Ulat ni Justin Cesa
Hindi na kinailangan pang bumiyahe ng malayo ng mga residente ng Batong Malake, Los Baños upang makabili ng mga sariwang gulay at makapagpabatok, ang kilalang sining sa pagta-tattoo ng mga taga-Kalinga sa Cordillera, dahil mismong mga magsasaka at apo ng kinikilalang National Living Treasure na si Apo Whang-od na mismo ang naglapit ng kanilang mga produkto at kultura sa komunidad.
Ayon kay James Gayon, organizer ng progrma, nakipag-ugnayan sila sa kapitan ng Batong Malake upang maisakatuparan ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad.
Ani Gayon, layunin ng kanilang grupo na direktang makapagbenta ng murang mga gulay at prutas sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kanilang itinanim at inani. Ito ay bahagi ng pagpapatuloy nila sa kanilang adbokasiya noong pumutok ang bulkang Taal at COVID-19, kung saan libre silang namahagi ng kanilang mga ani.
“Nagtitinda rin kami ng gulay hanggang saan makayanan as far as south pwede siguro mag-invite samin,” pahayag niya.
Binanggit din ni Gayon na nakita niyang magandang oportunidad ang ginagawa nilang pagbebenta ng gulay at pagbisita sa iba’t ibang probinsya upang ibahagi ang kanilang kultura. Bunsod nito, kaniya inimbitahan at isinasama ang mga apo ni Whang-Od upang maipamalas ng mga ito ang sining sa pagbabatok.
“Oo, sila-sila–sila rin yun [nagta-tattoo sa Buscalan, Kalinga]. Actually, dalawa lang kasi ang na-feature diba? Pero marami sila-maraming magagaling doon [magbatok],” ani Gayon.
Isa sa mga unang nakapagpabatok sa mga apo ni Whang-Od ang residente na si Alexis Baluyut. Ibinahagi niya na sa edad na 67 ay unang beses niyang magpatattoo at naging masaya siya sa naging resulta niyto.
“Syempre may pain siya, [pero] ang ganda niya. Ma-overwhelmed ka sa beauty niya. Ang ganda-ganda,” saad ni Baluyut.
Magtatagal ang aktibidad hanggang ngayong araw, April 2, sa barangay hall ng Batong Malake. Bunsod nito patuloy na iniimbitahan ng barangay ang mga nais pang humabol at magpakita ng suporta sa agrikultura at sining ng Cordillera.