ALON NG BUHAY: Pandemya at Kalamidad, Suliranin ng mga Mangingisda

Ulat nina Gilliane Del Rosario at Gerald Pesigan

SA GITNA NG KALAMIDAD: Inikot ng grupo nina Fidel Bienes ang mga pinadapang fish cages
sa laot ng Laguna de Bay ng mga mangingisda ng FARMC Brgy. Malinta ng mga nagdaang bagyo. (Gerald Pesigan/LB Times)

UNA SA DALAWANG BAHAGING ULAT

“Hindi lang naman pandemic ang kalaban namin kundi mga bagyo rin,” pahayag ni  Fidel Bienes, 57, ang kasalukuyang tagapangulo ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) ng Barangay Malinta, ukol sa sitwasyon ngayon ng mga mangingisda.

Maraming sektor sa komunidad na may mahalagang gampanin ang naapektuhan ng pandemya, kasama na ang mga mangingisda na nagbibigay ng pagkain sa hapagkainan ng mga Pilipino. Ngunit maliban sa pandemya ay ang mga bagyo ang isa pa sa mga nagpapasakit sa ulo ng mga mangingisda.

Kaya naman napakahalaga ang suporta ng lokal na pamahalaan upang itaguyod ang kabuhayan ng mga mangingisda at tiyakin na sila ay patuloy na nakakatindig sa sarili nilang dalawang paa.

Bagaman may mga suporta at ayundang ibinibigay ang LGU ng Los Baños, sa tingin ng FARMC ng Barangay Malinta ay kailangan pang mabigyan ng karagdagang suporta ang sektor nila upang sila ay makaahon sa epekto ng pandemya at mga kalamidad sa kanilang kabuhayan.

Ang  Fisheries and Aquatic Resource Management Councils o FARMC ay itinatag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong 2008 bilang bahagi ng Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998. Itinatag dito ang dalawang antas ng konseho, ang nasyonal (NFARMC) at munisipal o lungsod (M/CFARMC).  

Nilikha ito para sa partisipasyon ng iba’t ibang mga lokal na kooperatiba ng mga mangingisda upang tumulong sa pangangalaga ng mga malalapit na anyong tubig sa kanilang lokalidad, sa pamamagitan ng mga proyektong pangingisda. 

Ang pangingisda ay naging mahalagang pinagmumulan ng kabuhayan ng mga Pilipino. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang isda ay ang pangalawang pangunahing pagkain ng bansa kasunod ng bigas. Idinagdag nila na ang Pilipinas ay ika-7 sa mga nangungunang bansang gumagawa ng isda sa mundo noong 2012. Gayunpaman, mula noong 2010, ang kontribusyon nito sa ekonomiya ay bumababa.

Base sa kanilang report noong 1998, ang sektor ng pangisdaan ay nag-ambag ng 2.8% sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP). Ito ay bumaba sa 1.8% noong 2014 at muling bumaba sa 1.5% noong 2020 ayon sa BFAR. 

Bahagi ng pag baba ng kontribusyon ng sektor ng pangisdaan sa GDP ay ang COVID-19 pandemic bukod sa overfishing, ani Jon G. Joico, pangulo ng Philippine Tilapia Stakeholders Association sa kanyang panayam kasama ang Business World noong 2021. 

Idinagdag ni Renato B. Bocaya, assistant vice president ng sales mula sa Finfish Hatcheries, Inc., na maraming mga cage operator sa buong bansa ang nakaranas ng problema sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Hindi rin nakatulong na bumaba ang kapasidad ng pagbili ng mga Pilipinong mamimili noong pandemya. 

Upang maging parte ng konseho, ang mga mangingisda ay kinakailangang magparehistro sa Department of Agriculture (DA) kung saan mayroong tinatawag na ‘Fish Registration’. Ayon kay Emiliana Casbadillo, ang Officer in Charge Chief ng BFAR, ang mga nagparehistro ay itinuturing na mga aktibong miyembro na mangingisda ngunit mayroon ding mga higit-kumulang na 400 na mangingisda na hindi pa nakapag parehistro.

Mayroong iba’t ibang tungkulin ang FARMC ayon sa BFAR: tumulong sa paghahanda ng Municipal Fishery Development Plan at isumite ang plano sa Municipal Development Council; mag rekomenda ng pagsasabatas ng mga ordinansa sa pangisdaan ng munisipyo sa mga Konseho ng Bayan sa pamamagitan ng kanilang Committee on Fisheries; tumulong sa pagpapatupad ng mga batas, tuntunin at regulasyon sa pangisdaan sa mga tubig sa munisipyo; payuhan ang Konseho ng Bayan sa mga usapin ng pangisdaan sa pamamagitan ng Komite nito sa Pangisdaan; magsagawa ng iba pang mga tungkulin na maaaring italaga ng Konseho ng Bayan.

Ang FARMC, bilang isang konseho, ay mayroong karapatan na magrekomenda ng mga polisiya at plano para sa pangangalaga ng mga anyong tubig na malapit sa kanila, tulad ng Laguna de Bay. Ito ay maaaring maisama sa Local Development Plan at sa mga proyektong pangingisda o panlawa na isinasagawa ng Local Government Units (LGU), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba pang mga ahensya. 

