Ulat nina Margaret Ann Bettina Papag, Joan Chlarisse Yap at Maria Andrea Bodaño
Lumalalang problema ng trapiko, mga abala sa trabaho, at mga makikipot na daan.
Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit naisipan ni Michael Abellera, 31, na magpatayo ng isang delivery service sa Los Baños, Laguna. Taong 2019 pa lamang ay naitatag na ang Los Baños Delivery o mas kilalang bilang “Elbi Delivery”. Sa kasalukuyan, patuloy itong naglilingkod sa mga residente ng Los Baños at Bay, Laguna.
Nag-aalay ng serbisyo tuwing Lunes hanggang Sabado, alas nuwebe ng umaga hanggang alas siyete ng gabi ang Los Baños delivery. Sa likod ng serbisyong ito ay ang dugo’t pawis na inaalay ng mga delivery rider upang makapaglingkod sa oras ng pangangailangan.
Serbisyong Mapanuri
Para sa iba, hindi madaling tugunan ang mga karaniwang gawain sa pang-araw-araw na buhay dahil sa kakulangan sa oras o dahil sa kawalan ng kakayahan. Ito ang isa sa mga nag-udyok kay Michael na bumuo ng isang ideyang makakatulong sa mga residente na tila ba’y palagi ring naghahabol ng oras.
Bitbit ang kaniyang determinasyon ay nagsimula siyang maglingkod sa mga residente ng kaniyang bayan. Noong una, mag-isa lamang si Michael bilang delivery rider – ito ay parte ng kanyang pagsasagawa ng impormal na market research. Ginawa niya ito hindi para kumita, ngunit upang maintindihan niya ang kasalukuyang pangangailangan ng mamamayan.
Nagsimula na rin siyang maghanap ng kanyang makakatuwang na mga delivery rider. “I posted online, interviewed, and discussed to them what I wanted to achieve, then one thing [led] to another,” kwento ni Michael.
(Nag-post ako online, nag-interbyu, at pinag-usapan namin ang nais kong makamit, at ang isang bagay ay humantong sa isa pa.)
Hindi nalilimitahan sa aspetong transportasyon ang delivery services ni Michael. Layunin din ng Los Baños Delivery na makatulong sa kanilang mga customer, gaya na lamang ng pag-asikaso ng mga bayarin at pagbili ng mga pagkain at inumin.
Kasabay ng pagsabog ng bulkang Taal noong taong 2020 ay kalaunang lumago ang kanilang negosyo dahil sa pangangailangan nito. Ayon kay Michael, unti-unting nakilala ang Los Baños Delivery dahil nanatili ang mga residente sa kanilang mga tahanan.
“Sobrang daming inquiries like paano nagwo-work ang isang delivery service. But then months have passed and medyo familiar na ang general public sa aming industry. Nag-focus lang kami sa marketing along with improving our logistics kasi nangangapa pa lang kami sa maraming bagay that time,” saad ni Michael.
(Marami kaming natatanggap na tanong gaya ng paano gumagana ang isang delivery service. Pero makalipas ng ilang buwan, naging pamilyar na ang mga tao sa aming industriya. Nag-focus lang kami sa marketing tsaka sa pagpapabuti ng aming logistics kasi nangangapa pa lang kami sa maraming bagay noon.)
Naunang naitatag ang kanilang serbisyo kaysa mga mainstream delivery services kaya tiyak na mahina pa ang kompetisyon noon sa larangan ng delivery services. Kaya para sa mga residente ng Los Baños at Bay, mas nauna nilang nakilala ang lokal na delivery service sa paghahatid ng kanilang pangangailangan.
Lakbay Tungong Hanapbuhay
“Isipin mo ‘yung pamilya mo. Inspirasyon sa pamilya, kailangan mo sila itaguyod, kailangan mong mag-hanapbuhay. Kapag hindi ka nag-hanapbuhay, walang kakainin.”
Katulad na lamang ng inspirasyon ng nakararami sa kanilang mga trabaho, pagtataguyod din ng pamilya ang motibasyon ni Allan Bautista, 44, na apat na taon nang delivery rider ng Los Baños Delivery.
