Ulat nina Hanna Grace Acoyong at Maria Beatrice Cantero
“For someone like me, growing up in the kind of environment that I grew up into and the status of my parents with their relationship, sobrang importante na makapasok sa college kasi iyon ‘yung isa sa mga susi na makakapag-alis dun sa situation o reality na meron ako that time. That time it was a necessity.”
Susi upang makaalis sa kahirapan—ganito inilarawan ni Thomas John “TJ” Tenedero ang kanyang pagtingin sa kolehiyo noon.
Si TJ ay nagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture and Applied Economics mula sa UP Los Baños. Bilang anak ng isang mambobote at naninirahan sa gilid ng riles ng tren sa Laguna, maagang namulat si TJ sa realidad ng buhay. Dahil sa kahirapan, ganoon na lamang ang kagustuhan niyang makatungtong sa kolehiyo at makapasok sa isa sa pinaka prestihiyosong unibersidad sa bansa.
Katulad ni Tenedero, ganun din ka-positibo ang pananaw ni Randolf Empal, isang estudyante mula sa North Cotabato, tungkol sa pag-aaral sa kolehiyo. Ayon sa kanya, ang pagtungtong sa kolehiyo ay isang pangangailangan. Kasabay nito, nakikita rin niya itong paraan upang mairaos ang kanyang pamilya mula sa paghihikahos.
Pero bago ang usapin ng pagtatapos, hindi rin naging biro ang hirap na pinagdaanan nina Tenedero and Empal sa unang mga hakbang ng pagpasok sa kolehiyo. Dalawa lamang sila sa daang libong mga estudyanteng dumadaan sa butas ng karayom upang makapasa at makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Isa ang pumasa ngunit hindi nakapasok, ang isa naman ay hindi pumasa ngunit pinalad na natanggap at nakapagtapos sa UP—bagaman magkaiba ang kanilang mga kuwento, sina TJ at Randolf ay dalawang patunay na isang balakid ang kahirapan upang makapag-aral ang maraming estudyante sa UP.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ng UP School of Economics ang income advantage o ang pagiging lamang ng mga aplikante ng UP College Admission Test (UPCAT) mula sa mayayamang pamilya sa kanilang pagkatanggap sa UP at sa kanilang first choice of course. Sa pangunguna ni Dr. Sarah Lynne S. Daway-Ducanes, ang pag-aaral ay nailimbag sa International Journal of Educational Development noong Marso 2022.
Panunumbalik ng UPCAT
Ang UP ay mistulang salamin na rin ng lipunan. Gaya ng nangyayari sa lipunan, malaki rin ang agwat ng mayaman at mahihirap hindi lamang sa loob ng unibersidad kung hindi pati na rin sa pagpasok pa lamang dito.
Gaya ng maraming kolehiyo at unibersidad sa bansa, ang UP ay may sarili ring mga polisiya sa pagtanggap. Kabilang na rito ang taunang University of the Philippines College Admissions Test (UPCAT).
Ito ay pansamantalang pinalitan ng University of the Philippines College Application (UPCA) nito lamang 2020 bilang tugon sa pagtanggap ng mga estudyante sa panahon ng pandemya. Kumpara sa UPCAT, wala itong entrance exam at ang pinagbabasehan lamang upang ma-compute ang UP admission grade (UPG) ay ang grado mula grade eight hanggang grade 11.
Ngunit ngayon lamang Marso 2023, inanunsyo ng UP na ibabalik na nito ang UPCAT matapos ang halos tatlong taon.
Karanasan sa pag-aaplay sa UP
“Iyong puhunan ko ay ‘yung utak ko.”
Ito ang sagot ni Empal nang tanungin kung paano niya pinaghandaan ang UPCAT noong 2017. Bilang likas na matalino, elementarya pa lamang ay hindi na nawala sa listahan ng honors si Empal. Nagtuloy-tuloy ito noong siya ay grumadweyt bilang valedictorian sa hasykul sa isang pampublikong paaralan sa ilalim ng special science curriculum.
“UP talaga ang dream university ko,” bahagi ni Empal.
Upang matupad ang pangarap na ito, dumayo pa si Randolf kasama ang kanyang mga kaklase sa Davao City upang kumuha ng UPCAT. Bukod sa pagbayad ng PHP 450 na application fee, kinailangan ring gumawa ng paraan nina Randolf upang may maipanggastos at makahanap ng pansamantalang matutulugan bago ang UPCAT. Bitbit ang kanyang talino at pag-asa, si Randolf ay hinarap ang isa sa pinakamahirap na exam na kanyang kinuha.
