Ulat nina Rochelle Garcia, Rizza Ramoran, Aaron Sumampong, at Athena Tamayo
ITO ANG UNA SA DALAWANG BAHAGING ULAT
“Ngayon yung paikot ng business, sa ngayon po talaga ay hindi okay kasi dahil sa pandemic tapos nagkaroon pa ng problema sa estudyante, hindi pa nagkakaroon ng pasok. So nataas pa ang presyo ng LPG at singil sa gas. Mahirap talaga. Halos doble ang nakonsumo namin dahil sa pagtaas sa LPG,”
Yan ang sentimiento ni Kay Delos Reyes, may-ari ng isang tindahan ng proven sa Raymundo Street, sa sitwasyon ng kanilang negosyo ngayong COVID-19 pandemic.
Para sa mga katulad niyang engosyante, Liquid Petroleum Gas (LPG) ang isa sa pinakamahalagang kaakibat sa paghahanda at pagluluto ng kanilang paninda. Kaya naman mas naging mahirap para sa kanila ang kumita dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG sa gitna ng pandemya. Napilitan rin silang magtaas ng presyo ng mga paninda.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG, ang bioethanol ay napatunayan bilang isang posibleng alternatibo. Sa isang pagsusuri sa Kenya, nalaman na ang bioethanol ay maaaring maging isang sustainable na alternatibo para sa kahoy, kerosene, at uling para sa pagluluto ng pagkain.
Kasalukuyang magkatapat ang presyo ng LPG at bioethanol, ngunit ito ay dahil sa mataas na tax imports at mas mababang demand. Ayon din sa pag-aaral na ito, kapag ang bioethanol ay napatunayang isang posibleng panggatong sa pagluluto at tumaas din ang demand dito, ito ay magiging isang accessible clean fuel option.
Dahil sa napatunayan ang mabuting dulot ng bioethanol na mula sa mga pag-aaral, ang Pilipinas ay nagkaroon ng pag-aaral nito upang bigyang pansin ang bioethanol industry at palakasin ang pananaliksik at pagsisiyasat ukol dito. Sa kasulukuyan, isa sa mga nagsusulong ng pag-aaral ukol sa sosyo-ekonomikal at pangkalikasang epekto ng bioethanol ay sina Dr. Rex B Demafelis at ang kanyang mga kasamahang siyentista mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Isa sa mga pag-aaral nila ukol dito ay nailimbag sa Journal of Environmental Science and Management (JESAM) noong 2020.
Bago pa magpandemya ay patok na sa mga taga Barangay Batong Malake ang tindang proven nina Delos Reyes. Mapabata man, matanda, binata’t dalaga- lahat ay masisilayang nagtitipon sa puwesto nila mula tanghali hanggang gabi upang malasap ang kanilang produkto.
Bukod sa masarap, sulit na sulit din ito sa halagang P20-40 lalo na sa mga estudyante ng UPLB. Ngunit, tila nag-iba rin ang takbo ng kanilang negosyo simula noong tinamaan ang bansa ng pandemya.
“Yung pagtaas ng LPG sa’min sobrang laki ng epekto kasi syempre ang gasul sa amin, tumatagal lang [ng] one and half days lang. Ngayon matumal, mas syempre, yung nakukonsumo mo sa LPG, hindi na maibabalik kinabukasan kasi nagamit mo na eh, panibagong bayad mo na ulit,” sabi ni Delos Reyes.
Kung dati ay napagkakasya ang badyet para sa mga rekado, ngayon ay panibagong problema ang dala ng pagtaas ng gas. Kinakailangan nilang gumastos ng higit pa para magpatuloy ang kanilang pagluluto.
Bukod dito, aminado sila na karamihan ay napipilitang magtaas ng presyo upang maitaguyod ang kanilang mga negosyo. Dahil dito, karagdagang suliranin ang pagpapanatili ng kanilang mga parokyano.
Ang bioethanol ay isang uri ng langis na ginagawa sa pamamagitan ng pagbuburo ng mga hilaw na materyales o feedstocks katulad ng tubo (sugarcane) at arniba (molasses). Ito ang dalawang biofuel feedstocks na may pinakamalaking produksyon sa bansa.
Ang bioethanol din ay itinuturing na alternatibo para sa mga langis na gawa sa fossil fuel kagaya ng LPG dahil ito ay murang likhain at ligtas sa kalikasan. Kaya naman ito ay kilala bilang alternatibong pinaggkukunan ng enerhiya (alternative energy source o alternative energy o renewable energy).
Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: AlternaTUBO: Ang Potensyal ng Bioethanol