AlternaTUBO: Ang Potensyal ng Bioethanol

Ulat nina Rochelle Garcia, Rizza Ramoran, Aaron Sumampong, at Athena Tamayo

ITO ANG PANGHULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT

BENEPISYO AT IMPLIKASYON.Larawan ni Engr. Anna Elaine Matanguihan ng UPLB habang ipinapaliwanag ang ilan sa mga sosyo-ekonomikong epekto ng bioethanol.

BASAHIN ANG UNANG BAHAGI NG ULAT

Inalam ng mga eksperto mula sa UP Los Baños, sa isang pag-aaral, ang ekonomikal at pangkalikasang epekto ng produksyon ng sampung planta ng bioethanol. Ang nasabing pag-aaral ay pinangunahan ni Dr. Rex Demafelis.

Ang grupo nina Dr. Demafelis ay nangalap ng dalawang klase ng mga datos at impormasyon upang matulungan silang maintindihan at mabusisi itong mapag-aralan. Ang unang mga datos na nakuha ay tinatawag na transaksiyonal o ang mga datos patungkol sa kanilang munisipalidad, produksiyon, distribusiyon, at mga naging presyo ng feedstock, listahan ng mga bukid, magsasaka, at kanilang mga sinasaka. Kasama rin dito ang mga bioethanol supply at mga naging presyo nito na kinuha mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad na lamang ng Sugar Regulatory Administration, Local Government Units (LGUs) at sa iba pang mga umiiral na journals. Ang pangalawang mga datos ay tinatawag namang residual data o ang mga datos na nagmula sa isinagawa nilang sarbey, focused group discussions (FGD) at key informant interviews (KII).

Upang malaman ang sosyo-ekonomikal na epekto nito, sina Dr. Demafelis ay nagsagawa ng tatlong lebel ng pagsusuri kung saan nagkaroon sila ng sarbey kasama ang mga sugarcane farmers, FGD naman kasama ang mga small and medium-tolarge farmers, at KII sa mga pangunahing empleyado ng bioethanol processing plants at molasses traders.

Ayon sa kanilang pananaliksik, ang pagpapaunlad ng sugarcane crops at farm at produksyon ng bioethanol sa mga processing plants ay may positibong epekto sa mga sugarcane farmers sapagkat nakikitaan ito ng potensyal na mapalago ang ekonomiya dahil maaaring mapabawas nito ang pag-angkat ng langis mula sa ibang bansa.

Bukod dito, ang produksyon ng bioethanol ay magbubukas ng mas madaming oportunidad para sa trabaho para sa mga magsasaka ng tubo at paglikha ng mga lokal na sektor ng bioethanol. Ang mga operasyong nauugnay sa bioethanol ay nagbibigay-daan din para sa mas mainam na pagdaloy ng salapi sa bansa.

Sa katunayan, may karagdagang kita na maaaring pumalo sa Php. 3.0B (USD 604M) kung sakaling makakapag tayo ng mga gilingan ng tubo at makakapagbigay ng karagdagang kapasidad para sa mga trabahador ang produksyon at pagpoproseso nito, ayon sa pag-aaral.

Para naman malaman ang pangkalikasang epekto ng produksyon ng bioethanol, sina Dr. Demafelis ay nagsagawa ng imbentaryo ng carbon life cycle. Tinukoy din nila ang mga global warming potential (GWP) o carbon footprint ng apat na planta ng domestic bioethanol production. Lumabas sa kanilang pagsusuri na maaaring mabawasan ng domestic bioethanol production ang GHG ng humigit-kumulang 36% hanggang 89% depende sa produksyon kumpara sa paggamit ng fossil fuel. Kaya naman itinuturing ito na malinis at agarang uri ng langis.

Dahil sa napatunayang mabuting dulot ng bioethanol na mula sa mga pag-aaral, ang Pilipinas ay nagkaroon ng pag-aaral nito upang bigyang pansin ang bioethanol industry at palakasin ang pananaliksik at pagsisiyasat ukol dito.

