AGRIKULTURA SA MATA NG KABATAAN: Pagpapahalaga at Pagsulong

Ulat nina John Jeric Balmaceda at Kathleen Balbin

ITO ANG PANGHULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT

HINDI BIRO. Mga estudyante ng BS Agriculture UPLB sa kanilang AGRI 32 laboratory exercise. (Kuha ni Paul Joshua Marquez)

BASAHIN ANG UNANG BAHAGI NG ULAT

Kaunti lang ang mga kabataang katulad ng mga Agri-TikTokers na sina Arvin Barlongo at Bea Suavengco na may malawak na pang-unawa sa larangan ng agrikultura.

Sa pangunguna ni Kamla Lavadia, isang pag-aaral ang ginawa ng UP Los Baños (UPLB) na nailimbag sa Philippine Agricutural Scientist ay nagsiyasat ukol sa patingin ng mga kabataan sa agrikultura. Ito ay nilahukan ng 832 na mga mag-aaral ng UPLB mula sa unang baitang na kumukuha ng asignaturang Agri 11: Introduction to Agriculture mula 2009 hanggang 2014. Ito ay katumbas ng sampung magkakasunod na semestre.

Dalawa ang pangunahing layunin ng pag-aaral nila Lavadia.

Una ay inalam nila ang pagtingin sa agrikultura ng mga kalahok sa pamamagitan ng dalawang sarbey na pinasagutan sa kanila bago at pagkatapos nilang kunin ang asignaturang Agri 11.

Lumabas sa resulta ng unang sarbey na karamihan (58.3%) sa mga kalahok ay may negatibong pagtingin sa agrikultura. Ayon sa mga sagot nila, ang agrikultura ay naiuugnay nila sa pagsasaka, pag-aararo, at paglilinang ng lupa; isang programang hindi nakakaangat; patungo lamang sa pagiging magsasaka; ang agrikultura ay nakakainip, madumi, hindi astig, at mahirap gawin; at ito ay sumasalamin sa kahirapan at walang katiyakang kinabukasan.

Samantala, 27.9% naman ang positibo ang pagtingin sa agrikultura. Ayon sa kanila, ito ay galing sa iba’t-ibang impresyon ng agrikultura tulad ng: mahalaga at magiting na gawain; pwedeng magandang pagkakakitaan; mahalaga para sa pang araw-araw na pamumuhay; maraming oportunidad sa agrikultura; at masayang pampalipas-oras. Ito ang limang pinakasinagot ng mga estudyante. Meron din nagbanggit na ang agrikultura ay may malawak na espesyalisasyon na makakatulong sa paglago ng ekonomiya.

Ngunit, lumabas naman sa resulta ng pangalawang sarbey na tila ay mas marami na ang naging positibo ang pagtingin sa agrikultura. Lumabas na 46% ng mga estudyante ay kinilala na ang agrikultura ay mayroong mahalagang parte sa socio-economic development ng ating bansa, partikular sa ekonomiya ng bansa at sa food security. Kanila rin napagtanto na ang agrikultura ay hindi lamang pagsasaka ngunit ito ay maraming larangan ng pag-aaral tulad ng: animal science, crop science, soil science, at crop protection.

Pagkatapos kunin ang asignaturang AGRI 11 at sumailaalim sa mga gawaing pang-agrikultura, 33% and napagtanto ang kahalagahan ng agrikultura bilang siyentipikong larangan ng pag aaral. Dahil sa kanilang mga pinagdaanan sa agrikultura, kanilang nalaman kung gaano kahalaga at kasaya ang mga larangan ng pag-aaral sa loob nito.

Pangalawa ay inalam rin nina Lavadia ang mga mungkahi ng mga kalahok kung papaano magiging kaakit-akit ang agrikultura sa mga kabataan. Lumabas na 35% ng mga estudyante ang nagsasabing nangangailangan na “ibenta” ang agrikultura sa publiko sa pamamagitan ng pag-uusap at mga patalastas. May mga nagsabi rin na pwedeng gamitin ang technolohiya upang makamit ito tulad ng paggamit ng blag, bidyo, at mga social networking sites.

Ito and ginagamit nila Arvin at Bea sa TikTok upang magbahagi ng impormasyon at umakit ng mga kabataan tungo sa agrikultura.

Isang bagay na kanyang binigyang diin ay ikinakahon ng karamihan ang agrikultura sa pagtatanim na isa lamang sa mga aspeto nito. Marami ang nakalilimot na ang agham panghayop ay malaking bahagi ng agrikultura.

Naging rekomendasyon nila Lavadia na mas paigtingin ang pagpapalawak ng impormasyon tungkol sa agrikultura. Kung maaari ay isama na ang paksang agrikultura sa mababang paaralan upang matutunan na ito sa murang edad pa lang nang sa gayon ay mapalawak na ang pagpapahalaga dito.

Ang pagkakaroon ng mga talakayan na kagaya ng ginagawa nina Barlongo at Suavengco sa TikTok ay nakakatulong at epektibo upang gawing popular ang agrikultura sa madla.

Kaya naman pati ang UPLB College of Agriculture and Food Science (CAFS) ay gumawa na rin ng sarili nitong TikTok account (@cafs.uplb) upang maabot ang mga kabataan at yayain sila sa mundo ng agrikultura.

PANOORIN