Ulat nina Alie Peter Neil Galeon, Aaron Paul Landicho, at Marella Angelica Victoria Saldonido
UNA SA DALAWANG BAHAGING ULAT
“Paminsan-minsan [may] mga tao na nagtatapon ng mga tirang pagkain o yung manggagaling sa banyo… hindi naman sa poso negro [dahil] lahat [kami] meron. Yung pinaglabahan, pinaghugasan ng plato, lahat yan pumupunta [sa lawa]. Ang iba naman yung mga tirang pagkain ibinubuhos na lang diyan. Nabubulok sila, nahalo sa tubig. Sa tinagal-tagal ng panahon ay baka ang dami na. Ang dami na naging sanhi ng tubig na dating malinis na malinis, puting-puti, dumudumi na.”
Ganyan kung ilarawan ng mangingisdang si Ka Mando ang kondisyong ng Lawa ng Sampaloc sa bayan ng San Pablo na binabantayan ngayon ng mga mananaliksik. Isa na rito ay ang grupo nina Dr. Vachel Gay Paller mula sa UP Los Baños (UPLB) na nagsagawa ng pag-aaral na nailimbag sa Philippine Science Letters noong 2021.
Ang paglalarawan ni Ka Mando sa Lawa at ang pag-aaral nina Dr. Paller ay tugma.
Polusyon sa lawa
Mag-aalas kwatro na ng hapon nang matapos si Ka Mando sa kanyang misyon para sa araw ng Martes. Sakay ng kanyang makitid na balsa, marahan niyang sinagwan ang kanyang sarili pabalik sa tabing-lawa na halos 10 metro ang layo mula sa kanyang fish cages. Mula sa kanyang pinagdaungan, kinakailangan pang maglakad ni Ka Mando ng halos isang kilometro pabalik sa kanyang tahanan. Ganito na kasi ang sitwasyon niya at ng iba pang mga mangingisda sa lugar nila magmula nang ipag-utos ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) noong 2017 ang paglipat at paglimita sa mga aquaculture activities sa hilaga at silangang bahagi lamang ng Sampaloc Lake.
Sa kasalukuyan, nabibilang lang sa kamay ang dami ng isdang laman ng kanyang. “Pero kung marami akong [nahuhuling] isda, dalawang timba ito,” dagdag niya.
Alas otso palang ng umaga ay nagsisimula na ang araw ni Ka Mando. Para sa isang 60 taong gulang na mangingisdang tulad niya, siya ay may taglay pang lakas upang maglakad nang malayo at mag-alaga ng kanyang mga isdang tilapia.
Umaga’t hapon, walang palya sa pagpapakain at pag-aalaga ng kanyang mga isda si Ka Mando. Gamit ang mga pakain sa isda na libreng ipinamamahagi ng pamahalaan, si Ka Mando ay tinitiyak na mapapalaki niya ang kanyang mga tilapia nang sa gayon ay maaari na itong mahango at mapakinabangan sa susunod na apat na buwan. Ang problema, aniya, ay ang kapansin-pansin na papaunting huli ng isda mula nitong mga nagdaang taon.
“Noong una, talagang masustansya pa ang tubig namin. Maraming isda. Maraming nahuhuli. Grabe. Mas maganda noon. Mas maganda ang kita kahit maliit pa ang presyo ng mga isda, ng mga bilihin. Sa ngayon naman, marami [na] sigurong tao. Marami sigurong mangingisda. Kakaunti na ang nahuhuli namin, “ ani Ka Mando.
Sa loob ng nakalipas na anim na dekadang kanyang nasaksihan, mulat na si Ka Mando sa malawakang pagbabagong naranasan ng lawa. Kung noon, kakaunti pa lamang ang bilang ng mga naninirahan sa paligid ng lawa dulot ng malalayong agwat sa pagitan ng bawat bahay, ngayon, kapansin-pansin ang paglobo ng kanilang populasyon dahil na rin halos magkakadikit na ang mga kabahayan sa lugar. Isa ito sa mga nakikitang dahilan ng mga lokal at mga eksperto sa patuloy na paglala ng sitwasyon sa lawa.
Banta sa integridad ng 7 lawa
Ang pag-aaral na isinagawa nila Paller ay isang meta-analysis. Nilikom nila ang iba’t-ibang mga pag-aaral na nagawa ukol sa pitong lawa ng San Pablo mula sa mga dekalidad na journals mula 1990 hanggang 2020. Sinuri nila ang pagkakahaligi ng mga resulta nito at naghain ng rekomendasyon.
Ayon sa pagsusuri nila, bagaman wasto at kinakailangan ang kasalukuyang ginagawang pagsubaybay sa kalidad ng tubig ng lawa ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), kinakailangan din ang paggamit ng isang ecosystem approach kung saan isinasaalang-alang ang bawat proseso, gampanin, at interaksyon ng mga organismong naninirahan, bumubuo at gumagamit sa lawa, kabilang na ang mga tao sa paligid nito. Nangangahulugan ito na ang bawat aktibidad ng mga tao, maging ang proseso ng paninirahan at pagpaparami ng mga isda sa lawa, ay kinakailangang tutukan upang malaman kung ano ang pinaka-akmang hakbang ang maaaring ilunsad upang higit na mapabuti ang kalidad ng tubig sa lawa.
Ayon din sa pag-aaral nila Paller, kumpirmadong may indikasyon ng pagkasira sa mga lawa ng Bunot, Calibato, Mohicap, Palakpakin, Pandin, Sampaloc, at Yambo. Ito ay dulot ng patuloy na pagtaas ng mga aktibidad na agrikultural at domestiko residential land use ng mga naninirahan sa malapit sa mga lawa.
“Yung observation ni tatay na nanggagaling sa mga domestic waste, tama yon, lalo na yung mga human habitations located along the lakes. These are potential sources of pollution. Kasama na yung mga chemicals na dala-dala nung mga domestic waste that could lead to potential health impacts doon sa mga neighboring residential areas and also to the health of the lake and the organisms residing in the lakes,” paliwanag ni Paller.
Basahin ang pangalawang bahagi ng ulat na ito: PAMANA KAY KA MANDO: Kapaligiran at Pampublikong Kalusugan