Sa katunayan ay nagbuo ang UPLB noong 2014 ng isang Interdisciplinary Biofuels Research Studies Center na pinangungunahan ni Dr. Demafelis upang mapalawig ang pananaliksik ukol sa larangang ito. Nagsilbi ring isponsor ang sentro ng isang espesyal na isyu ng JESAM na tumatalakay sa biofuels noong 2017.

 Mga pagsubok sa produksyon ng Bioethanol 

Sa kabila ng mga nabanggit na potensyal ng bioethanol, mahaba-haba pa ang proseso upang lubos na maihatid ito sa masa.

Idiniin naman ng kasamahan ni Dr. Demafelis na si Engr. Anna Elaine Matangihan na ang tubo ay napatunayan nang alternatibo sa gasolina base sa  Biofuels Act of 2006. Ngunit dahil sa hindi sapat na feedstock, ang produksyon sa Pilipinas ay umaabot lamang sa 50%.

There is also a law that we cannot use other feedstock that competes with food (Mayroong batas na nagsasabing hindi tayo maaaring gumamit ng feedstock na maaaring makipag-kumpetensya sa mga pagkain). May ganoong limitation kaya ‘di nakakapag-expand,” dagdag pa niya.

Ang Biofuels Act of 2006 ay isang batas na kung saan ipanag-uutos na sa loob ng dalawang taon ay hindi bababa sa 5% ng bioethanol ang dapat na mailagay sa dami ng gasolinang ibinebenta at ipinamamahagi sa bawat kumpanya ng gasolina sa bansa. Noong 2011 ay ipinatupad naman ng Department of Energy na itaas ang blending o pagtimpla ng bioethanol sa 10%.

 Isa sa mga pagsisikap na ginagawa sa bansa ay ang pagpapataas ng blending ng bioethanol sa 20%, ngunit kinakailangan pa ito ng maraming interbensyon. Sa ibang bansa tulad ng Brazil, nakapag-increase na ng 27% blending, samantalang sa US naman ay 85%. Ang mataas na blending ng bioethanol ay makatutulong upang mabawasan ang paghahalo pa ng gasolina dito na makatutulong naman sa pagbaba ng polusyon sa hangin.

Ayon rin kay Engr. Matanguihan ay maraming pang pag-aaral ang kailangang gawin ukol sa epekto ng bioethanol sa lipunan, ekonomiya, at kalikasan. 

Pagtanggap sa bioethanol

Samantala, positibo naman ang opinyon ni Delos Reyes ukol sa paggamit ng bioethanol bilang alternatibo sa LPG. Aniya ay magiging malaking tulong ito sa kanilang negosyo pati na rin sa pang-araw-araw nilang gastusin.

 “Kung okay naman at safe siyang gamitin, itatry naman namin kasi laking bagay samin, laking tulong na bawas sa binabayaran namin at mas okay kami dyan, susubok kami,” sabi niya.

 Isang malaking kontribusyon sa pagtanggap ng mga food stall owners na tulad ni Kay ay ang kaligtasan, presyo, at epekto nito kung sakaling ito ay opisyal na nilang gagamitin.

Pagsulong sa Bioethanol

Sa patuloy na pagdiskubre, pagpapahalaga, at pagpapalago ng produksyon ng bioethanol sa bansa, maaaring magkaroon ng alternatibo sa mataas na presyo ng gasolina na lubos na makakatulong sa mga mamamayan.

Isang malaking pagsubok ngayon sa papasok na administrasyon ang pagsagot sa mga hinaing na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis. Para sa mga katulad ni Delos Reyes at mga Pilipinong isang kahid, isang tuka, bawat patak ng langis ay mahalaga. Ang pagsulong ng bioethanol bilang alternatibo para sa LPG ay malaking kaginhawaan para sa kanilang pamumuhay.  

Kaakibat nito ay ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno para magkaroon ng mga programang makakatulong para sa mga magsasaka ng tubo gaya ng pagtatatag ng mga patakaran upang masigurado na naibibigay ang sapat na kasanayan at suportang pinansyal para sa kanila. Gayundin ay ang pagsangguni sa mga sektor na nagsusulong ng bioethanol upang masiguro na naitataguyod ang mas makamasang hangarin nito.