Hindi kailanman naging hadlang ang kanyang pang-araw-araw na karanasan sa trabaho para tumigil sa paghahatid ng mga bilin ng kanilang mga customer. Para sa isang delivery rider kagaya niya, ang pangangailangan muna ng iba ang kailangan niyang tugunan bago ang kanyang sarili.
“Ang kain ko noon, isang beses na lang sa isang araw, kasi ‘yung customer mo uunahin mo muna bago [ang] sarili mo,” kwento ni Allan.
Masasabi niyang oras ang tunay na kanilang kalaban sa inihahandog na serbisyo. “Once na ma-pending-an ka ng isa, chain reaction yan, tuloy-tuloy yan, male-late na nang male-late ‘yung susunod sayo, hangga’t sa mainis sa’yo ‘yung customer mo, papa-update ka nang papa-update. Wala na tayong magagawa kundi humingi ng pasensya,” lahad ni Allan.
Kasabay pa nito ang mga hamon na kanilang hinaharap sa kanilang paglalakbay. Ayon sa isa pang delivery rider na si Jeffrey Chavez, matinding pagsubok ang masiraan ng motor para sa kanilang mga kapwa delivery rider.
“‘Yung aming ginagamit na pang-hanapbuhay, ‘yun talaga ang pinakamahirap [na hamon] sa’min kasi gagastos kami, hindi naman sa opis namin manggagaling ‘yung [panggastos] niyan, sa’min na rin [manggagaling ‘yan],” ani Jeffrey.
Kanila ring nilalabanan ang problemang dala ng mainit at maulang panahon. Sa kabila nito, naniniwala si Jeffrey na pagsubok lamang ang mga ito. Aniya, “Kailangan natin sabayan ang agos ng [buhay]. Kunwari, ‘pag nasiraan, kailangan talaga ‘yung problema, masolusyonan, para makabiyahe ka ulit o kumita ka ulit kahit papaano.”
Serbisyo sa Gitna ng Hamon ng Pandemya
Habang napilitang magsara ang ilang negosyo at establisyemento dulot ng epekto ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas, ang Los Baños Delivery ay lumago dahil sa pagtaas ng demand para sa kanilang serbisyo.
Bunsod ng lockdown, pati na rin ng takot na dala ng pandemya, nahirapan ang mga sambahayan na tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Naging daan ang delivery services upang masolusyonan ito.
“Noong pandemic, ang daming [pinapa-deliver]. Groceries, anything na pwede mo ipa-deliver, ipapa-deliver nila, kulang na lang pati buhangin at semento,” kwento ni Allan.
Marami ang nangailangan at nakinabang sa kanilang serbisyo noong pandemya tulad na lamang ni Nicole Campos, 22. Aniya, “During lockdown, hindi ako pinapayagan lumabas ng bahay, so nag-aavail ako ng delivery services nila.” Gayundin ang saad ni Marion Perez, 23, kung saan kinailangan din nila ang serbisyo ng Los Baños delivery makalipas ang tatlong buwan mula sa pagpapatupad ng lockdown.
Ang delivery riders ay kinikilala bilang frontliners. Subalit, kabaligtaran ang kanilang nararanasan sa ilang mga barangay sa Los Baños. “Kahit kumpleto ang documents namin, sa mabilis na pabago-bagong quarantine levels ay hindi kami laging nakakapasok,” saad ni Michael.
Ngayong malaya na muli ang pagkilos ng mga tao, hindi maitatanggi ni Allan ang epekto nito sa kanilang hanapbuhay bilang delivery rider. Sa kabila ng pagbabalik-sigla ng iba’t ibang negosyo ngayon sa Los Baños, kadikit nito ang pagtumal ng pagtangkilik ng mga tao sa kanilang delivery service.
Kung noon ay kumikita sila ng hanggang dalawang libong piso kada araw, ngayon ay kumikita na lamang sila ng anim hanggang siyam na daang piso sa buong maghapon. Ngunit hindi pa rin ito naging hadlang para tumigil sila bilang lokal na delivery rider.
“Sa’kin kasi nagkaroon ako ng hanapbuhay ulit, sa age ko na ‘to, mag-45 na rin ako, mahirap kasi kumuha ng employer, syempre overage ka na, tatanggapin ka pa ba?” ani Allan. Para sa kaniya, ang pagiging deliver rider ay isang magandang oportunidad upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Serbisyong Tumutugon sa Pangangailangan ng Komunidad
Sa kabila ng pag-usbong ng iba’t ibang delivery services sa Los Baños, hindi pa rin nawawala ang mga tapat na suki ng serbisyong hatid ng Los Baños Delivery.