INTRODUKSYON NG FARMC. Ayon kay Fidel Bienes, ang FARMC ay sang konseho o
samahan ng mga mangingisda ng Los Baños, Laguna na binubuo ng humigit-kumulang na
1,000 na miyembro mula sa iba’t ibang barangay. (Litrato ni Gilliane Del Rosario)

Pandemya at Kalamidad

Ang mga mangingisda sa Barangay Malinta ay lubos na tinamaan noong 2019 hanggang 2021 dahil sa pandemya at mga kalamidad. Sa dalawang taon na ito, patuloy pa rin ang kanilang pangingisda upang bigyan ang mga tao ng access sa pagkain ngunit hindi sapat ang kanilang kita dahil wala sila masyadong mabentahan ng pagkaing-dagat gawa ng lockdown. 

“Ang problema, marketing tapos nagkalasang liya. Marami kaming nahuhuli, isang daang kilo pero hindi naman mabili,” ani Tatay Fidel.

Idinagdag din ni Belinda Bienes, asawa ni Tatay Fidel, na bago natamaan ang bansa ng COVID-19, ay nakakadayo pa siya sa Maynila at iba pang lungsod upang magbenta ng isda. Ngunit hindi na niya ito ginagawa ngayon mula nang ipinatupad ang lockdown noong 2020. 

Hindi lamang kulang sa benta ang naging hadlang ng mga mangingisda noong pandemya, kung hindi mga malalakas na bagyo rin tulad ng mga nagdaang bagyong “Karding” at “Paeng” noong Setyembre at Oktubre hanggang Nobyembre 2022. 

Ibang mga miyembro ng FARMC Malinta.

Ayon kay Tatay Fidel, tuwing bumabagyo ay nadadali ang kanilang mga bangka at nasisira ang mga fish cages. 

“Ano pa ang maaasahan natin, edi sira lahat. Back to zero, mag-uumpisa na ulit,” ibinahagi rin ng isang miyembro ng FARMC-Malinta na si Reynaldo Jianoran. 

Isang malaking usapin pa rin ang pondo sa pagbangon ng mga mangingisda tuwing may sakuna. Kailangan ng pondo ng mga mangingisda upang muling mapagawa ang kanilang mga nasirang fish cages at mga bangka.

Ang pondong hinihingi nila ay ang mga kagamitan, na kadalasang kulang-kulang, para palakasin ang bantay lawa at suportahan ang paglilinis nito. Hinihingi rin ang suporta para sa alternatibong kabuhayan tuwing pagsapit ng amihan season at kalamidad

Sa ngayon at unti-unti nang lumuluwag ang mga restrictions dulot ng pandemiya, namumulaklak na muli ang hanapbuhay ng mga mangingisda at gumaganda na rin ang kanilang kita dahil nakakaabot na muli sila sa malalayong lugar upang mabenta ang kanilang naaning isda. 

Mga kasalukuyang balakid at muling pagbangon 

Ang pinakamabigat na hadlang na pinagdadaanan ng FARMC-Malinta kahit bago pa ang pandemya ay ang kakulangan ng suporta ng LGU. 

Ayon kay Tatay Fidel ay minsan kulang ang materyales at labor na ibinibigay sa kanila. Ang mga mangingisda ay walang magawa kung hindi ibenta ang mga ito upang mayroon silang makuhang perang pang kain para sa kanilang mga pamilya. 

Naapektuhan din nito ang mga programa at proyekto na rekomenda ng FARMC tulad ng “Linis-Ilog Program” at ang “Fish Garden Project” na hindi na natuloy dahil sa kulang na pondo. 

Bukod dito, mayroon silang kasalukuyang proyekto na tinatawag na “Tilanggit Project” mula sa Laguna State Polytechnic University (LSPU) kung saan dinadaing ang mga tilapia, ngunit sa halip na kumita ang konseho, ang organisasyong pangkababaihan ang kumikita mula rito. Dagdag ni Pangulong Bienes na maayos na rin ito upang kumita ang mga asawa ng mga mangingisda. 

Tuwing nawawasak naman ang mga bangka at fish cages dahil sa bagyo, umaabot mula tatlong buwan hanggang isang taon bago ito aksyunan ng LGU. Hindi nawawala ang pagbibigay ng ayuda tulad ng de lata at bigas. Gayunpaman, ang kulang na pagbigay ng pondo tulad ng tamang kagamitan para rito ay nagreresulta sa pag-utang at paghingi ng tulong mula sa ibang organisasyon upang maayos ang kanilang mga nawasak na kagamitang pangingisda. 

“Paano kami babangon [kung kulang ang pondo]…alam mo naman ang mga mangingisda, walang income,” ani Pangulong Bienes. Ang iba ay naghahanap ng alternatibong hanapbuhay tulad ng pagiging tricycle driver upang makatanggap ng kita. 

BASAHIN ANG PANGALAWANG BAHAGI NG BALITA: ALON NG BUHAY: Pag-ahon sa Kalamidad