ALON NG BUHAY: Pag-ahon sa Kalamidad

Ulat nina Cedric Gotera at Giana Ramos

TULOY ANG AGOS NG BUHAY. Matapos masalanta ng mga bagyo, ang mga miyembro ng FARMC Brgy. Malinta ay kinukumpuni ang kanilang bangkang gamit pangkabuhayan sa pamamagitan ng paglalagay ng fibreglass at pagpipintura.

PANGHULI SA DALAWANG BAHAGING ULAT
BASAHIN ANG UNANG ULAT

“Ang mga FARMC parang mga bayani ‘yan…,” pahayag ni Emiliana Casbadillio, ang OIC Chief ng Provincial Fisheries Office (PFO) ng Laguna, bilang saloobin sa mga hamong kinakaharap ng mga mangingisda ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) sa Barangay Malinta. 

Ang mga FARMC na ito ay binuo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) bilang bahagi ng Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998. Ang mga ito ay nanggaling sa mga people’s organizations (POs).

Ang BFAR ay ang nangangasiwa sa mga programa at proyektong may kinalaman sa pangangalaga sa Lawa ng Laguna, kabilang na rito ay ang mga nais ibahaging proyekto ng FARMC-Malinta at mga Local Government Units (LGU). 

Ayon kay Casbadillio, ang FARMC Brgy. Malinta ay isa sa pinaka-aktibong konsehong hinahawakan nila kahit bago pa man ang pandemya. Palagi nilang sinisikapan ang pagdalo sa buwanang pagpupulong nila, at doon nila ipinapahayag ang kanilang mga pangangailangan. 

Subalit, sa kabila ng pagsisikap na ito, walang tigil ang mga problemang kinakaharap nila, gaya na lamang ng mahigit dalawang taong pandemya, iilang mga bagyo, at kakulangan sa suporta at pondo mula sa kani-kanilang LGU upang maisagawa ang kanilang mga proyekto. 

SUPORTA AT TULONG: Ibinihagi nina Emiliana Casbadillo (nasa kaliwa), BFAR OIC Chief-PFO Laguna at Albert Sacabon (nasa kanan) BFAR Fishery Regulation Officer ng BFAR Los Baños, Laguna Region IV-A ang sitwasyon ng mga mangingisda at miyembro ng mga FARMC ng buong minisipalidad ng Los Baños.

Ayon sa BFAR, patuloy ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lawa ng FARMC-Malinta kahit noong nagsimula na ang pandemya. Subalit, ang tanging naging hadlang ay ang pagbagal sa pagkakakitaan nila para sa kanilang mga huli. 

Kaya sa kalagitnaan ng pandemya, ilan sa mga pinakamalaking programang ipinantulong ng BFAR sa mga mangingisda ay ang Food at Fuel Subsidy

Humigit-kumulang 17,000 na mangingisdang nakarehistro sa ‘Fish Registration’ ang nabigyan ng 3,000 pesos para sa pagkain, isang sakong bigas, dalawang tray ng itlog, at tatlong kilong manok. Binigyan naman ang mga mangingisdang ipinarehistro ang kanilang bangka sa ‘Boat Registration’ ng P3,000 para sa langis. 

Ipinagpatuloy din ang ilan sa mga matagal nang programa katulad ng ‘Bangka ko Gawa ko’, libreng mga fingerlings, libreng mga training, pag-aayos ng mga bangka, at iskolarship para sa mga anak ng mga mangingisda. Itong mga programa ay ipinagsasa-alang-alang din tuwing bagyo at sa mga nasirang bangka dulot dito. 

Kaugnay sa mga programang isinagawa noong pandemya at bagyo ay ang mga proyektong iminungkahi ng FARMC. Ibinahagi nila ang problemang patungkol sa kakulangan sa pondo na nagdulot sa kakulangan sa mga proyekto.