Para sa residenteng si Atheena Lastimosa, 21, natutugunan ng nasabing delivery service ang kanyang pangangailangan sa pinabilis at pinadaling paraan. Ngunit maliban sa pagtugon sa indibidwal na pangangailangan ng mga residente, nakikipag-sosyo rin ang Los Baños Delivery sa mga kilalang establisyemento sa Los Baños at Bay, tulad ng home-based products, pet shops, coffee shops, mga kainan, at iba pa.
Ayon kay Jonas Galapon, 31, may-ari ng Drive and Grind Cafe, tiyak na maayos ang serbisyong hatid ng Los Baños Delivery bilang kanilang delivery partner.
“Nag-iinform naman po sila thru call and chat bago pumunta sa puwesto namin,” lahad ni Jonas.
Kahit na mahigit isang taon pa lamang nilang katambal ang Los Baños Delivery, tunay na malaki rin ang naiambag nito sa pagpapakilala sa kanilang negosyo sa mga residente.
“Ang kanilang pag-post sa kanilang [social media] page ay malaking tulong para sa amin para maipakalat pa ang aming produkto sa mas malawak na komunidad ng Los Baños,” dagdag ni Jonas.
Serbisyong Umaagapay Kailanman
“Nandito lang naman ang mga delivery rider, pwedeng pwede [niyong] tawagan.”
Ito ang sinabi ni Jeffrey sa likod ng mga hamong dala ng pagtataguyod ng makabagong industriya, pagsabog ng bulkang Taal, pagbunsod ng mga lockdown dahil sa pandemya, at sa mga problemang kinahaharap ng Los Baños Delivery.
Tiyak naman si Michael na nakapaghahatid nang mabuti ang kanyang mga delivery rider. Aniya, “If you look at the comments at our [Facebook] page reviews, most of them say a lot about the attitude of our riders. I believe that at least a part of them that made them being extra friendly and accommodating to customers is because they basically are proud Los Baños Delivery riders.”
(Kung titingnan ang mga reviews sa aming Facebook page, karamihan ay nagsasabi ng tungkol sa karakter ng aming riders. Naniniwala akong kaya mababait at matutulungin ang mga delivery rider sa aming mga customer ay dahil ipinagmamalaki nilang sila ay Los Baños Delivery riders.)
Para kay Allan, malaki ang tulong nito lalo na sa mga estudyanteng nangangailangan ng bilihin ngunit hindi makalabas. Sa isang banda, naniniwala si Atheena na mahalaga rin ang pagkakaroon ng ganitong serbisyong hatid ng Los Baños Delivery dahil nakapagbibigay ito ng trabaho sa mga taga-Los Baños. “Natutulungan nito ang malalaki at maliliit na negosyo sa ating komunidad upang marating ang mas malawak na saklaw,” dagdag niya.
“It’s like Shopee pero same day delivery!” ngiting sabi naman ni Nicole dahil ayon sa kanya, nakagiginhawa ang serbisyong ito hindi lamang para sa mga nasa liblib na lugar, kung hindi pati sa mga naka-isolate na nangangailangang bumili ng gamot.
Paglakbay sa Hinaharap
Hindi madali ang pagpapatayo ng serbisyong gaya na lamang ng delivery services. Ngunit naniniwala si Michael na ang pagkakaroon ng magandang relasyon sa pagitan ng mga customer, rider, at administrator ang sagot upang magtagal ang kanilang negosyo. Aniya, “it would be unwise to think na always namin ma-sustain ang business. Rather, I would prefer to say that we hope to always remain relevant to the market.”
(Hindi mabuting isiping mapatatagal namin ang aming serbisyo. Sa halip nito, mas gugustuhin kong sabihing umaasa kaming palagi kaming nababagay sa market.)
Sa higit makalipas na apat na taon ay patuloy na tumatanggap ang Los Baños Delivery ng mga bilin sa kanilang mga mamimili. Kasama ng mga delivery rider ni Michael, patuloy ang pagpapalago ng kanilang serbisyo upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga komunidad ng Los Baños at Bay.