Ulat nina Princess Leah Sagaad at Zen Igaya
Inilunsad ng Sining Makiling Gallery ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) ang ILI: Mga Kwento ng Lupa, Bayan, at Tahanan noong Marso 28. Ang unang solo eksibit ng 30 taong gulang na artistang si Rosa Mirasol. Matutunghayan ang eksibit hanggang Abril 28, 8AM-6PM, Lunes hanggang Biyernes.
Si Rosa o “Maui” sa kanyang pamilya ay isang ceramic artist, pintor, at iskultor. Ilan sa mga likhang sining na tampok sa kanyang eksibit ay ceramic arts, paintings, at sculptures tungkol sa pagkakaugnay-ugnay ng iba’t-ibang elemento ng kalikasan.
Pagkapasok sa gallery, sasalubong sa dadalo ang himig ng musika at pagsasalaysay ni Rosa tungkol sa eksibit mula sa telebisyon. Nakapwesto sa gilid at gitna ng gallery ang mga piyesa, at sa dulong bahagi ng kuwarto ay malayang makakapagpinta ang mga dumadalo sa isang malaking bilog na canvas. Lahat ng materyales na gamit ni Rosa ay natural at direktang galing sa likas na yaman—maging ang mga pigment ng kanyang pintura ay gawa sa dinurog na mga natural na sangkap tulad ng turmeric at terracotta.
Ayon kay Gloria Melencio, ina ni Rosa na isang propesor ng kasaysayan sa UPLB, ang salitang ili ay galing pa sa panahon ng mga Austronesyano na tumutukoy sa mga lugar na nagsisilbing tahanan o uwian. Ani Propesor Melencio, kapag dinagdagan ng hulaping ‘-han’ ang salitang ugat, ito ay magiging “ilihan” na ang ibig sabihin ay “‘tirahan sa bundok.”
“Masaya ako na dito ang first exhibit [ko] kasi I have a close affinity with Makiling,” pahayag ni Rosa. “Ang lalim ng pagkilala sa lupa.”
Inamin niyang hindi siya mahilig mag-showcase ng kanyang sining sa mga art gallery ngunit tinanggap niya ang oportunidad mula kay Director Jerry R. Yapo ng Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) sa Sining Makiling Gallery dahil bukas ito para sa lahat ng interisadong madla. Importante sa kaniyang maging neutral na espasyo o malayang pansamantalang ilihan ang eksibit sa gallery.
Masigasig na ipinaliwanag ni Rosa na matagal na niyang inaaral ang pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay at elemento na makikita sa kalikasan. “Yun yung inspirasyon ko sa exhibit—mapaalala sana ang pagkakaisa ng lahat.” Kung kaya’t emosyonal siya sa kanyang retorikang tanong: “Paano ba tayo naseseparate sa isa’t isa when essentially we are all the same?”
“Very visual sa akin yung memory ko sa dagat na ‘pag umaalon, magrerecede yung alon [at] may makikita kang veins sa sand.” Aniya, ang mga pattern na hinuhulma ng alon sa buhangin ay maihahalintulad sa ugat ng puno at maging sa mga sangay nito. Kita sa kanyang pagpapahayag ang labis niyang pagkamangha sa prosesong ito.
Ibinahagi din ng kanyang ina, na mula pagkabata ay mahilig nang magmasid sa kapaligiran ang kanyang anak. Ayon kay Rosa, bukod dito ay mahilig din siyang mangolekta ng kung ano-anong mahanap niya sa paligid, at inamin niyang isa siya sa mga tipo ng taong nakikita ang kagandahan sa lahat ng bagay. Para sa kanya, malaking parte sa paghubog ng kanyang pagkatao ang lumaki na napapalibutan ng mga kwentong bayan, mito, at alamat mula sa kanyang mga magulang.
“Ang ganda ng mundo,” kanyang sambit habang maluha-luha.
“Malungkot lang na bakit hindi natin nakikita lahat yun?”
Paboritong guro niya si Francisco Demetrio ng Philippine High School For The Arts. “Sa kanya kami natutong gumamit ng sawdust for sculptures.” Pinupuri niya ang proseso at paraan ng pag-iisip ng kanyang guro. “Tinuro niya sa amin na yung tools daw ay sacred materials so we have to take care of it,” dagdag niya. “Na imbibe ko sya sa art practice ko.”
“Yung paggawa ng ceramics, it would really teach you patience.” Nahiligan niya ang paglalayok dahil mahalaga umano sa proseso nito ang apat na mga elemento na makikita sa mundo. “From the earth na material, you need water to mold it; you need the wind to dry the material; tapos yung fire will complete the whole process… Kaya napaka sacred sa akin ng pottery.”