Samantala, hindi gaya ni Empal na umasa lamang sa kanyang katalinuhan, si Tenedero ay pumasok sa isang review center bilang paghahanada sa UPCAT.
“Noong panahon na iyon, hindi namin alam kung saan kukunin ang pambayad. Nagbenta ‘yung Tatay ko ng poso at iyon ang ibinayad sa review center.”
Isa pang nakadagdag sa kanilang iisipin ay ang application fee na kasama upang makakuha ng exam. Aniya, para sa iba kaya nilang bayaran ang P400, pero paano ang mga taong nasa laylayan? Giit ni Tenedero, kung tutuusin, ang pera na ito ay malaking halaga na.
Maraming hindi pagkakatulad sa paghahanda ng dalawang mag-aaral sa UPCAT. Dahil dito, hindi rin nakakagulat na magkaiba ang naging kinalabasan ng resulta ng kanilang exam. Si Empal ay nakapasa sa UP Visayas sa kursong BS Accountancy samantalang si Tenedero naman ay hindi pinalad.
Bagaman masaya si Empal sa naging resulta, agad naman itong napalitan ng pagkadismaya matapos niyang malaman na hindi siya makakatuloy sa pagpasok sa UP Visayas. Ayon sa kanya, isa sa mga dahilan kung bakit hindi siya natuloy ay dahil sa pangambang maaaring hindi kayanin ng kanyang pamilya ang pang tustos sa kanyang pag-aaral lalo na at malayo ito.
Dahil dito, nagdesisyon si Empal na pumasok sa University of Mindanao. Gayunman, patuloy pa ring nakaranas ng dagok si Empal dahil sa hirap ng buhay na mas lalong lumala noong nagsimula ang pandemya. Para sa mga estudyanteng kapuspalad katulad niya, dagdag sa isipin ang kailangang gastusin para sa online learning. Dahil dito, napilitan siyang maghanap ng trabaho habang nag-aaral at umasa mula sa mga iskolarship na tutulong sa kanya upang makapagtapos.
Sa kabilang banda, kahit na hindi nakapasa, sinikap ni Tenedero na humanap ng ibang paraan upang matuloy sa UP. Kasama na dito ang pag-aplay sa reconsideration process para sa mga hindi nakaabot sa quota ng kurso ngunit pasok ang UPG sa cut-off ng campus.
Sa kabutihang palad, natuloy ang pagpasok ni Tenedero sa UP. Iyon nga lang, hindi rin naging madali ang buhay sa loob ng unibersidad para sa estudyanteng tulad niya na limitado ng kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit inabot din si Tenedero ng 13 na taon bago makatapos sa kolehiyo.
Hindi pagkakapantay-pantay ng oportunidad
Ang karanasan nina Tenedero at Empal sa pag-aplay sa UP ay nagpapatunay lamang na mayroong umiiral na hindi pagkakapantay-pantay sa proseso ng pagpili ng kurso at pagtanggap ng estudyante sa UP.
Ayon sa pag-aaral na ginawa ni Dr. Ducanes, isang associate professor mula sa UP School of Economics, mayroong ebidensya mula sa mayayaman na mga bansa na may hindi pagkakapantay-pantay sa access sa mataas na paaralan o kolehiyo. Ayon dito, mas pinapaboran ng sistema ang mga mag-aaral mula sa mga sambahayang mataas ang kinikita.
Ang nasabing ebidensya na ito ay mas malinaw na makikita sa mga bansang tulad ng Pilipinas sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na gawing libre ang kolehiyo sa pamamagitan ng free tuition policy o ang pagbibigay ng libreng matrikula sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo.
Gamit ang quantitative (logistic regression) analysis sa datos ng admissions ng UP mula 2006-2015, napag-alaman nina Ducanes na mayroong tinatawag na “income advantage” hindi lamang sa aspeto ng pagpasok sa UP System, kung hindi pati na rin sa pagpasok sa first-choice na kurso ng mga mag-aaral. Sa madaling salita, ang mga aplikanteng nagmula sa mas mayaman na pamilya ay may mas mataas na posibilidad na matanggap sa UP.
