Hinihikayat ng Laguna Human Milk Bank (Laguna HMB) ang mga nagpapasusong ina o breastfeeding mothers na mag-donate ng kanilang gatas o breastmilk sa gaganaping Human Milk Donation Drive bukas, Pebrero 2, 2023, Huwebes, simula 8AM hanggang 5PM sa Munisipyo ng Los Baños, Laguna. Isasagawa ang donation drive upang masiguro ang supply ng donor human milk (DHM) kung magkaroon man ng emergency, kalamidad, o sakuna.
“We are hoping that through this (Human Milk Donation Drive), we can strengthen our community’s efforts to protect, promote, and support breastfeeding,” ayon sa LATCH Los Baños.
Ang donation drive ay pinangungunahan ng LATCH Los Baños, Los Baños Municipal Nutrition Action Office, Municipal Health Office, at Office of Gender and Development. Kabilang sa community action partners ang Los Baños Breastfeeding Support Group, Provincial Government of Laguna, University of the Philippines Los Baños, Philippine Business for Social Progress, SEAMEO SEARCA, Rotary Club of Los Baños Makiling, Kalinga sa Nilikha, Breastfeeding Care Center of the North, Art Relief Mobile Kitchen, Cordillera Sakura Lions Club, at Binhi Plant Tissue Culture Laboratory.
Paano magdonate ng breastmilk?
Ayon sa LATCH Los Baños, maaaring magpalista bilang donor ang mga nagpapasusong ina sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Magpalista sa Barangay Nutrition Scholar, Los Baños Municipal Nutrition Action Office
- Magpa-screen sa Los Baños Municipal Health Office
- Makipag-ugnayan sa barangay peer leader ng Los Baños Breastfeeding Support Group
- Mag-sign up sa online form: linktr.ee/LATCHLosBanos
Maaaring magtungo ang donor sa Activity Area ng Munisipyo ng Los Baños upang mag-express ng gatas na idodonate. Kung ang breastfeeding mother ay may sobrang breastmilk sa kanilang freezer o refrigerator na hindi na magagamit ng kanilang sanggol, maaari din nilang idonate ang sobrang gatas sa Laguna HMB.
Sinong maaaring magdonate ng breastmilk?
Ito ang mga requirements para sa mga inang nais magdonate ng kanilang gatas:
- Malusog na nagpapasusong ina
- Walang HIV, hepatitis, o syphilis
- Hindi nasalinan ng dugo o kahit anung produktong mula sa dugo sa nakaraang 12 buwan
- Hindi nakainom ng alak sa nakaraang 24 oras bago mag-express ng gatas
- Hindi nagpalagay ng tattoo, naturukan ng karayom nang hindi sinasadya, o nadikit sa dugo ng ibang tao sa nakaraang 12 buwan
- Hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot
- Hindi naninigarilyo
Tungkol sa Laguna Human Milk Bank
Ang Laguna Human Milk Bank ay isang Community-Engaged Milk Bank na pormal na inilunsad noong Disyembre 2022 sa pagtutulungan ng LATCH Los Baños, UP Los Baños, at Provincial Government of Laguna.
Ang pasilidad ng Laguna HMB ay nakapaloob sa Food Science and Technology-College of Agriculture and Food Science Building, sa UP Los Baños Campus. Isinasagawa dito ang collection, pasteurization at storage ng donated human milk na maaaring ibigay sa mga sanggol na may sakit at nangangailangan ng breastmilk sa Laguna at mga karatig na lugar. Layunin din ng Laguna HMB na gabayan ang mga nanay ng sanggol na makakatanggap ng gatas, upang sila ay makapagpasuso ng tama, sapat at eksklusibo.
Mga benepisyo ng breastfeeding
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang gatas ng ina o breastmilk ay ang pinakamainam na pagkain para sa mga sanggol dahil ito ay ligtas, malinis, at may taglay na antibodies na nakakatulong laban sa maraming uri ng sakit ng bata. Ang breastmilk ay nagbibigay ng lahat ng sustansya na kailangan ng isang sanggol. Dagdag ng WHO, ang mga batang napasuso noong sila ay sanggol ay mas nakakakuha ng mataas na marka sa intelligence tests, mas madalang maging overweight, at mas nakakaiwas sa diabetes kahit sila ay malaki na. Ang mga inang nagpasuso ay mas nakakaiwas din sa breast at ovarian cancers.