa dahil diyan kami kumukuha ng pinang-aaral namin sa aming mga anak, diyan rin kami kumukuha ng aming pinangkakain,” ani Amatorio.

May ilan na ring mga programa ang gobyerno ukol sa pagkonserba sa Lawa ng Laguna.

Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) ay isa sa mga nangangasiwa ng mga programa at proyekto sa pangangalaga ng Lawa ng Laguna.

Ayon kay Emiliana Casbadillio, OIC Chief ng PFO Laguna, nagbuo sila ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) na nangangalaga sa Lawa.

Higit sa lahat, ang programa nilang Ibalik ang Sigla ng Ilog at Lawa ay nagsgawa ng ng stock management ng mga isda upang masigurado na mayroong supply ng iba’t ibang uri ng isda sa Lawa. Nagkaroon din ng mga santuaryo sa Lawa kung saan ipinagbabawal ang pangingisda upang makonserba ang mga isda dito.

“Habang lumiliit ang Laguna Lake, paano na ang kabuhayan ng mga fisherfolk?” dagdag ni Casbadillo. Ibinahagi niya na ilan pa rin sa kinakalabang problema ng mga lokal na mangingisda ay ang mga ilegal na pangisdaan at mga pabrika na nakapalibot sa lawa na may pinakamalaking kontribusyon sa polusyon.

Kaya naman ayon sa kanya, nararapat na magkaroon na ng striktong implementasyon ng batas sa mga pabrika, pinagbabawal na pangingisda, at wastong pamamahala ng basura upang mas mapangalagaan ang Lawa.

Wastong Paraan ng Paghahanda ng Tilapia

Sa kabutihang-palad ay may mga payo sina Mercado base sa kanila pag-aaral upang malasap pa rin ng mga konsumer ang tilapia at magkaroon pa rin ng kabuhayan ang mga mangingisda. Ito ay ang sumusunod: