Ulat ni Leo Verdad
Idineklara nang drug-clear ang barangay Batong Malake, Los Baños noong ika-17 ng Abril, 2023 matapos aprubahan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang aplikasiyon nito.
Sa isang pagsusuri ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) ng lokal na pamahalaan ng Los Baños, naipasa ng Batong Malake ang mga merito sa pagsasagawa ng Barangay Drug Clearing Operations sa ilalim ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na pinamumunuan ni Kapitan Ian Kalaw. Ito ay pagtalima sa utos ng DDB na mawakasan ang ugat ng problema sa droga sa mga maliliit na institusyon sa bansa mula sa mga barangay.
Sa pamamagitan ng isang Google Meeting, pormal na inihayag ng ROCBDC ang Declaration of Barangay Drug-Clear Status na pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Local Philippine National Police (PNP). Kasamang nakasaksi mula sa hanay ng Batong Malake ay sina Sec. Andrea De Leon, LGOO III Brenda E. Caraos, PCPC Marlon Narsolis, PAT Fatima Venus Juarez, Batong Malake BPSO Chief Carlo Opulencia, Batong Malake VAWC officer Nueva Katimbang, ADAO Nurse Daryl Hannah Dimapilis, at ADAO Admin Aide Ana Marie Demerin.
“Nung Monday, nagkaroon kami ng validation through webinar naman ginawa nila kasi there were almost 68 na barangays na nag apply for drug-free eh hindi kaya puntahan ng mga agencies ng PDEA at DILG kaya ang ginawa ay nag set ng oras, online through webinar at nagampanan naman throughout the day. Mabuti nalang at alphabetical ang ginawa at ang Batong Malake, ang ating barangay, was picked as no. 4 sa mga ivavalidate”, ani ni Kapitan Kalaw sa isang panayam ng Los Baños Times.
Ayon sa pamunuan ng Batong Malake, layunin ng programa na madagdagan ang mga drug-cleared na mga barangay sa Los Baños bilang mandato ng PNP at mga lokal na pamahalaan na puksain ang mga isyu nito. Ito rin ay sakop ng DILG sa lahat ng lugar sa buong Pilipinas.
Nagkaroon ng house visitation o tinatawag nilang ‘tokhang’ kung saan may tuloy-tuloy na programa sa anim na buwan ang LGU sa mga naisasama sa drug watch list. Layon nitong maisaayos ang buhay ng mga sumukong residente sa tokhang.
Isa ang Batong Malake sa mga lugar na may kaso ng gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga, at may presensya ng mga drug dens at mayroong 25 na nasasangkot bilang persons of interests.
“Well, this is a very straight forward for a develop barangay kagaya ng Batong Malake. Of course we cannot stop the development as peace and order is concerned, talagang maayos… Kaya sa mga kasamahan natin na nandito sa Los Baños, especially sa Batong Malake, we are considered as drug-clear sa barangay. Sana huwag nang dumami ang mga suspected drug suspects or persons with use of drug abuse,” ani Kapitan Kalaw.
Ikinatuwa naman ng mga residente ng Batong Malake ang balitang ito.
“S’yempre masayang-masaya, masaya talaga kasi wala ka nang inaano na takot halimbawa lalo na sa gabi ‘di ba? Katulad diyan halimbawa abutin ng gabi ang mga anak ko puro babae kasi minsan naawas ang anak ko umuuwi lalo na at Friday, traffic ay gabi galing pang Calamba at umuuwi ay alas diyes, ginhawa na ang pakiramdam ko [at] kampante na,” ani Carmen Anaban, 56, residente ng Demarces Village.
“Kami naman ay natutuwa kasi ano ito, ngayon ko lang nalaman na drug clear or whatsoever na anunsiyo ng barangay. Hindi rin naman kami nababahala na kapag ganito ganiyan may balita na nagdodroga sa kapitbahay kasi nga alam namin eh safe kaming mga taga Batong Malake basta ako, sana ipagpatuloy pa po nila yung ganitong balita,” pahayag ng isa pa na residente na si Leonel Virtucio, 51.
Iginiit naman ni Kapitan Kalaw na hindi “drug-free” kundi “drug-clear” pa lamang ang barangay kaya dapat pa ring paigtingin ang programa kontra droga. Nagpasalamat naman siya sa lahat ng mga residente sa patuloy na pagsuporta sa kanilang pampublikong programa at asahan umanong mas pagbubutihin nila ang kanilang trabaho sa barangay.