Isinasaalang-alang ng pananaliksik ang mga dahilan na maaaring magtukoy sa tyansa ng pagpasok ng isang estudyante sa UP system at first-choice na kurso, ito ay ang mga sumusunod: kita, mga salik na nakaiimpluwensya sa UPG, pagpili ng campus at kurso/cluster, at taon/batch ng pagkuha ng exam.
Hindi sakop ng pag-aaral ang datos mula sa UPCA ngunit sinabi nina Ducanes na magandang matingnan rin ito.
Ani ni Ducanes hindi na niya ikinagulat ang resulta ng pananaliksik, ayon sa kanya, “Even before the study, there are already indications that the study body, at least in UP Diliman, has become more “elite”, so to speak. Even when I was still in high school, a professor comments that UP students come from richer backgrounds. The parking lots are full of cars driven by students, not the faculty members.”
Dagdag ng kanyang kasamahan sa pag-aaral na si Vincent Ramos, isang PhD student mula sa Hertie School of Governance sa Berlin, Germany, ang nakikitang hindi pagkakapantay-pantay sa admissions ay talagang malaking problema. Mas lalo itong pinatotohanan ng mga bansang kagaya natin na konti lang ang mga tanyag o “elite” na mga unibersidad na talagang pag-aagawan ng maraming mga estudyante.
Ipinaliwanag niya na nagpapatuloy hanggang kolehiyo ang lumalaking hindi pagkakapantay sa pag-access sa mabuting edukasyon mula sa mababang edukasyon.
Ayon kina Ducanes at Ramos, ang ugat ng problemang ito ay nagmumula sa kaledad ng primarya at sekundaryang edukasyon. May malaking pagkakaiba ang mga estudyanteng mayaman ang pinaggalingan dahil may kakayahan silang pumili ng mas magandang mga paaralan.
Sabi ni Ducanes, “[income background] affects student development and the learning environment that these students grow up in. Of course it has an effect on later outcomes in life, including their success in getting admitted to the top schools of the country.”
Isa pang salik na nadiskubre ng pag-aaral ay higit na mas mataas ang tyansa na makapasok sa UP ang science high school students gaya ni Empal kumpara sa mga nanggaling sa regular public high school katulad ni Tenedero.
Para kay Ramos, higit na nakakabuti na hanggat bata pa, mayroon nang mga sistema na nagsasanay sa mga interesadong mga mag-aaral at bigyan sila ng suporta sa aspeto ng kurikulum, pagtuturo at mga ekstrakurikyular na aktibidad.
“When you have these mechanisms that support students at an earlier level, secondary education, primarily, then you prepare them to make them more competitive in later life outcomes,” ani Ramos.
Payo sa pamahalaan
Isang malaking palaisipan kung bakit tila mas lalong pinapalawak ng Free Tuition Policy ang hindi pagkakapantay sa UP admissions. Ayon kay Vincent, mayroon isang selection effect. Kung nakikita na ang mga may kayang estudyante ang kadalasang nakakapasok sa UP, sila lang din ang nakakatamasa ng Free Tuition Policy.
Sa kanyang paliwanag, sinabi niya na ang nararapat na paraan upang isipin ito ay ang paghiwalayin ang problema sa “access” sa edukasyon mula sa problema ng “admissions”. Ayon kay Ramos, kapag natanggap na ang mga estudyante, ang susunod na layunin ay magkaroon sila ng access sa UP anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Ito ang layunin ng Free Tuition Policy. Ngunit, binigyang diin rin niya na meron o wala mang ganitong polisiya, nananatili pa rin ang “income advantage” ng mga may kakayahan.
Ito ay sinang-ayunan naman ni Ducanes. Ayon sa kanya, nakapagtataka nga na ang katwiran ng Free Tuition Policy ay para gawing mas accessible ang tertiary education para sa lahat ng mga estudyante. Subalit, dahil nga mas hirap makatapos sa sekundarya ang mga mahihirap na mag-aaral ngayon kumpara sa mga may kakayahan, talagang mas makikinabang ang mga may kakayahan sa free tuition policy.
Ayon sa dalawang eksperto, upang masolusyunan ang hindi pantay na pag-access sa tertiary education, dapat lamang na matugunan muna ang mga problema na pinag-uugatan nito lalo na ang isyu sa primarya and sekundaryang edukasyon.
Tinatawag ito ni Ducanes na “early intervention” kung saan ang pondo ay dapat na napupunta sa unang mga yugto ng pagpapalaki sa isang bata.
