Ulat ni Giana Ramos
“It is important to raise awareness and ensure that women are informed about how they can be in charge of their own health, and how they can sustain a holistic lifestyle,” pahayag ni Camille Tan, Mu Sigma Phi Sorority member at isang apprentice ng Women Empowerment and Literacy Through Health Education (WEALTH) Caravan.
Para sa selebrasyon at pagtatapos ng National Women’s Month, isinagawa ang isang WEALTH Caravan na may temang “Sulong kababaihan: Mga Sakit ay Agapan!” noong Sabado, Marso 25, sa Trace College, Brgy. Batong Malake.
Sa ilalim ng programang ito ay mayroong libreng seminar, breast self-exams, cervical cancer screenings, at mga bakuna para sa COVID, Hepatitis B, at HPV.
Ginanap ang libreng seminar sa umaga kung saan tinalakay ang iba’t ibang usapin tungkol sa kapakanan at kalusugan ng mga kababaihan. Kabilang dito ang mga paksang nutrisyon, bakuna, breast cancer, cervical cancer, at menopause.
Ibinahagi rin sa seminar ang ImMUnity, isang libreng mobile application na ginawa upang madaling masubaybayan ang mga bakuna. Inaanyayahan ang mga kababaihan na i-download ang aplikasyon para rin sa madaling pagsubaybay at pagkalap ng impormasyon ukol sa bakuna.
Maliban sa mga naibahaging usapan, nagkaroon pa ng maraming aktibidad katulad ng sayuntis at raffle sa kalagitnaan ng programa upang maghatid aliw sa mga kalahok.
Ginanap naman sa hapon ang mga libreng breast self-exams, cervical cancer screenings, at COVID, Hepatitis B, at HPV na mga bakuna.
Ang seminar, breast self-exam, at COVID na bakuna ay bukas para sa lahat ng kalahok ng programa. Ang cervical cancer screening at bakuna sa Hepatitis B ay para sa unang 100 nakapagparehistro, habang ang HPV na bakuna ay para naman sa unang 300 nakapagparehistro na mga bata.
“Kadalasan, mahal ang mga bakunang ito kaya magandang oportunidad ito dahil ito ay libre na lamang,” sabi ng dalawang nanay galing Brgy. San Antonio na dumalo sa programa.
Karamihan sa nagparehistro para sa HPV na bakuna ay mga nanay at ang kanilang mga anak, dahil bukas din ang programa sa mga kabataang edad 9 hanggang 14.
Ayon sa isang nanay galing Brgy. Mayondon, nagpabakuna siya upang maging ligtas mula sa banta ng breast at cervical cancer.
Kwento naman ng isa pang nanay mula sa Brgy. Malinta, “dahil lahi at pamilya kami ng kanser, mas mabuting nabakunahan na rin ang mga bata”.