Ulat nina Alie Peter Neil Galeon, Aaron Paul Landicho, at Marella Angelica Victoria Saldonido
PANGHULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT
BASAHIN ANG UNANG BAHAGI NG ULAT
Ang dumi ng tao at maging ng mga alagang hayop ay ang pinagmumulan din ng mga parasidyo ng tubig na nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng pagtatae. Ayon kay Dr. Vachel Gay Paller, siyentista mula sa UP Los Baños, ang mga mikrobyo na ito ay isang seryosong banta sa kalusugan ng tao na maaaring magdulot ng kamatayan sa mga indibidwal na mahihina ang resistensya.
Sa kabila nito, iginiit ni Ka Mando na kailanman ay wala pang naiuulat na kaso nang nagkasakit o namatay dahil sa pagkakaroon ng direktang kontak o anumang aktibidad sa lawa. Kahit ang iilang mga kabataang pa minsan-minsan ay naliligo pa rin sa mismong lawa ay hindi tinamaan ng anumang seryosong sakit maliban sa sipon, ubo, o lagnat na karaniwan namang nararanasan ng lahat.
Ayon naman kay Paller, maaaring hindi mataas ang bilang ng kaso ng diarrhea sa lugar dahil kadalasan sa mga nakararanas nito ay hindi na iniuulat o kaya’y hindi na nabibigyan ng tamang pagsusuri at diagnosis. Dulot na rin ng pagiging self-limiting o kapasidad ng katawan ng isang tao na malabanan ang paglala ng diarrhea, may mga pagkakataong ipinagsasawalang-bahala na lamang ito ng mga tao.
Dagdag pa niya, dahil sa mga bagay na ito kaya higit na mahalaga ang pag-aaral sa mga emerging waterborne pathogens. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga ito, hindi lamang higit na mapapalawak ang siyentipikong kaalaman ng akademya kundi maaari ring higit na mapalawig ang kamalayan at kaalaman ng mga tao ukol sa mga sakit na maaaring maidulot ng mga ito.
Bagaman sa ngayon ay wala pang malinaw na manipestasyon ang panganib na dala ng mga parasidyo at mikrobiyo, natitiyak naman ng mga eksperto na ang kasalukuyang kontaminasyon ng tubig-lawa ay may kaakibat na epekto hindi lamang sa kalusugan, kundi maging sa kabuhayan ng mga tao.
Maliban sa pagdaloy ng tubi na kontaminado ng dumi, napag-alaman din ng mga mananaliksik na ang patuloy na paggamit ng artificial fish feeds ay may kontribusyon sa polusyon ng lawa dulot ng taglay nitong mga kemikal na nakakaapekto sa kalidad ng tubig at sa kalusugan ng mga isdang kumakain nito. Dito lumalabas ang tinatawag nilang endocrine disruptors na nakakaapekto sa pagpaparami ng mga tilapia.
Ayon kay Paller, ang endocrine disruptors, na posible ring dala ng mga dumi ng tao at hayop, ay tumutukoy sa mga chemical agents na mayroong epekto sa reproductive physiology ng mga isda. Ibig sabihin, maaaring hindi na makapagparami ang mga isda o ‘di kaya naman ay nagkakaroon ng tinatawag na feminization sa mga isdang nakakain sa naturang pollutants.
“Nung nagkaroon ng artificial feeds, …mabilis ngang lumaki [ang mga isda], ang tubig ay parang… nagkakadumi na. Parang nasisira na ang tubig. Parang nawawala na ang sustansya ng tubig… Kaya ang ilalim ng tubig namin dyan pagka hinango, yung may mga nag-e-experiment ng tubig hanggang sa ilalim kinukuha, ang baho parang kanal,” kwento ni Ka Mando.
