Ulat nina John Jeric Balmaceda at Kathleen Balbin
ITO ANG UNA SA DALAWANG BAHAGING ULAT
Patok ngayon ang dalawang kabataang Tiktokers na sina Arvin Barlongo at Bea Suavengco nag nagtatalakay ng kahalagahan ng agrikultura sa bansa at kung paano nila ito isinasabuhay sa kanilang sariling pamamaraan. Ngunit kahit nagsusulputan ngayon ang mga #EdukToks ukol sa agrikultura, iba pa rin ang pagtingin ng mga kabataan ukol sa larangang ito.
Sa katunayan, karamihan sa kanila ay may negatibong pagtingin sa ukol sa agrikultura. Ito ay ayon sa pag-aaral na ginawa ng grupo nina Kamla Zyra Lavadia, University Researcher mula sa College of Agriculture and Food Science (CAFS) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Ang nasabing pag-aaral ay nailimbag sa Philippine Agricultural Scientist noong 2021.
Si Barlongo (@sproutupi6111) ay mahilig magbahagi ng kanyang mga karanasan bilang isang mag-aaral ng agrikultura at ng mga pasikot-sikot sa kursong ito.
Nang tanungin kung ano ang nag-udyok sa kanya na gumawa ng kanyang account, aniya, “Ito’y maaring makatulong sa pagbabahagi ng mga kaalaman sa agrikultura sa mga tao na nakapaligid sa akin.”
Samantala, si Suavengco (@urbanfarmertv) naman ay nakapokus sa iba’t-ibang paraan ng pagtatanim. Ilan sa mga ito ay ang hydroponics, pati na rin ang pag tayo ng “city farm” sa bawat komunidad na maaaring pagkakitaan.
Ayon kay Suavengco, naengganyo siyang gumawa ng TikTok account dahil sa isang zoom effect na kanyang nilagyan ng caption na “When they say Agriculture is boring” tapos ay nagpakita siya ng kanyang mga ginagawa at ito ay naging viral. Sabi niya, “Gusto ko rin ipakita ang nakakapanabik at magandang mukha ng agrikultura”.
Kagaya ng mga kapwa nilang kabataan, sina Barlongo at Suavengco ay mayroon ding mga maling kuro-kuro ukol sa agrikultura bago pumasok sa kolehiyo. Ngunit higit nilang naunawaan ang maraming oportunidad sa agrikultura nang sila ay nagsimula nang kumuha ng mga asignatura nila dito.
Para sa kanila, kulang ang naipapamahaging tamang impormasyon ukol sa agrikultura. Madalang rin daw matalakay ang nasabing disiplina sa social media. Kaya naman naisipan nilang gumawa ng kanilang TikTok accounts upang mas maabot ang mga kabataan at baguhin ang negatibong pananaw nila ukol sa agrikultura.
“Totoong mahirap pag-aralan ang agriculture, pero maganda sa pakiramdam yung mas inaalam mo ung rason kung bakit ka nabubuhay at kung paano nakakapagbigay buhay ito sa ibang tao,” ayon kay Suavengco.
Ayon naman kay Barlongo, maraming trabaho ang naghihintay sa agrikultura katulad ng pagiging mananaliksik, manunulat, guro, at negosyante.
“Ang mundo natin ay nagmula sa agrikulura. Ang lupa at tubig ang pundasyon ng agrikultura. Kung wala ang mga ito [Agrikultura], wala rin ito [ang mundo],” sabi niya.
Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: AGRIKULTURA SA MATA NG KABATAAN: Pagpapahalaga at Pagsulong