Sitwasyon buhat ng kakulangan sa proyekto

Kuwento naman ni Albert Sacabon, Fishery Regulation Officer ng BFAR, ang kadalasang nangyayari katulad sa mga proyekto ng FARMC-Malinta ay sinimulan, ngunit hindi na ipinagpatuloy dahil na rin sa kakulangan sa pondo o paglipat ng pondo sa iba pang proyekto. 

Ipinaliwanag ng lokal na BFAR na ang sakop ng FARMC ay napakalawak dahil inaasikaso pa dito ang samahan ng mga mangingisda sa barangay, munisipal, probinsya, lakewide, at nasyonal na lebel. 

Ibinahagi niya na hindi naman kayang bigyan ng gobyerno ang lahat dahil may limitasyon din ang pondo, at doon nag-uugat ang karamihan sa mga problemang hinaharap ng FARMC ngayon.

Kinikilala rin ng BFAR ang kakulangan pagdating sa suportang napupunta sa FARMC galing sa kanilang sari-sariling LGU na maaring dahilan sa hindi paglago ng FARMC sa kanilang mga proyekto.  

Subalit, mayroon din namang pakikipagtulungang nagaganap dulot ng koneksyon sa iba pang mga ahensya para sa pondo at kabuhayan ng FARMC.

“Siguro ito na ang tamang panahon at tamang paraan para higit na masuportahan ng LGU [ang FARMC] dahil nasa kanila na ang mga function [ng BFAR]. Mas higit nilang ibibigay ng importansya ang mga mangingisda”, ani Casbadillo kaugnay sa saglit na pagbabahagi patungkol sa Mandanas-Garcia ruling para sa mga proyekto.

FARMC bilang mga bayani

Nang ipaliwanag ang saloobin sa pagiging bayani ng mga konseho ng mga mangingisdang ito, “…wala naman silang sweldo, maliban sa pondong ibinibigay umano ng munisipyo karamihan sa mga mangingisdang ito ay wala [nang sweldo], kaya kadalasan nasa sariling bulsa nila [kinukuha]”, dagdag pa ni Casbadillo. 

Ibang mga miyembro ng FARMC Brgy.  Malinta.

Idinagdag din niya na masasabing maganda ang mga programang ipinapatupad ng BFAR upang bigyan ang mga mangingisda ng oportunidad para kumita, hindi lamang sa panghuhuli pero sa pagnenegosyo rin.

Binigyang diin naman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng posisyon para sa boses ng mga mangingisda, “Kung tutuusin, makapangyarihan talaga ang FARMC kung isasabuhay at mayroon namang malakas na suporta galing sa LGU,” ipinahayag ni Casbadillo. 

Kaya tanging pinapahalagahan ng BFAR ang relasyon sa pagitan ng isa’t isa para sa FARMC. Ipinaliwanag ang kahalagahan ng “bottom-up” approach o ang pagsisimula sa ibaba patungo sa mga nakakataas para sa maayos na pagplaplano at pagoorganisa ng mga proyekto. 

Iginiit din ng FARMC-Malinta ang “bottom-up” approach na ito na sana galing mismo sa mga LGU upang sana’y makita at maparingan ang kanilang mga sitwasyon sa pangingisda. Sa ganoon ay mas mapapalakas ang kabuuhang kondisyon ng FARMC.

Sa kabila ng mga hadlang na pinagdadaanan ng FARMC-Malinta, ibinahagi ni Tatay Fidel na ang tanging suporta o pondong hinihingi ng FARMC ay ang mga kagamitang ipinagako sa kanila ng iilang taon na sana ay mabigyan sila ng mas mabilis na aksyon lalo na sa panahon ng problema. 

Inaasahan nila na dumayo ang mga opisyal ng LGU sa kanilang mga tahanan upang tasahin ang kalagayan ng mga mangingisda. 

“Kung mapapanood nila ‘to, kahit minsan bumaba sila rito. Sila na mismo ang makakakita kung anong sitwasyon mayroon ang mga mangingisda rito,” bigkas ni Jianoran. Ito ay upang maging sapat ang tulong at mapabuti pa ang hanapbuhay ng mga mangingisda.