Napag-iwanan sa byahe: Panawagan ng mga PWD para sa inklusibong sistema ng transportasyon

Ulat nina Justine Cesa, Maan Curioso, Charlene Esteban, Ben Bensali, Rocev Abagat, LA Reyes

Kuha ni Chris Rebullida. Balik pasada na ang mga jeepney sa may kahabaan ng Vega Arcade Los Baños, Laguna matapos ang nagdaang jeepney strike noong nakaraang linggo.

Kabi-kabilang protesta at tigil pasada mula sa mga tsuper ng mga pampasaherong jeep ang sumalubong sa pagsisimula ng Marso. Ito ay kasunod ng banta ng pag phase-out sa mga tradisyunal na jeep na kilalang ‘hari ng kalsada’ at pampublikong transportasyon na bahagi na ng kultura sa Pilipinas. Ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagsusulong ng pamahalaan sa jeepney modernization, na nagpipilit sa mga tsuper na palitan na ang mga jeep ng makabagong anyo at disenyo. Ang mga jeep na matagal at nakasanayan na nilang gamit sa kanilang hanapbuhay. 

(BASAHIN: Jeepney strike, ikinasa sa Los Baños)

Ilang araw na umigting ang kalbaryo ng mga kumyuter bunga ng nasabing panawagan. Dahil naging limitado ang maaaring sakyan, nagsuspinde ng klase ang mga paaralan habang nagbalik sa work-from-home setup ang ilang kompanya. Sa kabila nito, agawan pa rin sa masasakyan ang ilang mga pasahero at naging mala-sardinas ang sitwasyon sa mga bumabyaheng pampublikong sasakyan.

Matindi ang naging epekto ng malawakang strike sa mga komyuter, subalit kung susuriin, ang mga nabanggit ay matagal nang problema ng bansa pagdating sa sistema ng transportasyon. Salamin ng mga maubhang problema ito ang isinagawang 2022 Urban Mobility Readiness Index kung saan nangulelat ang Pilipinas sa “urban mobility readiness.” Sa 60 na siyudad sa iba’t ibang bansa kung saan isinagawa ang pag-aaral, ika-56 lamang ang Pilipinas pagdating sa usapin.

Kaugnay nito, nakikiisa sa mga tsuper at komyuter sa panawagan para sa maayos na sistema ng transportasyon ang mga miyembro ng Persons with disabilities (PWD) na sa matagal na panahon ay kalbaryo ang dinaranas sa tuwing gagamit ng pampublikong sasakyan. Kabilang sa kanila ang 61-anyos na si Jeanette Ilagan, ang presidente ng PWD Association ng Barangay San Antonio sa Los Banos, Laguna.

Ayon kay Ilagan, nais nilang mapakinggan din ang boses ng mga PWD at hindi maiwan sa pagbyahe ng usapin tungkol sa pagsasaayos ng sistema ng transportasyon sa bansa. Ito ay dahil nananatiling hindi maganda ang karamihan ng kanilang karanasan sa pagbyahe lalo na kapag mag-isa. Pagbabahagi niya, bukod sa kakulangan sa ‘PWD-friendly’ features sa mga pampublikong sasakyan, ay nakararanas din sila ng diskriminasyon tuwing gagamit sila ng transportasyon – isang bagay na hindi lamang masolusyonan sa sapilitang pag phase-out sa mga pampublikong sasakyan.

Kuha ni Chris Rebullida. Kalimitang makikita ang markang ito sa mga upuan ng jeepney na nakareserba para sa mga Persons With Disability (PWD). Malapit sa pintuan ng mga jeepney ang “Designated PWD seat” upang mas mabilis itong ma-access ng mga PWD.

DISKRIMINASYON SA TRANSPORTASYON

Ipinahayag ni Ilagan ang ilan sa mga hirap na dinadanas niya at kapwa-PWD pagdating sa pagko-commute sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeep at bus. 

“Malaki rin yung sentiments namin when it comes to transpo. Kasi una, kunwari, yung pag mga person with ortho[pedic] disability, lalo na yung wearing crutches, syempre hirap yan… hirap yan sa transportation,” hinaing niya.