Dagdag niDucanes, sa yugtong ito, importanteng maintindihan kung saan may pagkukulang at iyon ay sa aspeto ng nutrisyon, suporta sa mga bata, at iba pa. Hayag nila, kung gusto nating maging pantay-pantay ang kalidad ng edukasyon sa bansa, dapat ding bigyang atensyon ang ibang mga unibersidad hindi lamang ang UP.
Sabi rin ni Ramos na hindi limitado sa usapin ng maayos na pag budget at pangangasiwa ng resources ang kinakailangan na mas maisaayos. Mahalaga rin na sa panahon ng krisis sa edukasyon, bigyang pansin ang pagsasaayos ng kalidad nito. Ito ay sa pamamagitan ng pamumuhunan sa pagsasaayos ng kurikulum at pagsasanay ng mga guro.
Susunod na mga hakbang
Ayon kina Ducanes at Ramos, sa ngayon wala pang plano na magkaroon ng karagdagang pag-aaral tungkol dito.
Ngunit ibinahagi nilang dalawa na kung bibigyan ng pagkakataon at pondo, maganda na makakuha din ng datos mula 2016 hanggang sa nitong nakaraan dalawang taon noong magsimula ang UPCA.
Ani Ramos, “The opportunity is always there. Ma’am sarah and I are in close contact and we collaborate on other projects as well. That would be an ideal next step to include the registrar data—who completes UP, who drops out? Because there is also selection there.”
Kaugnay nito, sinabi rin ni Ducanes,”Another study could be to trace students from admission, to in the university, and then how well they do after they graduate from university. That would deal with alumni data [and] labor market entry.”
Ayon kay Ramos, malamang ay mayroon ding “income disadvantage” sa aspeto na ito.
Ilan lamang ito sa mga nais pang gawin ng mga mananaliksik mula sa UP School of Economics upang mas lalong makita at maintindihan kung paano nga ba nauugnay ang katayuan ng isang mag-aaral sa kanyang magiging hinaharap sa oras na siya ay maging ganap na miyembro na ng lipunan.
Payo sa mga estudyante
Pinatunayan ng karanasan nina Empal at Tenedero ang resulta ng naging pag-aaral tungkol sa “income advantage” sa pagpasok sa UP. Ngayon na mayroon nang mga konkretong ebidensya, ang nakikitang solusyon ng mga eksperto tungkol dito ay dapat na balikan kung saan unang nagsisimula ang problema.
Natapos man ang yugto ng UP sa kanilang mga buhay, sina Tendero at ang kanilang kuwento ay magsisilbing aral hindi lamang sa mga kapwa nilang estudyante kung hindi pati na rin sa mga may mataas na katungkulan at bumubuo ng mga polisiya sa edukasyon makaaapekto sa direksyon ng buhay ng mga mag-aaral.
Bilin naman ni Tenedero sa mga estudyanteng nagbabalak pumasok sa UP—huwag dapat sumuko. Laging magdasal at huwag mawalan ng pag-asa dahil maraming paraan kung paano makapasok sa UP. Aniya, kung sa pinansyal lamang na aspeto, maraming paraan na makakatulong ang unibersidad sa mga mag-aaral.
Para naman sa mga estudyante na nahihirapan sa online learning, payo ni Randolf, sa panahon kung saan sinusubok lalo ang tao ng pinansyal na problema, kapag mayroong nakitang oportunidad, sunggaban agad ito. Kung tingin ng mga mag-aaral na hindi para sa kanila ang online learning, maaari namang huminto muna sandali.Kung gugustuhin na magpatuloy, kailangan na marunong ang isang tao na humanap ng paraan.
Marahil matapos makita ang ang pag-aaral sa UP admissions, marami na ang matatakot ang panghihinaan ng loob. Ang payo ni Dr. Ducanes para sa mga mag-aral, “I would say don’t let the odds beat you. There’s no replacement for hard work and for aspiring. Even with this income advantage, it doesn’t say that UP has not been admitting students from disadvantaged backgrounds. There are still a lot of students coming from poorer households being admitted and we have a lot of success stories to show. Focus on those.”
Dagdag din ni Vincent na hindi lang UP ang nariyan. Marami pang mga unibersidad sa bansa. Kung hindi man sa UP, maaaring sa ibang lugar. Saan man ito, bilin niya na laging pagsumikapan ang pag-aaral dahil ito ang magdidikta sa kanilang kinabukasan, sila man ay mapunta sa UP o hindi.