Talo sa merkado
Sa gitna ng mga suliraning ito, aminado si Ka Mando na lubhang apektado ang kanilang hanapbuhay ngayon. Kung ikukumpara kasi noon, humigit kumulang isang toneladang isda ang inaangkat ng mga namamakyaw na tindera sa mga palengke. Ngunit sa pagpasok ng mga kakompetensyang mangingisda mula sa Batangas, mapapansin ang paghina ng kanilang kita kung saan hindi bababa sa isang daang kilo na lamang ang binibili mula sa kanila.
“Talo kami ng Taal, Batangas. Likas na mas maganda ang tubig sa Taal lake… Marami silang isda at maganda pa ang kalidad ng tubig at isda nila,” ani Ka Mando, na bakas ang lungkot sa mukha habang inaalala ang mga kasamahang unti-unti nang umaayaw dahil sa pagkalugi sa pangingisda.
Paalala ni Paller, hindi lamang ang paggamit ng fish feeds ang kailangang tingnan sa pagbaba ng bilang ng mga tilapia na nahuhuli sa lawa.
“It’s an interplay of the biodiversity of the lake, interaction with other organisms, the effect of the pollutants that may have an effect on the growth of the fish that may also have an effect on the reproductive capacity of the fish that are there, and unregulated fishing,” paliwanag niya.
Sa kabila ng mga polisiyang nangangasiwa sa akmang dami ng fish cages sa lawa, may iilan pa rin ‘di umanong nakakalusot dito. Bilang resulta, hindi na rin nakokontrol ang dami ng hinuhuling isda. Dagdag ni Paller, nagiging daan din ito para sa pag-usbong ng mga tinatawag na invasive species — o mga uri ng hayop na hindi likas sa lawa. Ang warmouth fish (Lepomis gulosis) o ang tinatawag ng mga lokal na ‘dugong’ ay isa sa mga pangunahing kumakain ng mga maliliit na tilapia at mga hipon sa lawa.
Hamon ng bukas
“Parang nangangamba na rin ako baka masira na ang aming tubig, parang pasira ng pasira eh. Baka balang araw hindi na magamit yan. Baka hindi na lumaki ang isda. Ayan ang pinapangambahan namin,” kwento ni Ka Mando habang isinasalaysay ang mga hangarin para sa lawa.
Bilang isang aktibong boluntir ng Bantay Lawa, si Ka Mando ay naniniwalang isang malaking hamon ang kasalukuyang sitwasyon ng lawa ng Sampaloc. Gayunpaman, hindi siya nawawalan ng pag-asa na bubuti pa ang kondisyon ng lawa sa susunod na mga taon. Kaya sa abot ng kanyang makakaya, pinag-iigihan niya ang kanyang tungkuling maglinis at magpatrol sa mga aktibidad sa lugar bilang tulong sa mga inisyatibong nakatuon sa konserbasyon at proteksyon ng lawa.
Sa ngayon, isa lang ang kanyang panawagan sa gobyerno: magtayo ng kanal sa paligid ng lawa. Sa pamamagitan kasi nito, masisigurado umano na hindi na hahalo sa tubig-lawa ang anumang dumi na magmumula sa mga kabahayang nakapaligid sa lawa. “Ayun sana ang pwedeng mangyari para mas humaba pa ang buhay ng sustansya ng tubig sa lawa. Wala nang hahalo,” tugon niya.
Para sa mangingisdang tulad niya na ipinanganak at tumanda na sa lugar, mahalagang mapahaba pa ang buhay ng lawa ng Sampaloc. Bukod kasi sa pagiging isang likas na yaman, ang lawa ng Sampaloc ang kanyang naging tahanan na nagsilbing saksi sa
lahat ng kanyang mga pagsisikap at mga pagbabagong napagdaanan sa loob ng 60 taon.
Higit lalo, ito ang natatanging pamanang iniwan ng kanyang mga magulang na minsan nang naging lingkod ng lawa.
Kaya ang panawagan ng mga mangingisdang katulad ni Ka Mando na hindi dapat ipinagwawalang-bahala lamang, bagkus ay nararapat ingatan at pagyamanin para sa mga susunod na henerasyong patuloy na aasa pa sa biyayang dala ng lawa.