Kaugnay nito, binanggit din ni Ilagan na madalas ay nakararanas sila ng diskriminasyon tuwing babyahe sapagkat madalas silang tanggihan ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan. Umaabot ng siyam-siyam ang kanilang paghihintay para lamang makahanap ng masasakyan patungo sa mga lugar na kanilang tutunguhin. 

“Meron, nung minsan, di daw sila isinasakay. Ako kasi sumasakay na ako eh, blind ako… Kailangan ko yung trusted na driver… Minsan nga hindi na ako isinasakay kasi nga parang natatakot sila.” aniya.

Bukod sa kakulangan sa mga “PWD-friendly” features sa mga pampublikong sasakyan at nararanasang diskriminasyon, ibinahagi rin ni Ilagan na marami rin sa mga drayber ang hindi kumikilala sa kanilang pribilehiyo na 20% discount sa pamasahe. Ito ay kahit pa malinaw itong nakasaad sa batas. Nagiging dahilan din umano ito upang ang iba sa kanila ay hindi na isinasakay ng mga pampasaherong jeep.

Diin ni Ilagan na hindi dapat limitado sa libreng Wi-Fi o cashless payments ang mga pagbabagong gagawin para sa Public Utility Vehicles (PUVs), kundi sa mga alituntuning lubos ding makinabang ang mga PWDs. Kung kaya’t hinihiling din niya ang mga pagbabago na makakatulong para sa madaling pagbyahe ng kapwa niya may kapansanan.

 

MODERNO AT INKLUSIBONG SASAKYAN

Panawagan ng Life Haven Center for Independent Living, isang organisasyon para sa mga PWD, ang sapat na accessibility features kasabay ng planong PUV Modernization program.

Ayon sa mga ahensyang pang transportasyong Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr), kanila namang pinakikinggan at mga hinaing ng mga PWD. Tiniyak ng mga ahensya na sinusuportahan nila ang inklusyon ng PWD accessibility sa mga public utility bus, mini-bus, UV Express, multicab, school service, mga taxi, mga TNVs, at mga transportasyong pang-turista. 

Noong 2017 sinimulang imungkahi ng mga PWD groups na maliban sa mga wheelchair ramps ay magkaroon pa ng ibang serbiyo sa mga pampublikong sasakyan ng makatutulong sa mga PWD. Kabilang dito ang mga audio-visual announcement system, tactile na mga pananda, at ang pag-assist ng mga drayber sa mga pasaherong PWD. 

Saklaw ng kaginhawaan ng pagsakay ang pagiging PWD-friendly ng mga jeepney sa fleet modernization program. Maliban dito, isa ring malaking konsiderasyon ang kalagayan ng mga drayber at komyuter. Ngunit, makikita sa transport strike ang kanilang panawagan ng mas inklusibong pagkonsulta sa pagbabalangkas ng mga polisya para sa programa.  

Ang Philippine National Standard (PNS) para sa mga PUV na isinagawa ng Department of Trade Industry (DTI) ang sinusunod ng mga manufacturers ng modernong jeepney. Kasali sa mga regulasyon dito ang kaligtasan, performance, limitasyon, at features ng mga makabagong jeep. Maraming naipasa na PUJ prototypes sa LTFRB na naaprubahan ng PNS. Nasa prototype na ipinasa ng Association of Committed Transport Organizations Nationwide Corporation (ACOTA) ang isang curbside-facing door at isa pang pasukan sa likod ng jeep kung saan kasya ang isang ramp para sa PWD. May mga ibang disenyo rin na naglalagay ng PWD lift access sa mga jeep at iba pa. 

Ang hirit naman ng isang jeep na tumatakbo sa LPG na ginawa ng UP National Center for Transportation Studies ay mga accessible na stop buttons, isang PA system sa loob ng jeep, at mga ramp kung saan makaka labas at pasok ang mga pasahero.

Bago pa man ang jeepney strike, halos anim na taon na ang panawagan ng mga PWD para sa inklusibong transportasyon. Kaya naman sa bagong pasadahan, hiling ng kanilang komunidad na wala sanang maiiwan, maging ang mga jeepney drayber man, lalo’t higit ang mga kapwa nila PWD.