Ulat ni Jacob Gando
“Hindi ito karera, hindi ito pabilisan … Ang nais natin ay magbigay ng kasiyahan [sa mga makikilahok] habang may natututunan.”
Ito ang pahayag ni Los Banos Fire Officer 3 Dennis Alonzo patungkol sa gaganapin na ‘Padyak Laban sa Sunog 2023’ bike event sa darating na Linggo, Marso 26 sa Paciano Memorial Park.
Wika ni Alonzo, ang nasabing bike event ay bahagi ng mga aktibidad ng Bureau of Fire Protection Laguna at Los Banos Fire Station ngayong Fire Prevention Month. “Ipropromote [sa bike event] ang kahalagahan ng buwan na ito kung saan kailangan mag-ingat sa pagsusunog.” dagdag niya.
Dapat maging maalam ang publiko sa mga hakbang upang makaiwas sa sunog dahil baka mapinsala ang ibang bahay o negosyo, pahayag ni Alonzo. “Kaya natin pinupublish, pinapaingay, at gumagawa ng mga campaign … para ma-remind kayo na kailangan nating mag ingat laban sa sunog,” aniya.
Sa halagang Php 150, maaaring magpaunang rehistro sa bike event sa pamamagitan ng online website at magbubukas naman ng walk-in registration sa Paciano Rizal Memorial Park ng 4:30 AM sa araw ng pagtitipon.
Mula sa starting line sa Paciano Memorial Park, ang mga siklista ay iikot sa mga barangay ng Baybayin, Anos, Malinta, Batong Malake, Bayog, Tuntungin-Putho, San Antonio, at Maahas, bago bumalik sa starting line.
“Yung aming grand prize, yung pinaka-winner [ng raffle draw]…will be winning 10,000 pesos in cash,” pahayag ni Alonzo, “Kapag nag-register ka…ikaw ay maeentitle na mapasali ang pangalan sa raffle.”
Ang perang papremyo ay galing sa nalikom na registration fee na binayaran ng mga siklista. Kasama rin sa mga papremyo ay branded cycling shoes, t-shirts, at fire safety paraphernalia.
Maliban pa raw sa bike event, magkakaroon din ng banda na tutugtog tungkol sa fire awareness, at isang fire prevention talk na pangunguhanan ni Sr.Insp. Benjie L. Caca, Los Baños Municipal Fire Marshal.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ginanap ang ‘Padyak Laban sa Sunog’ sa Los Banos. Ang unang pagtitipon ay isinagawa noong Abril 2022, upang tulungan ang mga lokal na indigent population.