Ulat ni Angelo Del Prado
Nakarating na sa mga kinauukulan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), ang mga sunod sunod na ulat ng sexual harassment at stalking sa loob ng campus at kalapit nitong komunidad.
Sa isang Facebook post, ipinahayag ng UPLB University Student Council (USC) na kasalukuyan silang nasa proseso ng pangangalap ng mga report na ibibigay sa Security and Safety Office (SSO) upang magawan ang mga ito ng karampatang aksyon.
Kaugnay nito, nagbukas ng isang safety check form ang UPLB Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) para mai-report agad ang mga insidenteng nilalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Kinumpirma naman ng pamunuan ng Baranggay San Antonio ang insidente ng tangkang panggagahasa sa may Mendiola Road noong Lunes, Marso 27. Ayon sa isang kagawad na miyembro ng Peace and Order Committee, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang matugis ang hindi pa nakikilalang suspect.
Aniya, alas otso ng gabi nang sila ay makatanggap ng tawag ukol rito. Kanyang inilahad na ang Barangay Police Security Officer (BPSO) o mga tanod ay rumuronda 24/7.
“Yung mga opportunity na gumawa ng hindi tama ay binabantayan, siyempre lalo kami na nasa barangay level,” paliwanag ng kagawad.
Hawak na ng mga awtoridad ang mga nakalap na ebidensiya tulad ng CCTV footage mula sa mga kalapit na establisyemento ng pinangyarihan ng krimen.
Kung may nais isumbong, makipag-ugnayan sa mga sumusunod na lingkod bayan:
UNIVERSITY POLICE FORCE (UPF)
AG Samonte Hall: +63 49 536 2255
Main Gate: +63 49 536 2552
BARANGAY BATONG MALAKE: +63 49 536 4993
LOS BAÑOS ACTION CENTER: +63 49 530 2818
PHILIPPINE NATIONAL POLICE (PNP) – LOS BAÑOS: +63 49 534 5631