Jeepney strike, ikinasa sa Los Baños

Ulat ni Karen Bombase 

Kuha ni Seth Gayahan. Makikita ang apat na binatilyong nag-aabang ng jeep sa kahabaan ng National Highway, Los Baños ngayong ikalawang araw ng jeepney strike.

Nakilahok ang kalakhan ng mga jeepney sa Los Baños sa isinasagawang national transport strike, ayon sa isang alyansa ng mga tsuper.

Isinaad ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), tinatayang nasa 80% ng mga jeepney sa mga pangunahing ruta sa Timog Katagalugan ang lumahok sa unang araw ng tigil-pasada kahapon, ika-6 ng Marso.

Ang transport strike ay isinasagawa bilang pagtutol ng mga tsuper sa pagpapatibay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) sa Memorandum Circular 2023-013, o ang phase out ng mga tradisyonal na jeep sa bansa. 

Bilang tugon dito ay naglunsad ng programang Libreng Sakay ang pamahalaang bayan ng Los Baños na iikot sa piling mga ruta, mula ika-6 hanggang ika-12 ng Marso mula 6:00 AM hanggang 9:00 PM. Pawang balikan ang tatlong rutang ito at nasa 10 – 15 minuto ang pagitan ng pag-alis ng bawat sasakyan sa bawat pick-up at drop-off points.

Ang mga nasabing ruta ng Libreng Sakay ay mula Lalakay Boundary hanggang Maahas Boundary National Highway, Old Caltex Station malapit sa Olivarez hanggang UPLB Lopez Ave., at Bayan Poblacion hanggang UPLB. 

May nakatalagang apat na L300-FB ng munisipyo, walong tricycle, lima hanggang pitong barangay vehicle, isang PNP vehicle, dalawang Army trucks, isang elf truck mula sa 4th Regional Community Defense Group (4RCDG), at iba pang mga sasakyan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng Los Baños.

Kaugnay nito, naglabas ng anunsyo ang pamahalaang bayan ng Los Baños sa pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan ngayong linggo. Payo ng pamunuan ay magpatupad muna ng alternative learning modalities, gaya ng modular at online classes.