Ulat ni Marcus Liam Saladino
LOS BAÑOS, LAGUNA – “Para sa katawan [at] sa kalikasan, kaya nandito kami ngayon para sa lawa,” ito ang pahayag ni Irish Beltran na lumahok sa Ride to Lead: Padyak Laguna, Para sa Lawa! cycling event na sinimulan nang alas-6 ng umaga noong ika-12 ng Marso sa Freedom Park ng University of the Philippines Los Baños.
Kasama ang tinatayang 300 na siklista, binagtas nila ang mga bayan ng Calauan, Nagcarlan, Liliw, Magdalena, hanggang sa Capitol Festival Grounds sa Sta. Cruz, kung saan ipinagdiriwang ang Anilag Festival 2023. May 54 kilometrong layo ang pinadyak ng mga kalahok.
Katuwang ang Youth Development Affairs Office of Laguna, Department of Energy, at Philippine Bike Scout, inorganisa ng Project Laguna Lake Ecotourism Advocacy for Development (LEAD) ang nasabing programa upang bigyang-pansin ang pagsulong ng policy advocacy tungkol sa lake-based ecotourism.
Ang lake-based ecotourism ay naglalayong mapabuti ang kalagayan ng Laguna de Bay at makapagbigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga komunidad na nakapalibot dito.
Ginanap din ang paglagda ng Provincial Government of Laguna at University of the Philippines Los Baños sa isang Pledge of Partnership. Ito ay pinirmahan ni Provincial Attorney Rodel Pederayon sa ngalan ni Governor Ramil L. Hernandez at ni Vice Chancellor for Community Affairs Roberto P. Cereno sa ngalan ni Chancellor Jose V. Camacho, Jr.
Naniniwala si Laguna Lake Development Authority Community Development Officer Gerry Carandang na malaki ang gampanin ng bike ride event upang magbigay kaalaman sa mga komunidad tungkol sitwasyon ng Laguna de Bay.
“Mag-bike tayo, mag-ingay tayo!…Kayo po ang bida dito…aatimin natin ang kaalaman ng mga tao para [magkaroon sila ng] environmental awareness…para ma-improve ang ecological integrity ng ating lawa,” pahayag ni Carandang sa kanyang panimulang mensahe.
“Hindi lang [ito] normal na bike ride na ginagawa ng karamihan. We wanted to raise the awareness of other people sa pangangalaga ng ating lawa,” pahayag naman ni Janine Sampal, head ng Program Implementations Unit ng Youth Development Affairs Office of Laguna. Dahil pinapangatawan ng organisasyon na laging development-oriented ang kanilang mga proyekto, nakipagtulungan ang YDA Laguna sa mga kawani ng Project LEAD para sa kanilang adbokasiya na pangalagaan ang lawa ng Laguna.
Hinikayat ni UPLB – School of Environmental Science and Management Dean Rico Ancog, Ph.D., na pangalagaan ang lawa upang masolusyunan ang lumalalang polusyon dito.
“If sixty to seventy percent [ng pollutants] ay galing sa domestic [wastes], sa mga bahay, therefore, each and everyone of us is very important to understand the problem… We encourage everyone to do something about it,” ani ni Dean Ancog.
Inaasahan naman ni Oscar Dacasin, kalahok ng programa, na maging matagumpay ang isinusulong ng Project LEAD. “Dapat lahat tayo [ay] kailangang pagtulong-tulungan natin para mapaganda ulit ang lawa ng Laguna.”
Tingin ng mga Triofit bikers, ang pagsali sa mga bike ride ay maganda sa kalusugang mental at pisikal. “Ito yung nakakapantanggal sa amin ng pagod… at nakakaboost ng immune system,” ani nila.
Ang “Ride to Lead: Padyak Laguna, Para sa Lawa!” cycling event ay bahagi ng selebrasyon ng Anilag Festival 2023 na nagsimula noong ika-11 ng Marso at magtatapos sa ika-18 ng Marso.