Ulat ni Leo Verdad
SANTA CRUZ, LAGUNA—Matapos ang tatlong taong pagkatigil dahil sa pandemya, sinimulan na ngayong araw, Marso 11, alas kuwatro ng umaga ang pagbabalik ng pagdiriwang ng taunang Anilag Festival sa Provincial Capitol Festival Grounds.
Inumpisahan ang programa sa isang Heritage Fluvial Parade kaninang alas kwatro ng umaga kung saan ipinarada ang Nuestra Señora De Los Dolores de Turumba ng Pakil, na siyang binansagang Ina ng Lawa ng Laguna mula sa Pakil Estaca hanggang Quezon Bridge sa bayan ng Sta. Cruz.
Sunod namang idinaos kaninang alas singko y medya ng umaga ang Marian Procession hanggang Provincial Capitol Grounds na sinabayan ng mga mamamayan sa saliw ng bandang UNO mula sa Pakil. Nagsagawa rin ng isang Thanksgiving Mass upang basbasan at ipanalangin ang matiwasay na paggunita ng festival. Ito ay dinaluhan ni Governor Ramil L. Hernandez at ng iba’t ibang mga kawani ng gobyerno.
Dumeretso sa arko ng Anilag Festival ang mga opisyal noong ika-8:30 ng umaga para isagawa ang ribbon cutting na hudyat ng pormal na pagsisimula ng nasabing pagdiriwang. Hinikayat ni Gov. Hernandez ang lahat ng Lagunense at mga residente sa karatig lugar na makidalo at suportahan ang mga programang inihanda ng Laguna para sa lahat.
“Maraming salamat po sa lahat ng taga-lalawigan ng Laguna sa suporta. Tayo ay patuloy na tumunghay sa atin pong Anilag Festival na magsisimula po ng March 11, ngayon, at hanggang March 18. Maraming salamat po sa suporta ng bawat isa,” pasasalamat ni Gov. Hernandez sa isang panayam.
Ipinagmalaki naman ng mga organizers ang mga nakalatag na programa, lalong-lalo na ang mga beauty pageants na kinabibilangan ng Lolo at Lola ng Laguna, Mr. and Mrs. Laguna, Laguna Gay Queen and Lesbian King, Laguna’s Next Big Star Artista Search, at Ginoo at Binibining Laguna.
“I do love Laguna at syempre mas marami pa tayong mamahalin sa isang linggong pagdiriwang. I love its people, the Lagunenses at marami tayong pageant na gaganapin dahil sa naggagandahang at naggagwapuhan nating mga mamamayan. Kaya huwag sana nating palampasin yung parade, street dance competition, exhibits, at marami pang iba,” ani ni Cristina Santiago, tagapagdaloy ng programa para sa Land Float Parade Competition.
Ikinatuwa naman ng mga lumahok sa Anilag ang muling pagbabalik nito. Ayon kay Nina Estrelita, residente at bangkera mula sa bayan ng San Pablo, masaya sila kasama ang kaniyang katrabaho sa pagbabangka dahil nabigyan sila ng pagkakataon na itampok ang kanilang ikinabubuhay simula taong 2016. Dahil sa Anilag, naihayag nila sa publiko ang ganda at galing ng mga nakatira sa kanilang bayan.
Ang mga sumusunod na detalye ay ang mga aktibidades para sa unang araw:
- Laguna Events Suppliers Wedding Expo – 9:00 am, Cultural Center of Laguna
- Opening of Trade Fair Exhibit and Competition – 10:00 am, Festival Grounds
- Arnis Exhibition – 11:00 am Festival Grounds
- Land Float Parade and Competition – 2:00 pm, PGL Compound
- Pyromusical Competition and Street dance competition – 7:00 pm, Festival Stage
Magtatagal ang pagdiriwang hanggang ika-18 ng Marso, Linggo at magtatapos sa pamamagitan ng isang People’s Night Extreme concert sa Festival Stage kung saan dadalo ang mga artista, tulad nina DJ Carlo, 6Cyclemind, Nik Makino, Silent Sanctuary, Yeng Constantino, at The Juans.